Malugod na binabati ng NDFP-Palawan ang mamamayang Palaweño na tumitindig at lumalahok sa iba’t ibang anyo ng protesta at paglaban sa korapsyon ng rehimeng US-Marcos. Sumasabay ang mamamayang Palaweño sa kumukulong klima ng pagkondena sa korap na rehimeng US-Marcos sa buong bansa. Salaminan nito ang militanteng pakikiisa nila sa panawagan ng pambansang protesta nitong Setyembre 21.
Sa iba’t ibang pamamaraan, naipamalas ng iba’t ibang uri at sektor ng mga Palaweño ang kanilang galit sa patuloy na nabubunyag na mga kaso ng pandarambong sa pondo sa bayan at ang mabagal na proseso ng imbestigasyon at paggagawad ng hustisya na hanggang ngayon ay wala pang napapanagot na mga burukrata kapitalista, kontraktor na mga burgesya kumprador at iba pang naghaharing uring sangkot sa krimen.
Paanong hindi mapupukaw ang mga Palaweño kung aabot ng bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan ang nasasangkot sa dambuhalang pagnanakaw ng mga tiwali at korap sa loob ng reaksyunaryong gubyerno? Batid ng taumbayan na si Marcos mismo ang tunay na utak at hari ng korapsyon sa kasalukuyan, at ang layunin ng pinasimulan niyang imbestigasyon ay upang makopo at makonsentra sa kanya ang yaman at kapangyarihan bilang numero-unong burukrata kapitalista ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema. Gayunman, hindi niya napigilan ang pagsambulat ng iba pang kaso ng korapsyon, at hanggang sa mga krimen ng pandarambong niya at kanyang pamilya ay nauungkat rin. Binubulabog ngayon ang naghaharing sistema ng tuluy-tuloy at nagsasabayang protesta ng taumbayang nagpapahayag ng masidhing galit sa rehimeng-US Marcos.
Sa Palawan, inirereklamo ang 19 na flood control projects na nagkakahalaga ng kabuuang ₱885.3 milyon at ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Puerto Princesa. Isa itong malinaw na disbalanse dahil hindi lamang naman ang syudad ang madalas bahain. Kung tutuusin, tulad ng Puerto Princesa, madalas ring binabaha ang iba pang mga bayan sa Norte hanggang sa mga islang bayan ng Coron, Busuanga hanggang sa mga bayan ng Bataraza sa dulong Norte ng probinsya. Pinakamalala ang pagbaha sa Brooke’s Point dahil sa simpleng pag-ulan lang. Pinakamalaki sa mga pinondohan ang konstruksyon ng Riverbank Protection Structure sa Ilog Irawan na nagkakahalaga ng ₱212.2 milyon. Liban dito, apat na kahalintulad na proyekto ang ipapatupad din sa parehong ilog, na ang isa ay nagkakahalaga ng ₱194.9 milyon at ang tatlo pa ay nagkakahalaga ng ₱17.3 milyon. Sa kabuuan, gagastos ito ng ₱459 milyon o halos kalahating bilyon sa isang ilog lamang!
Isa pang tampok na halimbawa kung paano ginagamit ang flood control project para sa korapsyon ng mga burukrata kapitalista ang San Pedro flood control project sa Puerto Princesa. Nagsimula ang nasabing proyekto noon pang 2001. Dalawampu’t apat (24) na taon na ang nakalilipas, hindi pa rin tapos ang nasabing proyekto. Noong 2023, mahigit 80% na ng pondong nilaan para rito ang nailabas na o P98 milyon mula sa kabuuang P120 milyon. Pero ang nakakagalit, 34% pa lang ng nasabing proyekto ang natatapos!
