Mariing kinundena ng alyansa ng 21 bansang Arabo at Islamiko ang pang-aatake ng US, katuwang ng Zionistang Israel, sa Iran sa pinag-isang pahayag na isinapubliko noong Hunyo 17. Nagbabala ang mga lider ng mga bansang ito sa malalalang epekto ng agresyong ito sa Middle East.
Pinirmahan ang pinag-isang pahayag ng mga ministro ng ugnayang panlabas ng Iraq, Qatar, Saudi Arabia, the United Arab Emirates, Oman, Kuwait, Bahrain, Jordan, Egypt, Sudan, Algeria, Comoros, Djibouti, Somalia, Libya, Mauritania, Pakistan, Turkey, Chad, at Brunei. Nanawagan sila ng agarang pagtigil sa agresyon ng Israel at pagbibigay-daan sa usapang diplomatiko.
Inilabas ang pahayag limang araw matapos unang atakehin ng Israel ang mga pasilidad nukleyar ng Iran. Nagdulot ang pambobomba at pagpapaulan ng misayl ng Israel ng malaking pinsala sa mga sibilyan, partikular ang pambobomba sa isang komunidad sa Nobonyad, Tehran. Sinundan pa ito ng pambobomba sa isang ospital at sa punong himpilan ng pambansang midya ng Iran.
Inilarawan sa pahayag ang mga aksyon ng Israel bilang “malupit na agresyon” at malinaw na paglabag sa internasyonal na batas at Saligang Batas ng United Nations.
“Ang mapanganib na paglala (escalation) ay banta sa kapayapaan at katatagan ng buong rehiyon,” babala ng pahayag. Binigyan diin nito ang agarang de-escalation o pagpapahupa at pangangailangan para sa isang komprehensibong tigil-putukan.
Lubos na ikinaalarma ng mga bansa ang pagbomba ng Israel sa mga pasilidad nukleyar ng Iran, lalo na sa Natanz nuclear site sa Isfahan. Binibigyang-diin ng mga ito na ang anumang pag-atake sa mga nuclear installation na nasa ilalim ng pangangalaga ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ay paglabag sa internasyunal at makataong batas.
Nanawagan ang mga bansa ng paggalang sa soberanya ng mga bansa, mapayapang pagresolba ng mga hidwaan, at agarang pagpapatuloy ng negosasyon ukol sa programa nukleyar ng Iran. “Ang tanging paraan pasulong ay sa pamamagitan ng dayalogo at pagsunod sa internasyunal na batas,” pagtatapos ng pahayag.
Naglabas din ng mga pahayag ng pagkundena ang China, Russia, Brazil, South Africa, Cuba, at Bolivia, kung saan tinawag nilang paglabag sa internasyunal na batas ang pag-atake ng Israel.