PAHAYAG | June 16, 2018
CPP Information Bureau
Kahapon, June 15, 2018, eksaktong alas dos ng hapon, aktibong nagdepensa ang isang yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon sa 15 elemento ng 85th IBPA na nagpapatrulya sa Sityo Guiting, Barangay Lavidez sa bayan ng General Luna.
Siguradong may malaking kaswalti sa yunit ng pasistang sundalo pagkatapos ng labanan. Walang pinsala sa bahagi ng NPA.
Isang mahigpit na babala ito na kapag natuloy na ang stand down sa pagitan ng NPA at AFP, at hindi tumigil ang pasistang tropa ng rehimeng US-Duterte sa anumang tipo ng operasyon sa rebolusyunaryong base ng NPA ay lagi’t-laging target sila ng pag-atake ng mga pulang madirigma.
Limang araw nang nagtitimpi ang yunit ng NPA at nagsisikap na umiwas sa labanan mula nang mamonitor na pumasok ang mga sundalo sa pulang purok, lalo na at nakaantabay ang buong rebolusyunaryong kilusan sa inaasahang stand down bago magsimula ang peace talks.
Pinabubulaanan ng ganitong postura ng Bagong Hukbong Bayan ang malisyosong pahayag ni DND Secretary Delfin Lorenzana na hindi tutupad ang CPP-NPA sa pinapanukalang stand down para bigyang daan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Sa halip, ang Armed Forces of the Philippines ang walang planong likhain man lamang ang paborableng kondisyon para matuloy ang naudlot na peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP.
Katunayan, ilang araw bago ang June 14, (ang naunang itinakdang stand down na hindi natuloy) 18 barangay sa tatlong bayan ng South Quezon-Bondoc Peninsula ang heavily militarized, ito ay ang mga sumusunod:
- General Luna — Magsaysay, Lavidez, Sumilang
- Macalelon — Sityo Malusac, Agay-ayan at Sinuutan ng Malabahay; Sityo Maanahaw ng San Vicente; Sityo Matalhan ng San Nicolas; Olong Tao Ilaya; Olong Tao Ibaba at San Ignacio
- Lopez — Cogorin Ilaya, Binahian A, B, C, Villa Nacaob, San Lorenzo Ruiz, Banabahin, Ilayang Ilog A at San Miguel Dao
Seryoso ang panawagan ng rebolusyunaryong kilusan at mamamayan na muling ipagpatuloy ang peace talks lalo at nakatakda nang pag-usapan ang CASER. Pumuputok kabi-kabila sa buong SQBP ang mga pakikibakang magsasaka dahil sa kawalan ng lupa at mababang presyo ng kopra. Napipinto ang taggutom dahil sa ganitong pyudal na kaayusang kinakaharap ng mga magsasaka at iba pang maralita sa kanayunan ng Quezon.
Ito ang mga pundamental na usaping nais lutasin ng CASER.
Hangga’t hindi kayang rendahan ni Digong Duterte ang kanyang mga militaristang tagapayo na tuta ng imperyalistang US sa pangunguna ni Lorenzana, laging malalagay sa alanganin ang peace talks at pagkakamit ng tunay na masagana at maunlad na Pilipinas.
Ang rebolusyunaryong kilusan ay hindi bibitiw kahit isang saglit sa makasaysayan niyang tungkulin na baguhin ang lipunang Pilipino sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan.#