Omaygad, salad!” “At ano yan nilupak!” “Hala, may pansit at tinapay pa.” Mga salitang nabitawan ng mga kasamang nagkagulo sa dala-dalang pagkain ni Manoy Tano. “Oy, ang may sipon huwag badyetan ng salad baka mapasma, akin na lang,” biro ni Ka Ding, sabay tawa. “Parang dinala ‘nyo na ata dito ang buong handa sa birtdeyhan, Manoy!”
Kumikilos ang yunit ni Ka Ding sa mga barangay sa Camarines Norte na nakapailalim sa Mobile Community Support Service Program ng militar. Sa kasalukuyan, dalawang batalyon ang nakapakat sa buong prubinsya, ang 85th IB at 16th IB sa ilalim ng 2nd ID na nakahimpil sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal at 201st IBde na nakahimpil naman sa bayan ng Guinayangan, Quezon. Ang mga ito ay bahagi ng Joint Task Force sa Quezon-Bicol Zone na itinayo sa desperadong tangka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wakasan ang armadong kilusan sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte.
Idineklara ng AFP na “insurgency-free ang Quezon noong Hulyo 2023 at ang Camarines Norte noong Enero 2023. Gayunpaman, napasubalian ito sa isinagawang ambus ng BHB sa Quezon sa taong iyon.
Sa kabila ng panibagong bugso ng militarisasyon sa lugar, maagap na nakaangkop ang yunit ng BHB. Hindi na sila nagpapakasagka sa pirmeng presensya ng kaaway at pinangibabawan ito sa pamamagitan ng pag-angkop ng mga paraan sa paggawaing masa. Sabi nga ni Ka Anding, giyang pampulitika ng yunit, “Tingnan nating positibo ang kilos ng kaaway dahil nagtulak ito sa atin na magpalawak ng ating nakikilusan at masang nauugnayan. Sino bang mag-aakala na mainit pa rin ang pagtanggap sa atin ng masa dito sa Baryo Ligaya?”
Ilang taon nang hindi nadadaanan ng anumang yunit ng BHB ang Ligaya. Pero sa pagbabalik ng yunit ni Ka Anding, mainit itong tinanggap ng dating mga kaagapay ng hukbong bayan. Isa sa mga mainit na sumalubong sa kanila si Tay Monsur, na dating binabasehan ng mga kasama at myembro ng milisyang bayan.
Dati ring bahagi ng baseng masa si Manoy Berting, na naugnayan ng mga kasama nang masugaga niya sa daan ang nanananghalian noon na mga Pulang mandirigma. Sa kwentuhan, nakilala ng isang kasama ang pamilya ni Manoy Berting bilang isa sa mga dating kaugnayan ng hukbo. Matapos ang matagal-tagal at malaman na kumustahan at kwentuhan, inimbitahan ni Manoy Berting ang mga kasama na pansamantalang humimpil sa kanyang lupa.
“Maayos doon, kasama, hindi rin iyon daanan ng mga rekorida (ng militar),” aniya. Pumayag ang yunit at tumagal nang ilang araw sa lugar. Ang panahong ito ay iginugol ng mga kasama sa gawaing produksyon, pagtulong sa pagbubunot ng niyog at paglulukad ng kopra. Nakapaglunsad din ang mga Pulang mandirigma ng panlipunang pagsisiyasat sa komposisyon sa baryo at pag-alam sa mga usapin sa ekonomya ng mga residente. Tanda ng hindi natitibag na tiwala ng masa sa kanilang hukbo, sadyang hinanap ng mga residente ang yunit para idulog ang dinaranas nilang mga problema sa lupa at masasamang elemento sa baryo.
Hindi maitatago ng masa ang kanilang pagkasabik na makausap ang mga Pulang mandirigma matapos ang mahabang panahong hindi sila naugnayan. Halos araw-araw ay mayroon silang padalang ulam, halamang-ugat katulad ng San Fernando (kapamilya ng gabi) at saging para sa meryenda. Lubos ang pasasalamat ng mga kasama sa malalim na suportang ibinibigay ng masa sa rebolusyon.
Ang karanasan ng yunit sa gawaing masa sa Baryo Ligaya ay supalpal sa kabulastugang sinasabi ng pasistang AFP na “limasin ang tubig, para lumitaw ang isda,” deklara ng yunit. Hindi kailanman malilimas ang tubig mula sa buhay na bukal gaano man itong tangkaing hibasin.
“Ang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ang nagsisilbing bukal ng tubig ng armadong rebolusyon,” paliwanag ni Ka Anding. “Ang walang kasingtalim na krisis ng pang-aapi, pambubusabos at pagsasamantala sa malawak na masang Pilipino ang pinagmumulan ng bukal na ito. Tuluy-tuloy itong aagos para sa rebolusyon hanggang sa tagumpay.”