Dakilain ang alaala at rebolusyonaryong pamana ni Luis “Ka Louie” Jalandoni! Makibaka para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas at buong mundo!

Pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay ng NDF-Mindoro at ng mamamayang Mindoreño kay Ka Luis Jalandoni—isa sa mga haligi ng pambansa demokratikong rebolusyon—para sa buhay na kanyang inialay sa paglilingkod sa sambayanan at kanilang mithiin para sa katarungan, kalayaan, demokrasya at kapayapaan.

Ipinanganak si Ka Louie noong Pebrero 26, 1935 sa pamilya ng mga malaking panginoong maylupa sa isla ng Negros. Pinagmamay-arian ng kanilang angkan ang malawak na lupain at tubuhang sinasaka ng mga maliit na magsasaka at manggagawang bukid. Nang makilala ni Ka Louie ang rebolusyon, pinili niyang talikdan ang materyal na yaman, alwan at pribilehiyo ng kinagisnang buhay bilang bahagi ng naghaharing uri upang maging bahagi ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masang api.

Bago maging ganap na rebolusyonaryo, naging pari ng Simbahang Katoliko si Ka Louie. Sa panahong ito, isinabuhay ni Ka Louie ang diwa ng paglilingkod sa mga mahihirap na siyang itinuturo ng Simbahan. Ang panahon na siya’y naging pari ay panahon din ng malalim na pag-ugat sa masang anakpawis—sa pag-aaral ng kanilang tunay na mga kundisyon at hinaing at kanilang mga pakikibaka. Ang mga tubuhan sa Negros—kung saan matatagpuan ang pinakamasahol na kahirapang dulot ng pyudalismo at mala-pyudalismo—ay nagsilbing paaralan ni Ka Louie. Sa piling ng masang inaapi, nabuo kay Ka Louie ang matibay na kapasyahang maglingkod sa masa; kapasyahang hahawakan niya sa bawat liko’t ikot ng rebolusyonaryong landas na kanyang tinahak hanggang siya ay namartir sa edad na 90.

Matalas na natukoy noon ni Ka Louie ang kabiguan ng maraming taong simbahan at mga relihiyoso na sundin ang mga turo ni Hesus hinggil sa pagkalinga sa mga mahihirap. Isa sa naging malaking ambag ni Ka Louie sa pagtatatag at pagpapalakas sa nagkakaisang prente ang mahusay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga taong simbahan para himukin silang makiisa sa pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawa para sa lupa, sahod at makataong kundisyon sa paggawa at sa paglaban ng mamamayan sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.

Noong Pebrero 1972, naging bahagi si Ka Louie ng pagtatag sa Christians for National Liberation (CNL), ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga taong simbahan. Mula noon hanggang ngayon, ginagampanan ng CNL ang susing papel sa pag-oorganisa ng mga taong simbahan para sa demokratikong rebolusyong bayan at armadong pakikibaka. Patunay rito ang kasaysayan ng pambansa demokratiko at rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro. Tampok sa kasaysayan ng Mindoro ang papel ng mga progresibong taong simbahan sa mga pakikibakang masa ng mga magsasaka at katutubong Mangyan para sa lupa, kampanya laban sa mina at iba pang mapangwasak na mga negosyo, pagkalinga sa mga biktima ng terorismo ng estado laluna noong rumagasa ang Oplan Habol Tamaraw ni Gloria Arroyo at berdugong si Gen. Jovito Palparan sa isla at iba pang mga paglaban ng mga Mindoreño. Di na rin mabubura sa kasaysayan ng Mindoro ang mga taong simbahang nagpasyang lumabas sa apat na sulok ng simbahan upang isabuhay ang turo ni Hesus sa paglilingkod sa pamamagitan ng paghawak ng armas at pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Isa si Ka Louie sa mga kadre ng rebolusyon na kumilos nang lihim nang ipataw ni Marcos Sr ang batas militar noong Setyembre 21, 1972. Sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos, nahuli at ikinulong si Ka Louie. Nakasama niya sa lihim na pagkilos hanggang sa kulungan ang kaniyang kabiyak na si Ka Coni Ledesma—isa ring rebolusyonaryong taong simbahan na, katulad ni Ka Louie, nagmula sa pamilya ng mga naghaharing uri.

Gaya ng daan-daan pang mga aktibista at rebolusyonaryo noong diktaduryang Marcos, dumanas si Ka Louie ng pagpapahirap sa kamay ng mga kaaway. Kabilang na rito ang pagkulong sa kanya sa isang bartolina kasama ang iba pang bilanggong pulitikal sa loob ng higit isang taon. Sa kabila nito’y hindi isinuko ni Ka Louie ang rebolusyonaryong paninindigan. Ipinanawagan ng mga grupong relihiyoso ang pagpapalaya kay Ka Louie sa loob at labas ng bansa. Pagdating ng 1974, makakalaya sina Ka Louie dahil sa walang pagod na pangangampanya para rito.

Agad na bumalik sa pagkilos si Ka Louie at naging bahagi pa nga ng pag-oorganisa ng makasaysayang welga ng mga manggagawa sa La Tondeña; makasaysayan sapagkat ito’y naging hudyat ng pagsigla ng mga hayag na aksyong masa na pansamantalang napatahimik ng batas militar ni Marcos Sr.

