Kinundena ng Alyansa dagiti Mannalon iti Ilocos Norte (AMIN) ang sinimulan ngayong araw, Hunyo 4, na live fire exercises ng 4th Marine Brigade sa mga baybay ng Barangay Davila sa bayan ng Pasuquin at mga barangay ng Payas, Bobon at Ablan sa bayan ng Burgos sa Ilocos Norte. Ang pagpapaputok ay bahagi ng Kamandag 09-25 war games na sinimulan noong Mayo 26 at magtatapos sa Hunyo 6.
Dahil sa live fire exercises, pinagbawalan na naman ang mga mangingisda na pumalaot at maghanapbuhay. “Apektado ang kabuhayan ng mangingisda kung hindi sila makapalaot ng isang araw,” pahayag ng AMIN.
Ayon pa sa grupo, walang ibang naidudulot ang mga war games na ito sa kanilang karaniwang mamamayan kundi karahasan at perwisyo sa kabuhayan. Dagdag nito, walang pinag-iba ang isinasagawa ngayong live fire exercises sa mga nakaraang war games na nagbawal rin sa mga mangingisda na makapalaot.
Kalahok sa Kamandag war games ang 2,031 sundalo ng US Marine Corp at 2,028 pwersa na mula sa Pilpinas. Mayroon ding mga tauhang militar mula sa South Korea, Japan at United Kingdom na lumalahok sa war games. Nagsisilbi namang mga “tagamasid” sa mapang-upat na war games ang mga tauhan mula sa France, Canada, Bahrain, Australia, Indonesia, Thailand at Netherlands.
Liban sa Ilocos Norte, nagkaroon ito ng mga aktibidad sa Batanes, Tarlac, Palawan at iba pang bahagi ng Luzon at sa Tawi-tawi sa Mindanao. Ginamit rin sa pagsasanay militar ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) at High Mobility Artillery Rocket System o HIMARS.
Ang dalawang sistema ng malalakas na misayl ay dinala sa mga isla ng Batanes at Babuyan para sa pagpapaputok. Ang pinakahilagang bahagi na ito ng Pilipinas ay bahagi sa tinatawag na “first island chain” ng US laban sa katunggaling imperyalistang China.
Kasabay ng Kamandag war games ay inilulunsad rin ngayon sa Mindanao ang Kasangga 2025-01 war games sa pagitan ng Philippine Army at Australian Defence Force (ADF) at ang Salaknib 2025 Phase 2 ng US at Pilipinas sa Northern Luzon.