Dagdag na ₱5 sa presyo ng langis, kinundena ng mamamayan

Naglunsad ng pagkilos ang iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong Hunyo 22 sa tapat ng Petron Station sa Quezon City upang tutulan ang nakaambang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Tinatayang aabot ang dagdag sa ₱5 sa Hunyo 24.

Anito, sinasamantala ng mga ganid na kumpanya ng langis ang tensyon sa Iran at West Asia upang kumita ng sobra-sobrang tubo. “Hindi tinutuligsa ng gubyerno ang mga kilos ng mga kartel ng langis dahil kumikita rin ito at napupunta sa mga kurap na upisyal,” ayon sa Bayan.

Ayon sa PARA Advocates for Inclusive Transport, grupo na nagsusulong ng inklusibong transportasyon, sa Hunyo 24 lagpas ₱5.00/L ang itataas ng diesel at P4.00/L naman sa gasolina. Ito na ang pinakamalaking pagtaas sa presyo ng langis sa mga nagdaang taon. Simula pa Enero 2024 halos ₱18/L na ang tinaas ng presyo ng diesel samantalang ₱20/L sa gasolina. Kung idadagdag pa ang magiging pagtaas, tumataginting na ₱23/L ang itaas ng diesel at ₱24/L ng gasolina sa loob lamang ng isa at kalahating taon.

“Isyu ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng langis. Sa pinakadirekta sa komyuter, pagtaas ng pamasahe ang kadikit ng oil price hike. Halos lahat ng kinokonsumo natin ay kinakailangan ng langis. Ang mga food producers tulad ng magsasaka at mangingisda, gumagamit ng langis para sa traktora at bangka. Ang mga trak na magdadala ng produkto, gumagamit ng langis. Kaya ang ending, tataas ang presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin. Habang ang sahod ng mangagawa, bababa lalo ang halaga,” paliwanag ng PARA.

Upang mapagaan diumano ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, nagpahayag ang Department of Energy na pumayag ang mga kumpanya ng langis na utay-utayin ang pagtaas ng presyo nito. Tinawag itong kalokohan ni Mody Floranda, lider ng PISTON. “Paano ito naging solusyon? Parang sinabi sa atin na bibitayin tayo, pero unti-unti lang gagawin. Ang dulo ay patay pa rin tayo. Uutay-utayin nga pero magtataas pa rin naman ng presyo ng langis. Bilyon pa rin ang tubo ng Petron, Caltex, at Shell. Di pa rin tataas ang sahod ng manggagawa.”

Nanawagan si Atty. Carlos Zarate, kinatawan ng Bayan Muna kay Marcos Jr. na kagyat nang kumilos upang tugunan ang krisis “Hindi dapat maghintay pa ang Pangulo na umabot sa $80 per barrel ang presyo ng langis bago kumilos. Kailangan na ngayon na isuspinde ang excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo dahil walang ibang paraan na mapuprotektahan ang mga konsyumer habang wala pa sa sesyon ang Kongreso.”

“Hindi gaanong tatamaan ang mga konsyumer kapag nabawasan natin ang mga pahirap na buwis at magkaroon ng sapat na regulasyon sa industriya ng langis,” paliwanag ni Zarate.

Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas para kagyat na pagbabasura ang Oil Deregulation Law. “Dapat kontrolin ng gubyerno ang mga kumpanya ng langis at pigilan ang labis na pagkamal ng kita at tubo lalo sa panahong may tensyon sa pandaigdigang merkado, gaya ng nagaganap sa Middle East…”

“Dapat na rin na isuspendi o itigil na ng gobyerno ang pagkamal ng buwis habang ibinabaon sa utang at gutom ang mamamayan. Dapat tugunan ang gubyerno ang krisis sa pagkain at agrikultura, at bawiin ang mga patakarang nagpapahirap sa masa,” ayon sa KMP.

Source link