Taong 1976, gumampan ng susing papel sa gawaing internasyunal si Ka Louie. Pinamunuan niya ang pakikipag-ugnayan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa iba’t ibang partido, kilusan, organisasyon at gubyerno. Napakalaki ng ambag ni Ka Louie sa paglalantad sa diktaduryang Marcos at ang mga brutal na krimen nito laban sa mamamayan sa pandaigdigang entablado.

Habang ginagampanan ang gawaing internasyunal, madidistiyero si Ka Louie at Ka Coni dahil sa banta sa kanilang buhay at seguridad at katiyakang sila’y tutugisin (kung hindi papatayin) ng reaksyunaryong gubyerno kung sila’y babalik sa Pilipinas. Nagpasyang humingi ng political asylum ang mag-asawa sa bansang The Netherlands at naging unang mga Pilipinong political exile dito.

Malayo man sa Pilipinas, di kailanman tumigil si Ka Louie sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Mula sa Netherlands at upisina ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dito, pinangunahan ni Ka Louie sa loob ng ilang dekada ang pagtatanghal sa demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino sa internasyunal at pangangalap ng suporta para rito. Taong 1977 nang itinalaga siya bilang kinatawan ng NDFP para sa usaping internasyunal. Nang humarap ang NDFP sa usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong 1989, naitalaga si Ka Louie bilang punong negosyador ng rebolusyonaryong kilusan. Bilang pangunahing kinatawan ng NDFP, kasama si Ka Louie sa Mindoro nang palayain ang bihag ng digma na si Major Noel Buan noong 2001 kasama ang iba pang kinatawan ng NDFP, mula sa GRP, mga alyado, at libo libong masa na sumaksi sa pagpapalaya. Sa pangunguna ni Ka Louie, ipinamalas ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro ang lakas na inabot ng gubyernong bayan sa isla. Ang napakahalagang tungkulin bilang negosyador ay ginampanan ni Ka Louie nang buong husay hanggang sa pinakahuling usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at GRP noong 2017.

Ang lubhang pambubusabos sa Mindoro kung saan malawakang sinisira at kinakamkam ang kabundukan, katubigan, at kapatagan dahil sa mga minahan, dam, REP’s, at iba pang dayuhan at mapangwasak na proyekto. Ang kawalan ng lupa ng maraming magsasaka’t katutubong Mangyan, ang napakababang sahod ng manggagawang bukid, ang tumitinding terorismo ng estado sa mga Mindoreño ay higit pang nagpapatibay sa legasiyang iniwan ni Ka Louie laluna ang kawastuhan ng armadong pakikibaka at paglalagay sa unahan ng pagresolba sa ugat ng kahirapan.

Huwaran ng katapatan sa rebolusyon at sa interes ng mamamayang inaapi si Ka Louie. Paulit-ulit niya itong pinatunayan bilang punong negosyador ng NDFP na humarap sa reaksyunaryong GRP at sa pagmamaniobra ng GRP—laluna ng mga militarista rito—na brasuhin o linlangin ang rebolusyonaryong kilusan na isuko ang armadong pakikibaka at lusawin ang BHB nang hindi natutugunan ang tunay na ugat ng digmang sibil sa Pilipinas. Sa wasto at matibay na paninindigan na kinakailangan munang lutasin ng usapang pangkapayapaan ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ang kahirapan at kalunos-lunos na kalagayang kung saan inilulugmok sa pagkabusabos ang milyun-milyong masang anakpawis, ang dayuhang pang-aapi sa bansa at ang kawalan ng tunay na hustisya sa lipunang Pilipino, itinaguyod ni Ka Louie ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayaapan na karapatan at kahilingan ng mamamayang Pilipino. Para rito, sa buhay na walang pag-iimbot na inialay sa paglilingkod sa mga inaapi at sa di mapasusubaliang ambag sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan, ating binibigyan ng pinakamataas na pagpupugay si Ka Louie!

Gaya ng ating pagbibigay pugay kay Ka Joma at sa iba pang mga haligi ng rebolusyong Pilipino, lubusin natin ang pagpaparangal sa kay Ka Louie sa muling pagpapatibay ng ating panata na paglilingkuran natin ang masa, na iwawaksi natin ang lahat ng makasariling interes at na paghuhusayin natin ang araw-araw na paggampan sa mga rebolusyonaryong tungkulin. Ngayong inilulunsad ng rebolusyonaryong kilusan ang kilusang pagwawasto, gawin nating inspirasyon si Ka Louie, si Ka Joma at iba pang mga huwaran ng rebolusyong Pilipino sa pagbalikat sa mabibigat na mga tungkulin, kahirapan at sakripisyong puhunan natin sa pagsusulong ng rebolusyon. Manumpa tayo muli na ating paglilingkuran ang masa at ang rebolusyon buhay man natin ay ialay kung kinakailangan.

Mabuhay si Luis “Ka Louie” Jalandoni!

Mabuhay ang mga martir ng sambayanan!

Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng mamamayan!

Source link