Sa araw ng kalayaan, manindigan para sa pambansang soberanya, itakwil ang tutang rehimeng Marcos

Sa Hunyo 12, araw ng deklarasyon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas, muling nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa lahat ng makabayang Pilipino at mga sektor ng lipunan na itakwil ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr na sunud-sunuran sa imperyalismong US at mga kaalyado nito sa Asia at NATO.

Mariing tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kamakailang pagpasok ng rehimeng Marcos Jr sa magkahiwalay na kasunduang militar sa Germany at New Zealand, at ang napipintong pagpirma nito sa isang kasunduan sa Canada at France. Ang mga kasunduang ito—ang Defense Cooperation Agreement kasama ang Germany at Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA), pati na rin ang SOVFA sa Canada—ay yumuyurak sa soberanya ng Pilipinas at magdudulot lamang ng dagdag na ligalig sa rehiyon ng Asia.

Natatangi ang pagpapakatuta ni Marcos sa dami at lawak ng mga pabor na iginawad nito sa mga pwersang Amerikano sa loob at paligid ng Pilipinas, gayundin sa bilang ng mga kasunduang militar na pinasok ng kanyang rehimen at ng pasistang Armed Forces of the Philippines sa mga kaalyado ng imperyalistang US.

Sa balangkas ng Indo Pacific Strategy ng US, nakipagkasundo si Marcos para paramihin ng US ang mga base militar ng US sa bansa gamit ang EDCA noong 2023. Pumailalim siya at ang AFP sa Bilateral Defense Guidelines at pinormalisa ang pagbabahagi sa US ng maseselang datos paniktik kaugnay sa pambansang seguridad sa pinirmahang Military Intelligence Sharing Agreement noong 2024.

Sa 2024 rin, nakipagkasundo ito sa Japan, ang junior partner ng US sa Asia, para bigyang-laya ang paglabas-masok ng mga tropang Japanese sa Pilipinas sa ilalim ng Reciprocal Access Agreement. Ngayong taon, pumirma siya sa “kooperasyon sa depensa” sa Germany at Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa New Zealand. Nakatakda rin niyang pirmahan ang hiwalay na SOVFA sa Canada at France.

Gamit ang mga kasunduang ito, binigyan ni Marcos ng walang sagka o “unli access” ang mga tropang dayuhan sa mga rekurso, lupa, himpapawid at karagatang Pilipino. Pinahintulutan niya hindi na lamang ang mga tropang Amerikano, kundi pati ang mga tropang Japanese, Australian at New Zealander, mga Canadian at French, at kung sinu-sino pang imbitado ng US na maglipana sa Pilipinas nang halos walang pananagutan sa lokal na mga alintuntunin at batas.

Ani Valbuena, “Dapat managot si Marcos, kasama ang kanyang mga upisyal na sina Gilberto Teodoro at Gen Romeo Brawner sa pagpapagamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng digma ng mga makapangyarihang bansa.”

“Dapat ipaglaban ng sambayanang Pilipino ang isang patakarang panlabas na tunay na walang pinapanigan, nagwawaksi sa gera at nakatuon sa mapayapang diplomasya, hindi sa pagiging base militar sa digmaan ng iba.”

“Isa itong malaking pagkakamali,” ayon kay Marco Valbuena, pinunong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines. “Niyayakag ni Marcos ang lahat ng mga kasabwat ng US na yurakan ang soberanya ng Pilipinas at gamitin ang bansa at mga Pilipino na animo’y mga pyesa sa laro ng pakikipaggitgitan nito sa China. Lalo nitong hinihiwalay ang Pilipinas sa mga karatig-bansa nito sa Asia.”

Nanawagan ang CPP sa sambayanang Pilipino na itakwil ang mga kasunduang militar na ito at ipaglaban ang isang patakarang panlabas na nagtatanggol sa ating soberanya, nagtataguyod ng kapayapaan, at nagsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino—hindi ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Source link