Matagumpay na naigiit ng mga manggagawa at ibang demokratikong sektor ang kanilang karapatan na makapagrali sa paanan ng Mendiola sa lungsod ng Maynila noong Nobyembre 30 kaakibat ng paggunita sa Araw ni Bonifacio.
Hindi nagpatinag ang mga nagrali kahit ilang beses silang sinagupa ng mga pulis para harangin at buwagin ang kanilang martsa. Mahigit 40 kalahok sa rali, karamihan mga kabataan, ang nasugatan sa pandarahas ng mga pulis. Inaresto rin ng mga pulis si Nilo Mortifero, isang senior citizen at organisador ng Bayan Muna na kagagaling lamang mula sa stroke.
Idineklara ng mga manggagawa ang araw na ito bilang araw ng panininingil ng masang anakpawis sa rehimeng Marcos Jr. Dala nila ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, regular at disenteng trabaho, at murang pagkain at serbisyo. Kadikit ang mga panawagang ito sa pagpapanagot sa mga abusado at kawatang kinukulimbat ang pondo ng taumbayan.
Kasabay ng pagkilos sa Mendiola, nagkaroon ng mga pagtitipon ang mga manggagawa ng Far East Alcohol Corpotation sa Apalit, Pampanga; Umicore sa Subic, Zambales at Nexperia Philippines sa Laguna. Kasama ang ibang sektor, inilunsad ng mga balangay ng KMU ang mga protesta sa mga lunsod ng Baguio, Calamba, Cebu at Davao.