Tinututulan ng iba’t ibang organisasyon ng mga alagad ng sining ang Senate Bill no 2805 o ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Act. Anila, malinaw na gagamitin ito sa censorship at para supilin ang malayang pagpapahayag ng mga Pilipino.
Ang MTRCB Act ay ipinanukala ni Sen. Robinhood Padilla, kasama sa nag-akda sina Win Gatchalian, Francis Tolentino, Lito Lapid, Grace Poe, Joel Villanueva at Ramon Revilla Jr. Inaprubahan ito noong Hunyo 2.
Layon ng batas na dagdagan ang kapangyarihan ng MTRCB na magsensor ng mga pelikula at palabas kabilang ang mga nasa streaming platforms tulad ng Netflix, HBO max, Disney+, Prime Video at iba pa. Anila, ito ay para protektahan ang mga manonood laluna ang mga kabataan.
Tinawag ng Panday Sining ang panukalang batas bilang “atake sa karapatan sa malayang pagpapahayag ng mga manggagawa sa kultura, laluna ang mga gumagamit sa sining para sa pagbabago ng lipunan at paglalantad ng bulok na kalagayan ng Pilipinas.”
Nagpahayag din ng parehong pagtutol ang Concerned Artist of the Philippines (CAP), AKTOR League of Filipino Actors, Filipino Screenwriters Guild, Directors Guild of the Philippines (DGPI), Philippine Independent Producers Guild, Manunuri ng Pelikulang Pilipino, Guild of Assistant Directors and Script Supervisors of the Philippines, SIKAP–Creative Content Creators Association of the Philippines at Universtity of the Philippines Film Institute (UPFI).
“Sinasabi ng panukalang batas na para ito sa ‘proteksyon’ ng mga manonood. Pero ang ginagawa lamang nito ay mas bigyan pa ng kapangyarihan ang MTRCB na mag-sensor,” pahayag ng Filipino Screen Writers Guild.
“Sa Declaration of Policy nito, ang ipinanukalang batas ay nagtatanggal sa intensyon ng kasalukuyang batas para sa sariling regulasyon ng pelikula/industriya sa telebisyon at itinuturing ang MTRCB bilabg parens patriae (mistulang magulang ng bansa), na nakatuon sa itinakdang papel nito sa sarili bilang tagapangalaga ng pampublikong moral,” pahayag ng DGPI.
Hinamon ng CAP ang mga mambabatas na itaguyod at ipagtanggol ang malayang pagpapahayag, malayang sining, at partisipasyon sa kultura. Ayon sa ika-4 na sugnay ng kanilang Artist’s Agenda, ang pagsensor ng mga regulatory bodies tulad ng MTRCB ay sumisikil sa malayang sining at tinatakot ang mga manggagawang pangkultura.
Nanawagan ang UPFI sa abolisyon ng MTRCB. Anito, lipas na at hindi epektibo ang ahensya na binuo alinsunod sa “hindi malinaw na ideya ng kabutihan ng publiko, isang labi ng panahon ng Batas Militar, na kilala sa pagpapatahimik sa mga kritiko.”
Hinikayat ng Panday Sining ang industriya ng Pilipinong pelikula at sining, gayundin ang mga manggagawang pangkultura, artista at mga kabataan na tutulan ang MTRCB Act. Anito, mas maipagtatanggol ang komunidad ng sining at maitataguyod ang tunay na makabayan, syentipiko at pangmasang kultura kung maipabasura ito.