Badyet 2025: Pang-eleksyon, kontra-mahirap

Kabi-kabila ang batikos sa pambansang badyet na pinagkasunduan ng komiteng bicameral ng Senado at Kongreso noong unang linggo ng Disyembre. Sa pinal na bersyon nito, kinaltasan ng komite ang pondo para sa batayang mga serbisyong panlipunan at inilipat sa mga programang palabigasan tulad ng mga proyektong imprastruktura at ayuda para sa sistemang padrino.

Sa kabuuan, nagsingit ang komite ng ₱860.5 bilyon sa 2025 badyet kung saan ₱487.5 bilyon ay paglilipat ng pondo (realignment) at ₱373 bilyon ay “unprogrammed funds.”

Pinakamatingkad sa ginawang “realignment” ang pagbabalik ng komiteng bicameral ng pondo para sa Ayuda sa Kapos sa Kita Program o AKAP na ipinanukala ng pamunuan ng Mababang Kapulungan pero tinanggal sa bersyon ng Senado. Naglaan ang komite ng ₱26 bilyon para sa naturang programa, higit kalahati ng orihinal na halaga na ₱39 bilyon. Kung paghahatian, ₱83 milyon ang mapupunta sa kada kongresista, at ₱208 milyon naman kada senador. Kung hindi sasaklawin ang mga kinatawan sa sistemang party-list, bawat isang kinatawang may distrito ay hahawak ng ₱103 milyon. Para buuin ang pondo, binawasan ang badyet para sa mga kagawaran ng paggawa at social work.

Palusot ng mga burukrata, target ng AKAP na bigyan ng ayuda ang mga pamilyang mababa ang kita na apektado ng mataas na tantos ng implasyon. Dagdag ito sa napakarami nang programang ayuda tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Assistance to Individuals in Crisis Situations, TUPAD at iba pa na malaon nang ginagamit ng mga pulitiko para magpalawak ng impluwensya at ipambili ng boto sa mga eleksyon.

Mas malaki sa AKAP, dinagdagan ng komite ang pondo para sa Department of Public Works and Highways ng ₱288.65 bilyon, na nagpalobo sa badyet ng kagawaran tungong ₱1.11 trilyon. Ito ang pinakamalaking alokasyon ng kagawaran sa kasaysayan nito, at pinakamalaki sa buong badyet.

Itinaas din ng mga burukrata ang unprogrammed funds o pondong wala pang depinidong mapagkukunan na hahawakan at pangangasiwaan ng upisina ng presidente. Mula sa orihinal na ₱158.7 bilyon, nagsingit ng dagdag na ₱373 bilyon ang komite, na nagpalaki ng pondo tungong higit kalahating trilyon. Sa aktwal, ang pondong ito ay “pork barrel” ng presidente na tinatayang gagamitin ng kanyang pangkatin para tiyakin ang katapatan ng mga burukrata sa darating na eleksyon.

Para bilhin ang katapatan ng militar, itinaas ng komite ang arawang alawans (liban pa ito sa sweldo) ng mga sundalo mula ₱150/araw tungong 350/araw o sa pangkabuuang alawans na ₱10,500/buwan. Walang katulad na dagdag-alokasyon para sa ibang mga kawani ng gubyerno. Pinananatili rin ng bicam ang alokasyon para NTF-Elcac na ₱4.5 bilyon.

Sa kabilang banda, binawasan nang ₱12 bilyon ang pondo ng DedEd. Kinaltasan din nito nang ₱25.80 bilyon ang dati nang maliit na pondo ng DoH, at nang ₱26.91 bilyon ang sa Commission in Higher Education. Ang badyet para sa University of the Philippines ay binawasan ng kabuuang ₱2.93 bilyon, pinakamalaking kaltas sa halos isang dekada.

Binawasan rin ang pondo para sa agrikultura nang ₱43.2 bilyon (₱20 bilyon sa kagawaran sa agrikultura at ₱23.2 bilyon sa National Irrigation Administration).

Samantala, wala itinira ni isang sentimo ang komite para sa Philhealth na unang nilaanan ng Kongreso ng ₱74.43 bilyon. Epektibo nitong tinanggalan ng subsidyo ang mga pasyenteng wala sa katayuang magbayad para sa pagpapa-ospital at buo itong ipinabalikat sa mamamayan. Pinatingkad nito ang papel ng Philhealth bilang pribadong ahensyang direktang tinutustusan ng mga sahod at sweldong ordinaryong mga manggagawa at kawani, at ang pagtalikod ng estado sa responsibilidad nito sa serbisyong pangkalusugan.

Hindi na ibinalik ang humigit-kumulang ₱500 milyong kinaltas sa upisina ng bise presidente sa kabila ng pagtatangka ng mga alyado ni Sara Duterte na ibalik ito. Hindi na rin ito binigyan ng confidential and intelligence funds (CIF) habang pinanatili ang dambuhalang CIF para sa upisina ni Ferdinand Marcos Jr.