Paigtingin ang laban sa rehimeng US-Duterte

Ang Bayan Editoryal | Hulyo 21, 2018

[av_dropcap1]M[/av_dropcap1]abilis na lumalawak ang nagkakaisang prenteng magwawakas sa papet, pasista at pahirap na rehimen ni Rodrigo Duterte. Dahil sa walang patumangga niyang mga pang-aatake, halos lahat na ng demokratikong sektor ay kumikilos laban sa kanyang paghahari.

Ang lantad na mga tangka niyang agawin ang kapangyarihan at palawigin ang kanyang pananatili sa poder ay pumupukaw sa mas marami na tumindig at kumilos. Ang pagbubukas ng Kongreso sa Lunes ay pagkakataon para ipakita sa kanya ang malawak na paglaban ng bayan.

Nasa unahan ng kilusang ito ang mga manggagawa, mala-manggagawa at magsasaka, kasama ang mga pambansang minorya—ang mga uring pinakaumiinda sa delubyong dala ng kanyang mga pakana. Nasa panig nila ang kabataan, mga propesyunal, taong-simbahan, maliliit na negosyante, mga dating upisyal ng gubyerno at midya—mga sektor na tuluy-tuloy na inaatake at tinatangkang pagkaitan ng kanilang mga karapatan.

Nitong huli, hayagan nang sumanib sa kilusang ito ang mga karibal niyang pulitiko. Naghahanda silang hamunin ang kanyang poder, tutulan ang kanyang mga pakana, at makipaglaban sa pulitika at eleksyon hanggang sa susunod na taon.

Sa loob lamang ng dalawang taon, labis nang kinamumuhian ng mamamayan si Duterte at lubos nang nahihiwalay ang kanyang rehimen. Ipinatupad nito ang pinakamasasahol na pakanang neoliberal na nagpalala sa kanilang kalagayan at kabuhayan. Nagdulot ng walang-kapantay na pinsala ang inilunsad nitong tripleng gera ng pangwawasak at pamamaslang. Kasabay nito, umaalingasaw ang baho ng korapsyon at kriminalidad ng pamilya at pinakamalalapit na alipures sa pulisya at militar ni Duterte. Paulit-ulit niyang ipinamalas ang kanyang pangangayupapa sa imperyalismong US, habang lantaran ang pagbebenta sa teritoryo ng bansa sa China kapalit ng makukurakot na pondong pautang. Lumalabas sa kanyang bibig mismo ang kanyang pagkamuhi sa mahihirap at kababaihan. Isang naglalahong alingawngaw na lamang ang kanyang mga pangako ng pag-unlad at pagbabago noong nakaraang eleksyon.

Sa ilalim ng paghahari ni Duterte, lalong tumindi ang krisis sa pulitika ng naghaharing sistema. Lalong lumalalim ang mga bitak sa hanay ng mga naghaharing uri dahil sa paulit-ulit na pagtatangka niyang magtatag ng pasistang diktadura at solohin ang kapangyarihan ng estado. Sa kabila ng kanyang asta at pagwasiwas ng karahasan, hindi niya kinakayang ituloy ang mga ligal o ekstraligal na tangka. Nabigo ang una niyang inambisyon noong katapusan ng 2017 na ideklara ang “rebolusyonaryong gubyerno” at iluklok ang sarili bilang supremo. Noon namang Enero, nabigo rin ang tangka niyang ipatawag ang constituent assembly o con-ass para baguhin ang konstitusyon at itayo ang pederal na anyo ng gubyerno.

Sa pagbubukas ng Kongreso ngayong Hulyo, muli siyang iratsada ang kanyang hungkag na pederalismo sa pamamagitan ng con-ass. Ngayon pa lang, mayorya na sa mga senador ay nagpahayag na ng matinding pagtutol sa planong ito. Lalong mas marami ang tumututol sa karugtong na senaryong “no-el” (no election o walang eleksyon sa 2019) na pinalulutang mismo ng tuta niyang pinuno sa Kongreso. Pilit niyang pinahuhupa ang galit ng bayan sa paulit-ulit niyang pahayag na bababa siya sa pwesto oras na maratipikahan ang bagong konstitusyon. Wala nang naniniwala sa buladas na ito.

