Matapang na kinumpronta ng mga myembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas ang isang indibidwal na nagpapakilalang si Miguel Richard Gerardo Castro, na empleyado diumano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Noong Agosto 31, nakipagkita sa isang kainan ang isang myembro na nagkunwaring “magbibigay ng impormasyon” hinggil sa organisasyon kay Castro. Sa nasabing pagkikita, sama-sama at matapang na kinompronta ng mga mangingisda si Castro na agad naman tumakas. Nasundan pa ito ng mga myembro na pumasok sa loob ng Navotas police station. Nang kinompronta muli ng mga myembro si Castro na nasa loob na ng istasyon ng pulis ay agad na pinagbawalan ang myembro na magbidyo at sinabihang iligal diumano ang pagbibidyo nila. Nakunan sa bidyu ang buong pangyayari.
Bago ang insidente, ilang ulit na kinukumbinsi ni Castro ang mga lider at myembro ng lokal na tsapter ng Pamalakaya sa Navotas na magbigay ng impormasyon tungkol sa organisasyon at mga aktibidad nito kapalit ng “pinansyal na tulong”.
Ayon sa grupo, ang paniniktik na ito ay konektado sa mga naunang ulat ng panggigipit, intimidasyon at Red-tagging na isinagawa ng mga nagpakilalang pulis at sundalo sa ilalim ng NCR Command o Joint Task Force-NCR ng Armed Forced of the Philippines sa kanilang mga myembro.
Mariing kinkundena ng grupo ang panibagong kaso ng pangigipit laban sa mga mangingisda na lumalaban para sa kanilang kabuhayan at karapatan.
“Nananawagan kami sa BFAR na agad na panagutin ang naturang indibidwal kung siya nga ay empleyado ng kanilang ahensya, o mariing kundenahin ang paggamit sa pangalan ng ahensiya kung hindi man. Hinihikayat din namin ang Commission on Human Rights na pabilisin ang hinihiling namin na imbestigasyon sa nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pangtao, panggigipit at red-tagging laban sa mga komunidad ng mangingisda sa Navotas,” pahayag ng grupo.










