Ang Bayan Ngayon » Bagong CBA, naipanalo ng unyon sa Fuji Electric Philippines

Sa patuloy na paggigiit, naipanalo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines Inc (LNMFEPI), myembro ng pederasyong OLALIA-KMU, ang dagdag sahod at iba pang mga benepisyo para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Nagsara ang negosasyon sa pagitan ng unyon at maneydsment ng kumpanya noong Hulyo 17.

Nakamit ng unyon ang taun-taong dagdag na ₱50 sa kanilang sahod mula 2025 hanggang 2027. Isa pa sa mahalagang prubisyon sa CBA ang pagkakaroon ng seniority pay para sa mga manggagawa. Natiyak rin nila ang alawans para sa bigas, pagkain, leave at iba pang benepisyo.

Ilang oras bago upisyal na magtapos ang negosasyon para sa CBA, nagsagawa ng porum at kalampagan ang mga kasapi ng unyon sa loob ng pagawaan. Kinundena nila ang ginawang pambabarat ng kapitalista at naging pag-antala nito sa negosasyon.

“Muling pinatunayan ng mga manggagawa batay na rin sa aral at karanasan na ang kapitalista ay hindi kusang magbibigay kung hindi ito lalapatan ng pagkilos at pagkakaisa,” ayon sa pahayag ng unyon. Idiniin ng unyon na tanging ang sama-samang pagkilos lamang ang kanilang sandata para itulak ang kapitalista na ibigay ang nararapat para sa mga manggagawa.

Para sa unyon, ang pagkakapirma ng bagong CBA sa kanilang kumpanya ay hindi lamang tagumpay ng mga manggagawa dito kundi isang “malaking tagumpay” para sa mga manggagawa ng buong engklabo ng Carmelray Industrial Park I na bahagi ito. Ang engklabo, na nasa Barangay Canlubang, Calamba City, ay nagbabahay sa mga kumpanya sa elektroniks, kemikal, automotive, pagpuproseso ng pagkain at industriyal na pagmamanupaktura.

Ang nagsarang negosasyon para sa bagong CBA ay ang ikalimang serye ng pakikipagtawaran ng unyon sa maneydsment ng kumpanya mula noong 2014.

Binati ng Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Laguna ang matagumpay na CBA ng unyon.

“Pinamalas ng mga manggagawa ng unyon ang kanilang determinasyon para ipaglaban ang kanilang karapatan sa kabila ng sumisidhing krisis ng sistemang kapitalista,” ayon sa Bayan-Laguna. Dagdag pa ng grupo, umaasa itong magsisilbing inspirasyon sa lahat ng manggagawa ang tagumpay ng mga manggagawa ng Fuji Electric para palakasin ang kilusang unyon sa prubinsya at sa bansa.

Source link