Ating dakilain ang magigiting na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan-Rodante Urtal Command (BHB-RUC) na tumangan ng armas at nag-alay ng kanilang buhay para sa pagpapalaya sa sambayanang Pilipino. Kabilang dito ang pitong mandirigma na namartir sa Barangay Santander, Bobon noong Abril 30, 2023, at tatlong mandirigma na namartir sa Barangay Mabini, Catarman noong Mayo 28, 2023.
Kailanman ay hindi magsasawa ang BHB at masa na dakilain sila bilang mga martir ng rebolusyon at mabubuting anak ng sambayanan. Sa hangarin nilang palayain ang bayan sa pang-aapi, naging biktima sila ng matitinding paglabag sa internasyunal na makataong batas at brutal na gyerang panunupil ng rehimeng Marcos.
Ang pitong Pulang mandirigma sa Bobon ay namatay sa teroristang pambobomba mula sa ere ng 8[th] Infantry Division, 803[rd] Infantry Brigade, at 43[rd] Infantry Battalion sa isang temporaryong himpilan ng isang iskwad ng BHB bandang alas-2 ng madaling araw. Hindi totoong napapalibutan ang kanilang kampo ng mga command-detonated explosives (CDEx). Katunayan, isang linggo pa lamang sila sa erya at ilan sa kanila ay maysakit pa kaya wala sa katayuang lumaban. Bukod sa pambobomba ay nagpakawala rin ang pasistang militar ng 10 bala ng 105mm howitzer. Malinaw na labis-labis na lakas ang ginamit para sugpuin ang yunit.
Namartir dito ang mga mandirigmang sina:
Buloy Arandia (Ka Aga), 26, mula sa Barangay Libertad, Matuguinao, Western Samar,
Movie dela Cruz (Ka Leon), 19, mula Barangay Carolina, Matuguinao
“Ka Real” Jarito, Catarman
“Ka Danaya” Bartulo, 19, mula Barangay Cagbigajo, Pambujan, Northern Samar
Jeffrey Pahot Obiado (Ka Tulpak), 19, mula Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar
Dagre Pajares (Ka Dove), 26, mula Barangay San Francisco, Las Navas, at si
“Ka Kapitan” Bantilo, mula Barangay Cababtoan, Pambujan.
Liban sa pitong napaslang, pitong mandirigma rin ang nasugatan sa teroristang pambobomba ng kaaway. Isa sa kanila, si “Kurati,” ay nadakip. Imbis na galangin ang karapatan bilang hors de combat ginamit siya para tugisin ang ibang mga kasama at masa.
Kalaunan ay nakaatras ang mga sugatang Pulang mandirigma at nakarating sa Mabini, Catarman. Walang humpay silang tinugis ng malaking operasyong kombat kung saan ginamit ang mga asong K-9 at labis na pinakinabangan ang mga bayarang aset. Nang masalakay ang himpilan, natamaan ng punglo sina Geraldine Basiloy (Ka Give) at Abigail Baselga (Ka Moana). Inalalayan at hindi pinabayaan ni Joshua Sagdullas (Ka Miyong) si Ka Moana ngunit nahuli siya ng mga pasista, ginapos, pinahirapan at pinagsasaksak hanggang sa mamatay.
Minamahal sila ng mga kasama. Higit pa sa magulang o kapatid ang turing nila sa isa’t isa; mga kasama sa sakripisyo at kahirapan, katuwang sa pagharap sa mga problema, maliit man o malaki, dahil binubuklod sila ng iisang dakilang layunin. Pinakamataas na Pulang saludo ang nararapat sa kanila, silang walang pagdadalawang-isip na nag-alay ng buhay upang magsilbi sa sambayanan.
Napopoot ang buong kasapian ng BHB at ang masang api sa mapait na sinapit ng mga kasama dahil sa buhong gyera ng pasistang estado. Nag-aalab ang ating kagustuhang kamtin ang hustisya sa kanilang ngalan. Kaalinsabay, sa kanilng mga bayani ng rebolusyon tayo patuloy na humahalaw ng halimbawa at inspirasyon sa pagharap sa kasalukuyang mga hamon ng buhay-at-kamatayang pakikibaka.
Araw-araw, sa lahat ng ating gawain, lagi nating alalahanin ang minamahal nating mga martir. Gunitain natin ang masasaya, malulungkot, at puno ng aral na mga panahong nakasama natin sila. Sumumpa tayong ipagpapatuloy ang dakila nilang hangarin na pagsilbihan ang masang api, sariling buhay man ang ialay, hanggang sa madala ang pakikibakang ito sa hindi pa naaabot na antas at ganap na tagumpay.
Hustisya para sa Bobon 7 at Catarman 3! Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado!
Dakilain ang mga rebolusyonaryong bayani ng sambayanan! Ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!











