Daan-daang libong Pilipino, kumilos kontra korapsyon noong Setyembre 21

Binaha ang Pilipinas ng daluyong ng protesta ng higit 200,000 katao sa buong bansa noong Setyembre 21 para batikusin ang malawakang korapsyon laluna sa mga proyektong flood control na nalantad sa nagdaang mga linggo sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naging sentro ng malalaking pagkilos ang Luneta Park sa Maynila at ang EDSA People Power Monument sa Quezon City, habang nagkaroon rin ng mga demonstrasyon at aktibidad sa hindi bababa sa 34 prubinsya.

Isinagawa ang malawakang pagkilos kasabay ng araw ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Batas Militar at kasunod na 14 na taon ng diktadura ng rehimeng Marcos Sr. Naging katangian ng paghahari ng diktadurang Marcos ang malawakang pandarambong at pangungurakot sa kaban ng bayan at pasismo.

Sa Luneta Park, mahigit 100,000 katao ang dumagsa para sa protestang “BAHA SA LUNETA: Aksyon Na Laban sa Korapsyon!” sa ilalim ng Kontra Baha, Kontra Kurakot Network. Pinangunahan ang malaking demonstrasyon at network ng mga grupo ng kabataan at TAMA NA (Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance).

Umalingawngaw sa protesta ang mga panawagan ng pagpapanagot sa lahat ng mga kurakot at sangkot sa mga katiwalian. Napuno ang programa ng mga talumpati ng iba’t ibang sektor, mga awitin at iba pang pagtatanghal. Ang mga lumahok sa protesta ay nakasuot ng kulay itim na damit bilang porma ng indignasyon.

“Lahat ng sektor ay nagpunta sa Luneta para ipakita ang ating galit sa bulok na sistema ng mga korap na kontraktor at dinastiya,” ayon kay Prof. David San Juan, lider ng alyansa. Ayon sa TAMA NA, dumalo sa protesta ang mga nabiktima ng pagbaha, mga estudyante, guro, manggagawa, magsasaka, rapper, riders, bikers, srunners, artista, urban poor, punk, PPOP fans, One Piece enthusiasts, Tsinoy, kababaihan, senior citizens, LGBTQ+, abogado, nars, doktor, taong simbahan, kapamilya ng tokhang victims, social workers, engineers, kabataan at beteranong mga aktibista. Dumalo rin ang mga grupo mula sa katabing mga rehiyon ng Central Luzon at Southern Tagalog.

Liban sa mga pisikal na nakiisa sa protesta, kinilala at nagpasalamat rin si San Juan sa milyun-milyong nagpahayag ng suporta sa iba’t ibang paraan at sumubaybay sa isinagawang programa. “Sa taas ng ating enerhiya, sa patuloy nating pagkakaisa, at sa realisasyon natin na kailangang hindi mauwi sa dati ang mga pangyayari, marami pa tayong magagawa tungo sa bansang pangarap nating lahat,” aniya.

Matapos ang programa sa Luneta, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang martsa ng libu-libo tungong Mendiola malapit sa Malacañang para papanagutin at singilin si Marcos mismo sa kanyang korap at pasistang gubyerno. Matagumpay na nakapaglunsad ng programa ang Bayan at mga organisasyon sa ilalim nito sa kabila ng barikada ng mga pulis sa Mendiola Bridge.

Bago nito, nagkaroon ng marahas na gitgitan at komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at ilang grupo ng kabataan sa Ayala Bridge at pagkatapos ay sa Mendiola. “Namalas ngayong araw ang galit ng mamamayan sa mga korap na upisyal at pulis na pumuprotekta sa mga mayayaman at makapangyarihan sa marahas na komprontasyon sa pagitan ng puli at karamiha’y mga kabataan sa Ayala Brigde at Mendiola,” pahayag ng Bayan.

Iniulat ng Bayan ang pagtatangka nitong kalmahin ang sitwasyon ngunit nangibabaw ang lubhang pagkamuhi nila sa mga pulis. Natamaan ng bato sa mukha ang presidente ng Bayan na si Renato Reyes Jr, habang 12 myembro ng mga organisasyong masa sa ilalim ng grupo ang inaresto. Binatikos nila ang karahasan ng pulis at nanawagan para sa kagyat na pagpapalaya sa mga inaresto, laluna ang mga menor de edad.

