Press Release

Bagong kumand ng AFP, binuo sa utos ng Kano—CPP

CPP Information Bureau

Binatikos ngayong araw ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang rehimeng Marcos at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagiging “sunud-sunuran sa mga Amerikano” sa planong bumuo ng AFP ng “Strategic Defense Command” sa loob ng kasalukuyang taon.

Bubuuin ang kumand para pangasiwaan diumano ang daan-daang war games na inilulunsad ng US sa Pilipinas, kabilang ang taunang Balikatan. Ang kumand na ito ay sinasabing huhugutin mula sa kasalukuyang Education, Training, and Doctrine Command ng AFP na dati nang mahigpit na nakasunod sa mga doktrinang militar ng US.

“Malinaw na ang pagbubuo ng AFP ng Strategic Defense Command ay nakatuon sa minamadali at pinaiigting na paghahanda ng US ng gera laban sa China,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Dapat batikusin si Marcos sa pagtatraydor sa sambayanang Pilipino at pagsusunud-sunuran sa mga Amerikano.”

“Ngayon pa lamang, sadya nang pinaiigting ng US ang tensyong militar sa pagitan nito at ng China sa pagsasagawa ng malalaking war games, pagpupwesto ng mga long-range at anti-ship missile system na naka-asinta sa mainland China, pag-deploy ng mga tropa at war ship sa lugar na napakalapit na sa Taiwan at sa pinag-aawayang pormasyon sa South China Sea, at pagtatambak ng daan-daang armas, sasakyan at iba pang gamit-militar sa iba’t ibang lokasyon sa Pilipinas,” paliwanag ni Valbuena.

“Sa pagbubuo ng bagong kumand na ito ng AFP, pumapayag si Marcos na gamitin ng mga tropang Amerikano ang Pilipinas bilang lunsaran ng operasyon na nagpapatindi ng sigalot nito sa China,” ani Valbuena. “Isinusubo ni Marcos at ng AFP ang mamamayang Pilipino sa tiyak na kapahamakan at sobra-sobrang pagdurusa, oras na pasiklabin ng US ang gera laban sa imperyalistang karibal nito.”

Binatikos rin ng CPP ang paglalaan ng pondo ng bayan para sa bagong kumand. “Hihigop na naman ang AFP ng dagdag na pondo mula sa kaban ng bayan,” aniya. “Sa panahong kulang na kulang ang inilalaang pondo para sa mga batayang serbisyo, at laganap ang kahirapan at gutom, nakasusuklam na inuuna pa ni Marcos at AFP ang pagbubuo ng bagong kumand na nagsisilbi sa mga Amerikano.”

“Dapat ubos-kayang tutulan ng mga Pilipino ang pagtatayo ng bagong kumand na ito,” aniya. “Dapat militanteng tumindig ang mamamayan laban sa mga hakbang na ito, kapwa lantaran at patago, na layong isabak ang mga Pilipino sa gerang nagtataguyod sa dayuhang interes.”

“Dapat igiit ng sambayanang Pilipino ang kanilang karapatan at kagustuhan sa malaya at mapayapang pamumuhay, itakwil ang pagkakanulo ni Marcos at kanyang upisyal sa militar, at labanan ang pagpapagamit nila sa mga dikta ng imperyalismong US na yumuyurak sa hangarin ng bayan,” aniya.

The post Bagong kumand ng AFP, binuo sa utos ng Kano—CPP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.