Sa nagdaang mga linggo, naglunsad ng mga asembliya at protesta kontra korapsyon ang mga progresibong grupo bilang paghahanda sa malaking protesta sa Pebrero 25, ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA. Panawagan sa mga aktibidad na ito ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot mula sa tuktok.
Noong Pebrero 14, pinangunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang asembliya ng mahigit 50 organisasyon sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City. Nagpadala ng mensahe ng pakikiisa sa asembliya si Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines at tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Action. Sa araw ding iyon, isang hiwalay na pagtitipon ang inilunsad ng STOP Corruption Alliance sa Davao City.
Dalawang Black Friday Protest, noong Pebrero 13 at 20, ang isinagawa ng mga alyadong organisasyon ng KBKK. Nagkaroon ng mga pagkilos sa apat na syudad sa National Capital Region, Baguio City, Bulacan, Laguna, Cavite, Batangas, Cebu, Iloilo, at sa Tacloban City.
Noong Pebrero 20, pinagbawalan ng mga lokal na upisyal ng Quezon City ang mga progresibong grupo na maglunsad ng rali sa EDSA at manawagan ng pagpapababa kay Marcos sa poder.










