Ang Bayan Ngayon » CBK Hydroelectric Power Plants, binenta nang barya, ayon sa Bayan Muna

Pinuna ni Atty. Atty. Carlos Zarate, pangalawang taga-pangulo ng Bayan Muna, ang pagbenta sa 796.64 MW Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) Hydroelectric Power Plant sa napakababang halaga na ₱36.266 bilyon sa kumpanyang Thunder Consortium, na pagmamay-ari ng kumpanyang Aboitiz.

Tinawag niya itong “sweetheart deal” sa pagitan ng Aboitiz at Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp dahil maituturing na barya lamang ang halaga sa pagbenta nito. Ayon sa Department of Finance, umaasa ang gubyerno na kumita ng P50 bilyon hanggang P100 bilyon mula sa pagsasapribado ng pasilidad.

“Halos limang beses ang kapasidad ng CBK kaysa sa Casecnan, pero parang barya lang ang ibinayad rito. Saan napunta ang tunay na halag ng asset ng taumbayan? Dapat imbestigahan ito ng kongreso at ng taumbayan mismo,” paliwanag ni Zarate.

Matatandaang naibenta ang 165MW Casecnan hydro electric powerplant sa Nueva Ecija sa halagang ₱30 bilyon ($526 milyon) sa River Lakes Corp. subsidyaryo na kumpanya ng Lopez Group’s First Gen Corp.

“Hindi dapat basta-basta na lang ibinibigay ang ating mga pampublikong pag-aari sa mga oligarko. Ito ang problema sa pribatisasyon, tapos ang sisingilin ng malaki ay ang taumbayan tulad ng nangyari sa EPIRA  at Primewater,” ayon kay Zarate.

Aniya, matagal nang padron ang pagsasapribado ng mga pangunahing pampublikong yutilidad pabor sa malalaking burgesyang kumprador sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.

“Ang ganitong mga kasunduan ay lalo lamang nagpapalakas ng kapangyarihan ng mga oligarko sa sektor ng enerhiya sa bansa, kapalit ng nagmamahal na singil sa kuryete at kawalan ng pananagutan sa publiko. Hindi natin dapat hayaan ang gubyerno na maipamigay ang mga pampublikong pag-aari sa halagang barya lamang.”

“Nananawagan kami ng agarang imbestigasyon para matigil na ang pagbebenta ng ating mga pangunahing yaman sa mga malalaking negosyante. Pag-aari ito ng mamamayan, hindi ng iilan,” pahayag ni Zarate.

Nagmumula sa CBK hydropower complex ang mahigit na 4% ng kuryente para sa buong Luzon. Noong 2024, ay umabot sa 1,486MW renewable energy assets ang kumpanyang Aboitiz. Kabilang dito ang 252MW na solar, 920MW na hydro, 290MW na geothermal at 24MW na battery energy storage.

Source link