PRWC » Labanan at wakasan ang paghahari-harian ng rehimeng US-Marcos II!

Sa gitna ng kasalukuyang di deklaradong batas militar sa Mindoro at buong bansa, isang paalala at hamon ang Pag-aalsang EDSA. Pinapaalala ng makasaysayang tagpo sa EDSA ang angking lakas ng sambayanan na kayang magpabagsak ng isang pasistang diktador. Ang pagpapabagsak sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. ay lundo ng malawak at malapad na pagkilos ng mamamayan na ipinundar ng ilang dekadang pakikibaka. Kaya hamon sa mamamayan ang ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA sa gitna ng panlipunang ligalig sa ilalim ng ikalawang rehimeng Marcos upang magkaisa at buong giting na lumaban sa nabubulok at pabulusok na sistema.

Maningning ang rekord ng mga Mindoreño sa anti-diktaduryang pakikibaka laban sa rehimeng Marcos Sr. Sa halip na manahimik at magpalamon sa takot, magiting na lumaban ang mamamayan ng isla sa batas militar at sa mapagsamantala at mapang-aping interes ng mga naghaharing uri, ng kanyang mga kasapakat at ng among US na nasa likod nig rehimeng ito. Ipinataw ang batas militar upang supilin ang anumang paglaban sa kanilang lansakang pandarambong sa yaman ng bansa at makamit ang walang hanggang paghahari sa nabubulok na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Kaya kasabay ng paglukob ng batas militar sa isla ng Mindoro, dumagsa rin ang mga konsesyon ng pagtotroso, mina ng langis at karbon at iba pang mapandambong at mapangwasak na negosyo. Ito ang isang mukha ng pandarambong ng unang rehimeng US-Marcos sa yaman na dapat ay pinakikinabangan ng mga Mindoreño bukod pa sa mga kaso ng katiwalian at korapsyon na nagpabantog sa mga Marcos sa buong mundo bilang mga magnanakaw. Ang panghihimasok ng mga mapangwasak na negosyong ito sa isla at ang kakambal na pasistang dahas ay tinapatan ng tapang at pagkakaisa ng mga Mindoreño.

Bigo ang batas militar ni Marcos Sr na patahimikin ang mga Mindoreño. Nabuo at lumakas ang anti-diktaduryang pakikibaka ng mamamayang Mindoreño na namuhi sa walang pakundangang pang-aabuso nito sa kapangyarihan. Naging matabang lupa ang lumalang kahirapan ng mamamayan at umigting na panlipunang krisis sa ilalim ni Marcos Sr. upang makaugat nang malalim ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro. Sa programa ng demokratikong rebolusyong bayan nakita ng mamamayang Mindoreño ang solusyon sa kahirapan at krisis na hatid ng malakolonyal at malapyudal na sistemang pinangangalagaan ng rehimen. Habang ipinagtatanggol nito ang sistema, lumalalim ang hukay ng sarili nitong libingan at lalong nagagatungan ang apoy ng paglaban ng sambayanan.

Binasag ng sama-samang pagkilos ng mga magsasaka at katutubong Mangyan ang monopolyo sa lupa ng iilang naghaharing uri, nilabanan ang pangangamkam ng lupa at pandarambong sa yaman ng isla sa gabay ng programa sa rebolusyong agraryo (RA). Tampok sa mga panahong ito ang paglansag sa mga pastuhan na pangunahing anyo noon ng monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa sa Mindoro. Tumampok din ang pagtatanggol laban sa mapangwasak na mina. Bilang tunay na alternatibo sa bulok na gubyernong pinaghaharian ni Marcos Sr. at sa pundasyon ng pagkakaisa at mga tagumpay ng RA, ipinunla ang mga binhi ng gubyerno ng mamamayan sa malawak na kanayunan ng Mindoro. Naging katuwang ng mga Mindoreno ang armadong lakas ng Bagong Hukbong Bayan (o NPA) upang ipagtagumpay ang laban sa mga ganid na PML at bigwasan ang mersenaryong armadong pwersa ng AFP- PNP at CHDF ( ang paramilitar na unit ni Marcos Sr., katumbas ng Cafgu ngayon) na tagapagtanggol ng mga mapagsamantalang uri. Sumapi ang maraming Mindoreño sa NPA at binigyang hustisya ang mga biktima ng batas militar at nagtanggol laban sa terorismo ng unang rehimeng US-Marcos gamit ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa paglakas ng kilusang anti-diktadurya at ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Pilipino, umigting ang krisis sa bansa at nahiwalay si Marcos kahit sa hanay ng mga kapwa naghaharing uri. Sa pagbulwak ng kilusang masa, naitulak ang imperyalismong US na bitiwan si Marcos at dinirehe nito ang pansamantalang biyakan sa loob ng reaksyunaryong militar para patalsikin si Marcos sa kapangyarihan upang iligtas ang sistemang malakolonyal at malapyudal at mapanatili ang kontrol dito ng imperyalistang US.

Likas at magpapaulit-ulit ang ganoong pagsambulat ng krisis sa bansa hanggat nanatili itong malakolonyal at malapyudal. Sa ilalim ng ikalawang rehimeng US-Marcos, sumahol pa nga ang krisis na ito. Noong nakaraang taon, nasindihan ang galit ng mamamayan nang sunud sunod na masiwalat ang katiwalian sa confidential and intelligence funds ni VP Sarah Duterte at kasunod ang mga proyektong flood control ni Ferdinand Marcos Jr. Tumambad sa mamamayan kung paano, gaya ng kanilang ama, ganid, tuso at walang kahiya-hiyang ginagamit ang estado poder upang magkamal ng nakaw na yaman at magpasasa rito.

