Kinutya ng Pamalakaya-Navotas ang pahayag kahapon ni Ramon Ang, isa sa pinakamalaking burgesya-kumprador sa bansa, na “tutulong” siya sa pagresolba sa lumalalang baha sa Metro Manila. Ginawa niya ang pahayag kasama ni Isko Moreno, alkade ng Mayila.
Pagmamayabang ni Ang, gagawin niya ito nang “walang gastos sa taumbayan at pamahalaan.” Matatandaang ganito rin ang kasinungalingan niya sa pagkumpuni ng kanyang kumpanya sa Ninoy Aquino International Airport, na nagresulta sa napakatataas na bayarin.
Ayon sa Pamalakaya, nakatatawa na sana kung hindi lamang labis na nakakagalit ang mga pahayag ni Ang. “(T)ila ang mamamayan pa ang dapat magpasalamat sa kanya,” anito.
Ayon sa grupo ng mga mangingisda, dapat ipaalala kay Ang na siya mismo at ang kanyang kumpanyang SMC ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumalala ang pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Anito, sanhi ng pagbaha ang engrandeng mga proyekto ni Ang tulad ng proyektong reklamasyon na 2,500 ektaryang New Manila International Airport (NMIA) at Navotas Coastal Bay Reclamation Project, kasabwat ang LGU ng Navotas, na magsisilbing lagusan at support facility sa NMIA.
“Bukod sa pagwasak sa kabuhayan ng mga mangingisda, iniulat ng mga residente sa paligid ng mga proyekto na lalong bumilis, tumaas, at tumagal ang paghupa ng baha sa kanilang mga komunidad mula nang magsimula ang mga proyektong ito,” ayon sa Pamalakaya-Navotas.
“Kaya naman ang mga hambog na pahayag ni Ramon Ang ay katumbas ng pamimigay ng payong sa gitna ng delubyo na siya mismo, mga kapwa niyang malalaking negosyante, kasabwat ang mga dayuhang mamumuhunan at burukratang kapitalista, ang lumikha,” ayon sa grupo.
“Dapat siyang singilin ng kumpensasyon at managot para sa pinsalang idinulot ng kanilang mga proyekto sa mga mangingisda at mamamayan ng Manila Bay.”
Panawagan ng grupo na ipatigil ang lahat ng proyektong reklamasyon, dahil mapangwasak ito sa kalikasan at kabuhayan sa mga baybaying-dagat.











