Inianunsyo noong Agosto 13 ng University Hotel Worker’s Union-KMU NCR na napirmahan na ang bagong collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan nito at ng maneydsment ng hote sa loob ng University of the Phillipines-Diliman sa Quezon City.
“Pagpapahiwatig ito ng tagumpay mula sa pagod at lakas ng unyon para igiit ang regularisasyon, pagtaas ng sahod, at pagkilala sa karapatan ng unyon. Ilan sa napagtagumpayan pa sa CBA ang dagdag benepisyo at allowance na makakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng manggagawa,” pahayag ng unyon.
Gayunpaman, nananatili ang tunguhin ng unyon para sa pagpapalakas at papapalawak hindi lamang bilang mga kinatawan ng mga manggagawa sa hotel, kundi bilang suporta sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.
“Mula sa mga inani na tagumpay ng CBA, magpapatuloy ang UHWU-KMU NCR para igiit ang nakabubuhay na sahod, dagdag trabaho, kontra-korapsyon, at hustisya at kapayapaan sa ating bansa,” anito.
Samantala, binati ng grupong Defend Jobs Philippines ang nakamit ng unyon.
“Ang tagumpay na ito ay bunga ng matatag na pagkakaisa, progresibo, prinsipyadong paninindigan at walang sawang pagkilos ng mga manggagawa upang igiit ang kanilang karapatan,” pagbati ng Defend Jobs Philippines. Anito, ang bawat panalo sa CBA ay “hakbang tungo sa mas mataas na antas ng laban para sa nakabubuhay na sahod, benepisyo at katiyakan sa trabaho.”