Bukod sa legasiya ng pagnanakaw, minana rin ni Marcos Jr. mula sa kanyang ama at kay Digong Duterte ang pagiging berdugo. Kaiba sa hayagang deklarasyon ng matandang Marcos ng batas militar, ipinatutupad naman ngayon ang di deklaradong batas militar at pinahihirapan ang mamamayan—laluna sa kanayunan—at pinipigilan ang kanilang paglaban gamit ang walang habas na terorismo ng estado. Pangita ito sa marahas na pagpapatahimik at panunupil ni Marcos Jr. sa lahat ng lumalaban para singilin siya sa nakakasukang korapsyon ng kanyang gubyerno. Patunay rin nito ang madugong gerang panunupil na inilulunsad sa tabing ng kontra-insurhensya na mula Disyembre 1, 2024 hanggang Disyembre 1, 2025 ay nag-resulta sa 239, 357 biktima ng paglabag sa karapatang tao sa buong bansa habang 16, 379 ang naitala sa Mindoro mula Enero hanggang Disyembre 2025.

Habang tuloy-tuloy na nilalantad ng burukrata kapitalistang estado ang kabulukan at pangil ng pasismo nito, lalong nag-aalab ang galit at paglaban ng mamamayan. May dagdag na kabuluhan para sa mga Mindoreño at lahat ng mamayanan ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA ngayong nasindihan na ang militanteng paglaban ng mamamayan na unti-unting lumalaki at lumalawak. Kumakalat na parang apoy sa buong bansa ang kilusang masang nanawagan di lang para sa paniningil kay Marcos Jr. kundi sa pagwawakas sa buong nabubulok na sistema at pagpapalit dito ng bago. Isang anyo nito ang paghahapag ng mga progresibong grupo ng transition council bilang ligal at konstitusyonal na paraan ng pagpapalayas kay Marcos Jr. at pagsasagawa ng mga reporma sa buong sistema ng gubyerno. Kung.magtagumpay man ang kilusang masa sa pagpapatalsik sa rehimeng Marcos- Duterte makikinabang ang sambayang Pilipino sa pansamantalang luwag at ilang bentahe na idudulot nito sa pagsusulong ng interes ng mamamayan. Ganun pa man, hindi pa ito ang kaganapan ng demokratikong gobyernong bayan na nasa programa ng pambansa-demokratikong kilusan na nangangahulugan ng mismong pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ng masang anakpawis sa kamay ng malalaking burgesya komprador- panginoong maylupa – burukrata kapitalista at ganap na paglaya sa malakolonyal na kontrol ng imperyalismong US sa bansa.

Mahigpit na tungkulin ng lahat ng pambansa demokratiko at rebolusyonaryong pwersa na tumungo sa masa upang pamunuan ang kanilang paglaban sa lahat ng anyo – hayag at lihim, ligal, malaligal at iligal, armado at di-armado. Sa Mindoro, dapat na mapukaw ang higit na mas maraming mga magsasaka, katutubong Mangyan, manggagawa, mala-manggagawa, kabataan, kababaihan at lahat ng aping uri at sektor. Dapat silang maramihang maorganisa at mapakilos para sa mga lehitimong karaingan at laban sa papalalang pagpapahirap sa kanila ng ikalawang rehimeng US-Marcos-Duterte. Susi rito ang pagpunta sa kung nasaan ang masa—mula sa kabundukan hanggang sa kapatagan, mula sa kanayunan hanggang sa mga sentrong bayan at kabiserang bayan at syudad – upang matuto mula sa kanila, malaman ang kanilang mga suliranin at hinaing at mula rito’y ituro sa kanila ang landas ng paglaban. Hindi mabubuklod sa iisang daluyong ang lakas ng mga Mindoreño kung hindi matiyaga at mahusay na naaaral ang lahat ng suliranin ng mamamayan ng isla- laban man ng mga magsasaka at katutubo para sa lupa, laban sa pagtatanggol ng kalikasan o laban sa di deklaradong batas militar sa Mindoro at iba pa – at nauugnay ito sa mga pambansang isyu. Sukatan ng ating mga pagsisikap di lang ang paparaming mga pagkilos at protesta kundi ang paparaming mga pambansa demokratikong aktibista at rebolusyonaryong pwersa na tutungo, magmumulat, mag-oorganisa at magpapakilos sa higit pang nakararaming aping Mindoreño.

Higit sa lahat, dapat mamulat ang mga Mindoreño sa katangiang malakolonyal at malapyudal ng bansa, maunawaan na ang pag-litaw ng burukrata kapitalismo ay bahagi at suhay ng sistemang ito. Hindi magwawakas ang kabulukan ng gubyerno hanggat hindi ito napapalitan ng gubyerno ng mamamayan. At walang ibang paraan upang makamit ito, kundi ang armadong paglaban sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging solusyon dito.

Kasabay ng paghugos ng mga Mindoreño sa mga lansangan, dapat pasiklabin ang digmang bayan sa isla ng Mindoro. Sa paglawak at paglakas ng apoy nito, matutupok hanggang sa ganap na mawasak ang bulok na gubyerno at sistema ng mga naghaharing uri at maitatayo ang demokratikong gubyernong bayang tunay na magsusulong sa interes ng lahat ng aping uri.

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at lumaban sa kabulukan at terorismo ng rehimeng US-Marcos II!

Singilin si Marcos Jr. at Sarah Duterte sa pagnanakaw at pagpapahirap sa mamamayan!

Makibaka at biguin ang batas militar sa Mindoro!

Wakasan ang rehimeng US-Marcos II!

Wakasan ang burukrata kapitalistang estado!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Source link