Noong hapon, nagtungo sa EDSA People Power Monument ang TAMA NA para makiisa sa “Trillion Peso March” na pinangunahan ng Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) at iba pang mga organisasyon. Ayon sa CLCNT, hindi bababa sa 70,000 katao ang lumahok sa protesta.

“Ipinakita ng mga Pilipino na naubos na ang pasensya natin sa korapsyon. Ang nakita natin sa EDSA ay hindi lamang simpleng galit kundi makatwirang indignasyon. Tinig ito ng mahihirap, ng mga manggagawa, ng kabataan, ng karaniwang pamilyang naninindigan: Tama na. Sobra na. Ikulong na.” pahayag ni Bishop Colin Bagaforo, presidente ng Caritas Philippines at isa sa mga lider ng CLCNT.

Idineklara rin ng CLCNT na ang malawakang pagkilos sa EDSA ay “simula pa lamang ng mas malaki pang kilusan para sa katotohanan at hustisya.”

Hindi nalimita ang kilusang protesta kontra korapsyon sa Metro Manila. Tulad sa nagdaang mga linggo, isinagawa ng mga progresibong grupo at mga taong-simbahan ang mga protesta sa mga prubinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Luzon

Sa Baguio City, higit 5,000 katao ang lumahok sa martsa kontra korapsyon na pinangunahan ng mga kabataan at estudyante. Mula sila sa higit 120 grupong nakabase sa syudad at mga kalapit bayan nito sa Benguet. Inilunsad nila ang programa sa People’s Park.

Sa Kalinga, isang prayer rally ang dapat ilulunsad sa isang parke sa Tabuk City. Ngunit nang magsisimula na ang pagtitipon, sa kabila ng pagtiyak ng permit, ay ipinasara ang parke dahilan para ilipat ang programa sa harap ng city hall. Samantala, isang hiwalay na pagtitipon din ang isinagawa ng Cordillera People’s Alliance-Kalina.

Sa Ifugao, nakiisa ang Basic Ecclesiastical Community sa Alfonso Lista, Ifugao sa pambansang araw ng protesta. Nagtipon sa parokya ng Our Lady of Visitation Parish sa pangunguna ng Redemptorist Northern Luzon Mission.

Sa Abra, nagsagawa ng maiksing aktibidad ang Kabataan Partylist Abra sa isa sa mga bulok na proyektong flood control sa prubinsya. Kinundena ng grupo ang kapahamakang hatid nito sa mamamayan ng prubinsya.

Sa Cagayan, daan-daan ang lumahok sa martsa sa Rizal Park, Tuguegarao City. Hindi nagpatinag ang protesta, na pangunahing nilahukan ng mga kabataan, sa kabila ng pag-ulan na hatid ng bagyong Nando.

Sa Isabela, nagtipon ang ilang mga kabataan at residente ng Santiago City sa Mabini Circle Freedom Park at nagtali ng puting ribon sa palibot ng parket para manawagan ng transparency at pananagutan sa katiwalian.

Sa Nueva Vizcaya, nagkaroon ng pagtitipon at protesta ang mga kabataan at taong-simbahan sa katedral ng St. Dominic de Guzman sa Bayombong.

Sa Ilocos Norte, mahigit-kumulang 200 katao ang nakiisa sa pagkilos sa kapitolyo sa Laoag City. Ayon sa mga organisador, isang malaking bigwas ang pagkilos laluna at naisagawa ito sa balwarte ng mga, Marcos na malaki ang kasaysayan ng pangungurakot. Nagkaisa isla sa malapad na ugnayan na Kilos Ilocos Norte Kontra Korapsyon.

Sa La Union, tinatayang 1,000 indibidwal ang lumahok sa protesta sa Plaza Auditorium sa San Fernando City sa ilalim ng Kilos La Union Kontra Korapsyon. Nagsama-sama sa protesta ang mga progresibong grupo, mga magsasaka at mangingisda, at mga taong-simbahan. Dumalo sa pagkilos ang obispo ng diyosesis.

Sa Pangasinan, sama-samang nanalangin at nagtirik ng kandila ang mga taga-Dagupan City sa isang pagtitipon sa Parish of St. John the Evangelist sa syudad.

Sa Zambales, nagsagawa ng demonstrasyon ang bagong tatag na grupong People Against Corruption-Olongapo sa Rizal Triangle Park sa syudad.