Sa susunod na mga linggo at buwan, tiyak na lalong sisidhi ang mga tunggalian sa pagitan ni Duterte at ng nagkakaisang prenteng kontra-Duterte. Titindi ang girian sa hanay ng reaksyon. Ibayong lalakas at lalawak ang mga paglaban ng mamamayan. Uuk-ukin ng mga girian at labanang ito ang dati nang mabuway niyang kontrol sa estado. Habang humihina ang kanyang kapangyarihan, tiyak ding titindi ang kanyang mga atake sa iba’t ibang uri, sektor at grupong sumasagka sa kanyang pasistang ambisyon. Plano niyang gamitin ang pagtaguring “terorista” sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang ipataw ang batas militar sa pambansang saklaw.

Sa harap nito, lalong nagiging mahigpit ang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na buklurin at pakilusin ang pinakamalawak na mamamayan para patalsikin si Duterte sa poder. Hikayatin ang pagkilos at paglaban ng lahat ng uri at sektor na inaapakan ni Duterte. Abutin at pakilusin ang mamamayang Moro. Palahukin ang nadedehadong pulitiko at upisyal na tutol sa pasistang ambisyon ni Duterte na solohin ang poder. Abutin maging ang mga disgustadong elemento at upisyal sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police.

Walang sawang ilantad at labanan ang pasismo, pagkapapet, kabulukan, korapsyon at kriminalidad ng rehimeng Duterte. Pag-ibayuhin ang tapang ng buong bayan na lumaban. Umiiral na ang hayag na paghahari ng teror ni Duterte sa buong bansa, laluna sa kanayunan. Dapat ibunyag at labanan ang kanyang Oplan Kapayapaan habang lalupang pinalalakas ang paglaban sa batas militar sa Mindanao.

Isulong at paigtingin ang lahat ng anyo ng paglaban sa kalunsuran at kanayunan.
Palakasin at palawakin ang pagkilos ng mga batayan at demokratikong uri. Sila ang pinakadeterminadong tapusin ang rehimeng walang ginawa kundi pahirapan, apihin at dahasin sila. Ibayong palaganapin sa buong bansa ang mga welga at kilos-protesta ng mga manggagawa tulad ng sumusulong na sa National Capital Region, Southern Tagalog, Central Luzon at Southern Mindanao. Tipunin ang malawak na galit ng mga maralitang biktima ng “gera kontra-droga” at mapang-abusong kampanyang kontra-tambay. Nagkakaisa ang masang anakpawis sa kalunsuran laban sa kontraktwalisasyon, para sa umento sa sahod, libreng serbisyong panlipunan at murang pabahay.

Palakasin ang kilusan ng mga magsasaka at pambansang minorya para sa bungkalan at sama-samang pagkilos para bawiin at ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. Tuluy-tuloy na ilantad at labanan ang malulupit na pasistang atake laban sa kanila, laluna ang mga baryong sinasakop ng mga pasistang tropa ng AFP. Kundenahin ang mga pag-atake sa kanilang mga eskwelahan at pwersahang “pagpapasurender” sa kanila bilang mga kombatant ng BHB. Igiit ang kagyat na pagpapalayas ng mga yunit-militar sa kanilang mga lugar. Biguin ang paggamit sa kanila ng rehimen sa pakana nitong lokalisadong usapang pangkapayapaan.

Palakihin at lalupang palakasin ang Bagong Hukbong Bayan. Lalong paramihin ang batayang mga taktikal na opensiba at mga aksyong punitibo para bigwasan ang kaaway at paduguin ito sa maraming paraan. Batakin ang pwersa ng AFP sa pamamagitan ng malawak na mga armadong opensiba ng BHB sa buong bansa at paglapat ng mga taktikang gerilya sa pakikipagdigma.

Targetin ang pinakamalupit na pasistang yunit ng AFP, laluna ang mga nakakalat na pangkat ng AFP na sumasakop sa mga baryo sa ngalan ng “kapayapaan.” Bigwasan ang mapangwasak na mga operasyon ng malalaking dayuhan at lokal na kumpanya sa mina at komersyal na plantasyon na kabilang sa pangunahing nagpopondo sa pasistang kampanya ng rehimen.

Sa kanayunan at kalunsuran, patatagin ang lahat ng komite, seksyon at sangay ng Partido sa iba’t ibang antas at sa lahat ng aspeto ng pagbubuo at pagpapatatag. Dapat tiyaking matatag, malawak at malalim na nakaugat sa masa ang Partido upang epektibo nitong mapamunuan ang mga pakikibaka ng masa para wakasan ang rehimeng US-Duterte at ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.