Kapahamakan ang naghihintay sa mga manggagawang Pilipino sa pagpasok ng Foxconn, isang kumpanya sa pagmamanupaktura na nakabase sa Taiwan. Itinuturing ang Foxconn (kilala rin bilang Hon Hai Precision Industry Co., Ltd.) bilang pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng mga produktong elektroniko na nag-aasembol ng mga produkto para sa Apple, Amazon, Microsoft, at Sony.
Inianunsyo ng mga upisyal ng rehimeng Marcos nitong Hulyo ang pagpasok ng Foxconn bilang “anchor investor” o pangunahing mamumuhunan sa itinatayo ng US na “economic security zone” sa New Clark City sa balangkas ng Pax Silica. Ituturing bilang “AI-native industrial acceleration hub” ang 1,619-ektaryang economic security zone na matatagpuan sa New Clark City sa Tarlac at Pampanga. Inaasahang mapipinal ang kasunduan sa pagitan ng rehimen at Foxconn bago magtapos ang 2026.
May mahabang rekord ng labis na pang-aabuso, sobra-sobrang pagpapatrabaho sa mga manggagawa at di-makataong kondisyon sa paggawa ang Foxconn.
Noong 2010, maraming manggagawa sa Shenzhen, China ang nagpakamatay dahil sa matinding pressure, estilong militar na pagpapatakbo, at mahabang oras ng trabaho. Ang tugon ng kumpanya ay maglagay lamang ng “suicide nets” sa mga dormitoryo kung saan nakatira ang mga manggagawa nito. Karaniwan ang 80 hanggang 100 oras na overtime bawat buwan, at bawal ang magsalita o gumamit ng banyo nang labas sa itinakdang oras.
Nag-eempleyo ang Foxconn ng mga estudyante bilang “interns” na sinasahuran nito ng mas mababa pa sa minimum. Pinipilit ang mga estudyanteng ito na mag-overtime sa mga gawaing walang kinalaman sa kanilang pinag-aaralan. Noong 2011 at 2012, ilan ang namatay nang may sumabog sa mga pabrika na combustible aluminum dust.
Sa India, pinigilan ng kumpanya ang pagbuo ng mga independiyenteng unyon ng mga manggagawa.
Sahod-alipin ang ibinibigay ng kumpanya sa mga manggagawa at hindi ito nagbibigay ng maayos na tirahan.
Ang mga pang-aabusong katulad nito o higit pa ang maaaring harapin ng mga Pilipinong magtatrabaho sa mga pabrika ng Foxconn sa “economic security zone” ng US. Maaaring gamitin ng Foxconn ang mga maiiksing kontrata para madaling makapag-“hire and fire” ng mga manggagawa base sa demand, at para maiwasan ang pagbibigay ng severance pay at pagbuo ng unyon.
Dahil papaloob ito sa Pax Silica hub na isang “special economic zone,” maaari itong hindi istriktong sumunod sa mga regulasyon ng bansa. Ang mga paglabag nito sa mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawa ay maaaring hindi litisin sa lokal na mga ahensya at korte kundi sa internasyunal na mga institusyon.
Dahil sa track record ng Foxconn sa mga paglabag sa mga tuntunin sa kaligtasan ng mga manggagawa, malaki ang banta nito sa kalusugan ng mga Pilipino lalo na sa paghawak ng mga kemikal sa semiconductor processing.
Sa kabilang banda, tatamasa ang Foxconn ng espesyal na mga insentiba, tax break at iba pang pabor. Alinsunod sa napagkasunduan na sa pagitan ng US at Pilipinas, hindi ito magbabayad ng upa sa loob ng unang dalawang taon ng kanilang operasyon dito.











