AMC-NPA-North Quezon, aktibong nagdepensa laban sa AFP

Eliza ‘Ka Eli’ dela Guerra | Spokesperson | NPA-North Quezon | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People’s Army

Aktibong nagdepensa ang yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA-North Quezon sa isang labanan sa pagitan nito at ng nag-ooperasyong 80th IB ng AFP kahapon, Abril 16, alas-3 ng hapon. Naganap ito sa Dulangan sa Barangay Tanauan, Real, Quezon. Tagumpay nitong binigo ang ilang araw nang operasyon ng mga militar na naglalayong mapinsala ang NPA maging ang mga rebolusyonaryong base nito.

Tumagal ang putukan ng limang minuto taliwas sa pahayag ng 80th IB na tumagal ito ng 20 minuto at malisyosong nagpakalat pa ng intrigang may mga sugatan o nasawi dahilan sa mga bakas ng dugong natagpuan sa labanan. Ang totoo, ligtas na nakaatras ang mga Pulang Mandirigma habang nagsayang pa ng mga bala sa kanilang walang patumanggang pamamaril ang mga utak pulburang AFP. Habang nagugutom ang malawak na mamamayan dahil sa matinding kahirapan ay winawaldas naman ng rehimeng US-Marcos ang kabang-yaman ng bansa para sa malalakihan at matatagalang FMOs (focused military operations) sa halip na ilaan para maibsan man lamang ang kagutumang dinadanas ng marami nating kababayan. Isang kabalintunaan sa ipinagyayabang ng NTF-ELCAC na isa na lamang ang aktibong larangan ng mga NPA sa buong bansa.

Ang Barangay Tanauan ng Real, Quezon ay kabilang sa sampung barangay na saklaw ng dambuhalang Real Wind Energy Project, isang anti-mamamayang proyektong wind energy ng ACEN ng Ayala Corp. na magpapalayas sa libu-libong residente at magsasaka ng Real. Ito ang malamang na tututukan ng mga operasyon ng AFP sa mga susunod na panahon upang tiyakin ang proyekto ng pinaglilingkuran nitong mga malalaking burgesya- kumprador at burukrata-kapitalista, habang pipinsalain ang kapakanan at interes ng maraming magniniyog at iba pang naghahanapbuhay sa lugar.

Samantala, inililingid ito sa kaalaman ng mamamayan at ang ipinamamalita lamang ng AFP ay naroroon sila dahil may presensya ng NPA. Lalu lamang pinatotohanan nito ang kasinungalingan ng deklarasyon na “insurgency free” na ang Real, Quezon. Ito rin nga naman ang dahilan ng paghahanap nila sa mga yunit ng NPA—upang tiyaking walang hahadlang sa pagtataguyod nila ng interes ng naghaharing uri at walang magtatanggol sa interes ng karaniwang mamamayang inaagrabyado at pinahihirapan ng mga ito. Kung kaya’t patuloy na nagpupunyagi ang AMC-NPA-North Quezon na protektahan, pangalagaaan at ipaglaban ang interes ng mamamayan laban sa dayuhang mandarambong ng ating kalikasan at mga lokal na naghaharing uring kasapakat nito at mga bayarang AFP at PNP hanggang sa magtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.

The post AMC-NPA-North Quezon, aktibong nagdepensa laban sa AFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.