Sa Bulacan, inilunsad ang dalawang pagtitipon at protesta sa bayan ng Malolos at Calumpit. Ang prubinsya ng Bulacan ay karaniwang nalulubog sa baha sa panahon ng tag-ulan.

Tinatayang 1,500 residente ng Calumpit ang lumahok sa martsa sa MacArthur Highway sa Barangay Poblacion bitbit ang panawagang “managot ang lahat ng dapat managot.” Nanguna at nakilahok sa protesta ang mga upisyal ng lokal na gubyerno ng Calumpit.

Sa Malolos, nagprotesta ang mga grupo ng kabataan at Bulakenyo sa harap ng Bulacan Provincial Capitol para manawagan ng pananagutan laban sa katiwalian. Nagmartsa sila mula sa Malolos Cathedral pagkatapos ng “Misa at Dalangin ng Pananagutan.”

Noong Setyembre 20, nagmartsa sa gitna ng baha ang daan-daang residente sa Hagonoy upang makiisa sa protestang “Tindig, Hagonoy.” Nanawagan sila ng aksyon sa lumalalang problema ng pagbaha sa lugar, sa gitna ng mga katiwalian sa proyektong flood control.

Sa Pampanga, dalawang protesta ang inilunsad ng magkakaibang mga grupo sa Angeles City. Unang nagsagawa ng pagkilos ang 1,500 myembro ng Koalisyon Kontra Kurakot (KKK) at ng Inter-Fraternity and Sorority Solidarity (IFSS) sa Heritage Street sa harpa ng Holy Rosary Parish. Sinundan ito ng aabot sa 700 indibidwal sa pangunguna ng Bayan-Cental Luzon na nagmartsa tungo sa Plaza Miranda.

Matatandaan na higit 3,000 ang lumahok sa malawakang demonstrasyon sa Metropolitan Cathedral sa San Fernando noong Setyembre 18 bilang pagkundena sa korapsyon. Pinangunahan ito ng grupong Concerned Citizens of Pampanga. Samantala, daan-daan din ang lumahok sa lokal na protestang inilunsad ng Concerned Citizens of San Simon noong Setyembre 20.

Sa isla ng Mindoro, pinangunahan ng grupong Mindoro Kontra Korapsyon ang partisipasyon ng mga grupo sa araw ng pagkilos. Nagprotesta ang mga grupo ng kabataan at estudyante ng Oriental Mindoro sa harapan ng Calapan City Plaza para batikusin ang korapsyon. Isang piket rin ang isinagawa ng mga Mangyan sa Barangay Poblacion, Abra de Ilog, Occidental Mindoro para ihayag ang epekto sa kanila ng mga pagbaha at katiwalian.

Sa Palawan, halos 4,000 residente ang nagsama-sama sa Seminario de San Jose sa Puerto Princesa para sama-samang manalangin at protesta kontra korapsyon.

Sa Camarines Norte, nagsagawa ng protesta ang mga kabataan, taong-simbahan at iba pang grupo sa Rizal Monument sa Daet.

Sa Camarines Sur, pinangunahan ng balangay ng Bayan sa prubinsya ang protesta. Kasabay nilang ginunita ang ika-53 taon ng deklarasyon ng batas militar.

Sa Albay, hindi bababa sa 2,000 katao ang lumahok sa aktibidad at martsa kontra korapsyon. Nagmartsa ang mga grupo mula sa Redemptorist Church patungong Pinaglabanan Monument, Legazpi City. Magkakapit-bisig sa protesta ang mga kabataan, taong-simbahan, propesyunal at iba pang sektor.

Sa Sorsogon, nagkaroon din sabay-sabay ng mga protesta sa Sorsogon City at ilang bayan sa pangunguna ng kabataan at mga taong-simbahan.

Sa Catanduanes, malawakang lumahok ang mga Catandunganon sa protesta at martsa sa Imelda Boulevard, Virac. Karamihan sa mga nakiisa sa pagkilos ay mga kabataan. Sama-sama silang umawit ng mga awiting protesta.

Visayas

Umabot sa 15,000 katao ang nakiisa sa pagkilos kontra korapsyon sa Iloilo City. Nagmula ang bulto ng mga nakiisa sa protesta sa hanay ng mga estudyante at progresibong grupo na nagmartsa mula sa University of the Philippines-Visayas Iloilo Campus habang ang mga taong-simbahan at iba pang sektor ay nagmula sa Jaro Plaza. Sa gabi ng pagtitipon, isinagawa namna ang isan gKonsyerto Kontra Korapsyon sa Iloilo Provincial Capitol Grounds.

