Bayan ng Las Navas, Northern Samar, mula 2019 pa binobomba ng 8th ID

Nais bang pulbusin ng 8th Infantry Division ang bayan ng Las Navas, Northern Samar?

Noong Oktubre 2019, binomba ng 8th ID ang Barangay Caputoan, kung saan nasira ang isang bahay at bukid ng isang magsasaka. Noong Setyembre 2021 binomba nila ang bukiring sakop ng Barangay San Francisco, sinira ang ilang tahanan at nakapatay ng mga hayop. Noong Nobyembre 2022 ay binomba nila ang mga sakahang sakop ng Barangay Imelda. Noong Disyembre 2024, binomba nila ang Barangay Paco. At kahapon ay binomba naman nila ang Barangay San Isidro.

Nariyan pa ang mga aerial bombing nila sa Bobon, Silvino Lobos, at Palapag sa Northern Samar, sa San Jorge sa Western Samar, at sa Abuyog sa Leyte, gayundin ang mas maraming insidente ng panganganyon, pag-iistraping, pagpatay at tortyur sa rehiyon.

Hindi natatapos ang teroristang lagim sa pambobomba. May kasunod pa itong bata-batalyong pasistang tropang sumusuyod sa mga sakahan at kagubatan, habang may mga tropang nagkakampo sa baryo na nagpapataw ng hamlet at sapilitang “nagpapasuko” sa mga sibilyan.

Malinaw na layunin ng mga pambobomba, panganganyon at panghahalihaw ng mga armadong pasistang sundalo ang ilugmok ang masa sa takot at troma. Bawat insidente ng karahasang ginagawa ng 8th ID ay nakikintal sa kanilang isipan. May kani-kaniya silang kwento ng kung paano sila nagtago o nabalot sa mga galos sa pagkaripas ng takbo papalayo sa mga dagundong ng bomba. Bawat isa ay may karanasan ng kung paanong patuloy silang binabagabag ng takot kahit tapos na ang pambobomba, kahit sa pagtungo sa mga sakahang buong buhay na nilang pinupuntahan, kahit sa pagtatangkang bumalik sa dati nilang nakagawian. Ang takot na ito ay tumitindi tuwing dumarating na naman ang mga sundalo, tuwing may panibagong “lockdown,” o panibagong pambobomba.

Dagdag pa itong pasanin sa masang magsasakang araw-araw na pinoproblema ang tumitinding kahirapan, tumitinding kagutuman, kalamidad, bumababang kita, pagkawala ng lupa at hanapbuhay, at pagsikil sa karapatan at kalayaan.

Ngunit hindi problema ang mga ito para kay Maj. Gen. Ariel Orio. Para sa kanya, sapat na ang lumang palusot ng mga sinundan niyang hepe ng 8th ID na dahil “heavily-fortified” umano ang mga kampo ng BHB, kailangang magpaulan ng bomba sa kanayunan. Muli niyang pinatunayan ang pagka-ignorante ng militar sa mga internasyunal na batas ng digmaan na nagpoprotekta sa mga sibilyan sa mga epekto ng digmaan, at nagbabawal sa paggamit ng labis-labis na pwersa sa paggapi sa kalaban.

Sa tuwing binobomba ng AFP ang mga sakahan at komunidad, paulit-ulit nilang pinatunayan na hindi lang ang BHB ang kanilang target sa pambobomba, kundi maging ang masang magsasaka. Layunin ng pasistang militar na apulahin ang diwang mapanlaban ng masa, basagin ang mahigpit nilang pakikipagkaisa sa hukbong bayan, at supilin ang kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan at kagalingan.

Ang hindi kailanman mauunawaan ng mga gaya ni Maj. Gen. Orio ay ang mamamayan, hindi ang mga bagay gaya ng bomba at armas, ang mapagpasya sa digmaan. Makailang-ulit na itong napatunayan sa kasaysayan ng aping mamamayan sa Pilipinas at sa buong mundo. Patutunayan at patutunayan ng mamamayan ng Las Navas na hindi nagtatagal, ang takot ay hahantong sa galit, at ang naglalagablab na damdamin ay magtutulak sa rebolusyonaryong pagkilos.

Nananawagan ang Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar sa mamamayang Pilipino at sa buong mundo na makiisa sa mamamayan ng Las Navas na patuloy na binibiktima ng pasistang 8th ID. Dapat nang kagyat na ipatigil ang kampanyang pambobomba ng pasistang AFP at rehimeng US-Marcos sa kanayunan, na walang ibang dala kundi lagim at pasakit sa masang magsasaka.

Source link