PRWC » Ang Tunay na Diwa ng Marso 8

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihang Anakpawis sa Marso 8, hindi lamang ito dapat ituring na araw ng pagdiriwang, kundi araw ng paninindigan at pagkilos kaya naman labis na binibigyang pugay ng Kabataang Makabayan John Paul Calica ang lahat ng mga kababaihan na tumindig, nakiisa, at lumaban sa kani-kanyang larangan sa rebolusyon upang kamtin ang mithiing paglaya ng kababaihan at buong bayan.

Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi mapapalaya ang mga kababaihan hangga’t hindi napapalaya ang lahat ng uri. Ang kanilang kalagayan ay nakaugat sa matagal nang sistemang panlipunan na nagbubunga ng kahirapan, diskriminasyon, at karahasan. Hangga’t may inaapi at pinagsasamantalahan, mananatiling hindi ganap ang kalayaan ng sinuman. Kaya ang pagsusulong ng karapatan at pagkakapantay-pantay ay kaakibat ng pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, at iba pang inaaping sektor.

Sa kasaysayan, napatunayan na ang kababaihan ay hindi lamang tagasuporta kundi aktibong kalahok sa iba’t ibang anyo ng paglaban, kabilang na ang armadong pakikibaka. Sila rin ay mga babaeng rebolusyonaryo, kadre, mga Pulang kumander at mandirigma na humarap at humaharap sa mahirap na landas ng paglaban. Sa ganitong paraan, mas naipapakita nito na ang mga tungkulin sa armadong pakikibaka ay hindi nakatali sa kasarian. Ang paglaban para sa hustisya at panlipunang pagbabago ay para sa lahat.

Labis na ipinagdiriwang at ipinagmamalaking ibahagi ng Kabataang Makabayan John Paul Calica na marami sa Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ay nagmula sa hanay ng kababaihang anakpawis. Itinatakda rin ng BHB ang pantay na pagturing sa kababaihan gayundin ang paggalang sa kanila sa lahat ng sitwasyon.

Hindi tulad sa reaksyunaryong gobyerno na pinamumunuan ng mga naghaharing uri na hanggang ngayon ay walang ginagawa upang mapangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan, nakasaad sa batayang alintuntunin ng Bagong Hukbong Bayan ang Tatlong Punto ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan (mas kilala sa taguring Tres-Otso) ang mahigpit na pangangalaga sa kanilang mga karapatan at ang maayos na pagturing sa kanila sa gawi at salita. Nakasaad naman sa konstitusyon, programa at iba pang alituntunin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pantay na karapatan ng kalalakihan at kababaihan, maging sa loob ng kasal.

Hinahamon ng Kabataang Makabayan John Paul Calica ang mga kabataan at mamamayan na waksiin ang ilusyon na walang pagsasamantala at pang-aapi sa mga kababaihan, sa ilalim ng kapitalistang lipunan na pinapalaganap ng mga imperyalista at kapitalista. Sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang persperktiba, makakamit ang tunay at ganap na kalayaan. Lumahok sa armadong pakikibaka! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link