Sa Antique, pinangunahan ng grupong pangkalikasan na Amlig Antique Alliance ang protesta ng daan-daang indibidwal. Nagtipon sila sa EBJ Freedom Park sa labas ng Antique Provincial Capitol. Nagsagawa rin ng pagkilos ang mga grupo sa Aklan at Capiz.

Sa Bacolod City, higit 10,000 ang nagprotesta at nagmartsa patungo sa Bacolod Public Plaza. Ang malaking pagkilos ay pinangunahan ng One Negros Ecumenical Council (ONE-C). Sa Dumaguete City, daan-daang kabataan at indibidwal ang nagtipon sa North Rizal Boulevard Area para magprotesta.

Sa Cebu, daan-daan ang nagmartsa sa Cebu City sa pangunguna ng mga progresibong grupo para manawagan ng pananagutan at hustisya. Binaybay ng martsa ang Colon Street tungong Fuente Osmeña Circle. Ang Cebu ang ikalawang may pinakamaraming pondong inilaan para sa sinasabing mga proyekto sa flood control.

Sa Bohol, tinatayang 4,000 rin ang lumahok sa protestang pinangunahan ng simbahan at Lihok Bol-anon (Lihok Bol-anon Batok sa Korapsyon) sa Tagbilaran City.

Sa Tacloban City, naglunsad ng protesta ang mga grupo sa RTR Plaza. Hindi sila nagpatinag sa panggigipit at pagpigil ng mga pulis na makapagsagawa sila ng protesta at maipahayag ang kanilang pagkadismaya sa katiwalian ng gubyerno. Isang hiwalay na pagkilos rin ang inilunsad sa araw na iyon ng mga estudyante ng University of Eastern Philippines (UEP).

Sa Borongan City, pinangunahan ng simbahan ang pagkilos na isinagawa sa Borongan City plaza. Nanawagan ang mga lider ng simbahan at iba pang sektor na nakiisa na dapat mayroong panagutin sa malawakang korapsyon.

Mindanao

Sa Cagayan de Oro City, nagtipon ang ilang daang indibidwal sa St. Augustine Cathedral para sama-samang manawagan ng pananagutan laban sa katiwalian. Nagmartsa sila mula sa katedral patungo sa Vicente de Lara Park. Isang hiwalay na pagkilos rin ang pinangunahan at inilunsad ng Promotion of Church People’s Response-Northern Mindanao Region (PCPR-NMR), kasama ang mga progresibong grupo. Nagmartsa sila mula sa Magsaysay Park tungo sa Press Freedom Monument.

Sa Marawi City, nakilahok sa araw ng protesta ang mga kabatan at estudyante mula sa Mindanao State University-Main Campus Marawi. Mahigit 30 organisasyon mula sa MSU-Marawi ang nakilahok sa rali.

Sa Davao City, higit 600 katao ang lumahok sa protesta sa Orcullo Park. Pinangunahan ang pagkilos ng Citizens’ Rage Against Corruption.

Sa Zamboanga City, nagkaroon din ng kilos-protesta ang mga kabataan at estudyante, kasama ang ibang sektor.

Noong Setyembre 19, nauna nang nagsagawa ng protesta ang daan-daang mga kabataan at residente ng General Santos City at Koronadal City. Sama-sama silang nagtirik ng kandila.

Nagkaroon din ng pagkilos ang mga komunidad ng mga Pilipinong migrante at manggagawa sa labas ng Pilipinas. Naglunsad sila ng mga demonstrasyon, porum at iba pang aktibidad bilang pagbatikos sa korapsyon at paggunia sa deklarasyon ng batas militar. Isinagawa ang mga ito sa Japan, South Korea, Hong Kong, Thailand, Australia, New Zealand, sa the Netherlands, sa Canada at United States.

Idineklara ng mga grupo sa lahat ng mga protestang ito ang pagpapatuloy ng kanilang sinimulang kilusan para mayroong mapanagot sa mga katiwalian at korapsyong nabubunyag.

Samantala, nagpaabot ng pagbati ang rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas sa malawakang protestang nailunsad sa buong bansa. Ayon kay Marco Vallbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, maituturing na makasaysayan ang naging pagkakaisa noong Setyembre 21 ng sambayanang Pilipino.

Source link