Matapos ang walong buwang pagkakabilanggo, nakalaya noong Agosto 27 ang taong-simbahan na si Benny Mendoza matapos ibasura ng isang korte sa Davao de Oro ang kinahaharap niyang kasong qualified trafficking. Si Mendoza ay inaresto ng mga pwersa ng estado noong Disyembre 28, 2024 sa Davao City.
Bago ang pagbasura sa kasong ito ni Mendoza, nauna nang ibinasura ng isang korte sa Davao City ang isa pang kaso qualified trafficking noong Hunyo 23. Napatunayan sa korte na hindi si Mendoza ang tinutukoy na imbwelto sa naturang kaso.
Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao Region (SMR), pinatunayan ng naging desisyon ng mga korte na si Mendoza ay biktima ng gawa-gawang kaso. Anang grupo, ito ay malinaw na bahagi ng lumang taktika ng estado para gipitin at matagalang ikulong ang mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao.
“Ang paglaya ni Mendoza ay tagumpay para sa mga taong-simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao na patuloy na nagsisilbi sa mga mahihirap sa kabila ng tumitinding pasistang atake sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr,” pahayag ng grupo.
Giit ng grupo, dapat panagutin ang mga tauhan ng Region XI Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police at ang 10th ID ng Armed Forces of the Philippines sa pag-aresto kay Mendoza at pagkulong sa kanya. Siningil rin ng grupo ang National Task Force-Elcac na anito ay instrumento ng rehimeng Marcos sa paghahasik ng terorismo at takot sa mga mamamayan at kanilang pambansa-demokratikong pwersa.
Sa paglaya ni Mendoza, muli ring nanawagan ang Karapatan-SMR na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa rehiyon at sa buong bansa. Nananatiling nakakulong sa kasalukuyan ang hindi bababa sa 700 bilanggong pulitikal sa Pilipinas.











