Ang Bayan Ngayon » Dambuhalang protestang bayan kontra korapsyon, muling ikakasa ng KBKK sa Nobyembre 30

Muling pamumunuan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang isang dambuhalang protesta ng mamamayan kontra korapsyon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa sa Nobyembre 30. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Inianunsyo ng KBKK at mga organisasyon, konseho at samahang bumubuo dito ang nakatakdang demonstrasyon sa isang pagtitipon noong Oktubre 29. Ayon sa KBKK, tanging sa pagpapanagot lamang sa lahat ng dawit sa anomalya mawawakasan ang sistemikong korapsyon na pumepeste sa gubyerno.

“Kapag sinabi nating ‘lahat’, ibig sabihin ay lahat magmula sa presidente. Sa huli, siya naman ang nagbuo at nag-apruba sa taunang badyet, kabilang ang paglalabas ng pondo para sa mga maanomalyang proyekto noong 2023, 2024, at 2025,” pahayag ng KBKK.

Dagdag nito, imposibleng hindi alam ni Marcos ang tungkol sa napakalaki at paulit-ulit na mga anomalyang nalalantad nitong nagdaang mga buwan. “Dapat tukuyun ng anumang kapani-paniwalang imbestigasyon kung nakatanggap mismo si Marcos ng bilyun-bilyon mula sa kikbak,” anang grupo.

“Kabilang rin sa ‘lahat’ si bise presidente Sara Duterte, na na-impeach noong Pebrero at dapat litisin sa Senado,” dagdag pa ng KBKK. Nasasakdal si Duterte sa paglustay sa ₱612.5 milyong confidential and intelligence funds, kabilang ang ₱254.9 milyong ghost o gawa-gawang gastos.

Para sa KBKK, ang nakatakdang pagkilos sa Nobyembre 30 ay mahalaga para ipresyur ang rehimeng Marcos na seryosong tugunan ang lanagap na korapsyon sa halip na pagpasa-pasahan ito. “Ayaw na nating maulit ang isa pang Napoles PDAF scam na maliliit na taong sangkot lamang ang naparusahan at ni hindi man lamang nauga ang mga nasa tuktok,” ayon sa mga organisador ng KBKK.

Matatandaan na nagsimula ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control ilang buwan na ang nakararaan sa House of Representatives, sa Senado, at ngayon ay hawak na ng binuo ni Marcos na Independent Commission for Infrastructure (ICI). Urong-sulong ang mga imbestigasyong ito at paulit-ulit na ring kinuwestyon ng publiko dahil sa kawalan ng transparency, laluna sa ICI.

Ayon sa KBKK, pinaghahandaan na ng mga organisasyon nito ang pagpapakilos lagpas sa 100,000 indibidwal na lumahok sa demonstrasyong Baha sa Luneta noong Setyembre 21. Patuloy ring nadaragdagan ang bilang ng mga organisasyong nakikipagkaisa sa KBKK para maging bahagi ng paglaban sa korapsyon at para sa pananaguan at katotohanan.

Ilan sa myembro ng KBKK ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abuado Network Alliance (TAMA NA), Panatang Luntian, Movement Against Tyranny, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bunyog Pagkakaisa, Greenpeace Philippines, Seniors Kontra Kurakot, Social Workers Against Corruption, One Nation One Voice One Church, United People Against Corruption (UPAC), Working People Against Corruption, UP Diliman University Student Council, PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral, Gabriela, Babae para sa Inang Bayan, San Pablo Ayaw sa Korapsyon (Sapak), Hiphop United, Health Alliance for Democracy, at Koalisyong Makabayan.

Bago ang Nobyembre 30, linggu-linggong ikakasa ng KBKK at mga alyado nito ang Black Friday Protest sa mga komunidad, unibersidad, pagawaan, palengke at kung saan natitipon ang mga mamamayan. Maglulunsad rin ang mga organisasyon ng KBKK ng mga porum, malalaking pulong at paglaladlad ng mga istrimer para abutin ang mas maraming Pilipino.

Ilan sa mga aktibidad na ito ang “Ghostbuster Protest” ng Bayan sa Mendiola sa Maynila sa Oktubre 31; Lakbayan ng Mamamayan ng UPAC sa Nobyembre 7; paggunita sa mga biktima ng Yolanda sa Nobyembre 8; protesta ng mga estudyante sa International Students Day sa Nobyembre 17; araw ng pagkilos ng mga manggagawang pangkalusugan sa Nobyembre 21; sama-samang pagbibisikleta kontra korapsyon sa Nobyembre 22; pagkilos ng mga guro sa Nobyembre 28; at iba pang lokal na pagkilos sa mga bayan at syudad sa buong bansa.

Ipinahayag ng KBKK na determinado ang kanilang hanay na tuluy-tuloy na kumilos kasama ang mamamayang Pilipino hanggang sa mapanagot ang lahat ng sangkot.

Source link