Pinaplano pa ng lokal na gubyerno na dagdagan ng 14 pang flood control projects sa Puerto Princesa lang, mula sa dating dadalawa lang ang FCP na isinasagawa rito. Malinaw na ang pagdadagdag na ito ay upang dumami pa ang mga proyektong pwedeng pagmulan ng kukurakutin ng mga burukrata kapitalista sa probinsya. Sa ngalan din ng solusyon sa baha ang paglalaan ng lokal na gubyerno ng Puerto Princesa ng ₱29 milyon para bumili ng mga kagamitan kontra baha, kung saan ang isang yunit ng submersible pump ay nagkakahalaga ng ₱2.8 milyon. Nag-aanyo rin sa iba pang proyekto ang pork barrel ng mga kongresista at senador, halimbawa ang siyam na proyektong farm to market roads sa Palawan na nakarehistro sa Department of Agriculture noong 2024. Sa gitna ng lahat ng ito, tahimik lamang ang mga mambabatas na Palaweño, laluna iyong mga inugatan na sa lokal na pulitika sa probinsya. Ngiting-aso silang kunwa’y natutuwa sa inaabot ng imbestigasyon dahil nasa likod ng isip nila ang pag-aalala kung kailan malalantad ang kanilang sariling baho at rekord ng katiwalian.
Batid ng mamamayang Palaweño na likas sa reaksyunaryong gubyerno ang pagiging batbat ng katiwalian. Nasa sistema mismo nito na ang gubyerno at pamamahala ay hindi serbisyo para sa mamamayang Pilipino, bagkus ay negosyo para sa mga burukrata kapitalista. Kahit saan lumingon, nakaupo ang mga pulitiko sa sentro ng makinarya na pinagkakakitaan ang mga suliranin ng bayan. Kahirapan? Magpapasa lang sila ng batas, maglalaan ng bilyun-bilyon sa mga proyekto at ibibigay ang mga kontrata sa mga kroni at iba pang kasabwat na naghaharing-uri na nilikha sa ganitong layunin ng pangungulimbat. Problema sa edukasyon? Bumili ng mga tablet, computer, libro at iba pa na papatungan ng pagkalaki-laking halaga para may maibulsa, magpatayo ng mga gusali at kunin ang mga kasabwat na kontraktor para sa konstruksyon nito. Pandemya? Pamilyar na tayo sa usapin sa Pharmally. Usapin sa kalikasan at climate change? Maaaring pagkakitaan sa pamamagitan ng pag-aanunsyo ng programa, pangungumisyon ng pananaliksik, pag-iisyu ng mga regulasyon at paglalaan ng pondo ng bayan sa iba’t ibang industriya na susulpot kaugnay nito. Pagiging atrasado ng kanayunan? Magtayo ng mga kalsada o farm to market roads, at iba pang proyektong imprastrakstura para “pagandahin” at “paunlarin” ito. Malawakang pagbaha? Lantad na lantad na ang krimen nito sa mamamayan. Lahat ng ginagawa ng mga burukrata kapitalista na diumano’y solusyon sa suliranin ay awtomatikong nagiging raket at negosyo nila. Sistemiko ang suliranin ng burukrata kapitalismo sa Pilipinas dahil sa balangkas nito tumatakbo ang buong reaksyunaryong estado mula sa tuktok hanggang sa ilalim. Itinanim ito ng imperyalismong US para kabigin at manipulahin ang mga naghaharing-uring naghahangad na kumopo sa kapangyarihan ng estado at panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Malalim ang mga itong nakaugat sa buong sistema ng Pilipinas, kabilang ang Palawan.
Dahil dito, batid din ng mamamayan na hindi lamang maaaring palitan ang mga nakaupo sa gubyerno para malutas ang usapin ng korapsyon. Natuto na sa kasaysayan ang mamamayan, na kahit palitan ang nakaupo sa reaksyunaryong gubyerno, hindi nito nalutas ang isyu ng korapsyon na palagi nang lumilitaw sa nagpalit-palitang rehimen sa iba’t ibang anyo. Higit sa mga proyektong flood control ang solusyong kailangan sa paulit-ulit na suliranin sa pagbaha sa Palawan at buong bansa. Walang ibang makakapagpabago sa sistemang ito kundi ang radikal na pagbabagong ihahatid ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Nananawagan ang NDFP-Palawan na organisahin ng mamamayang Palaweño ang kanilang sarili laban sa korapsyon at burukrata kapitalismo. Palawakin at palakasin natin ang nagkakaisang hanay, kasama ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalang uri at sektor. Pasiglahin ang kilusang protesta laban sa rehimeng Marcos na siyang hari ng kurapsyon at habang isinasagawa ito ay pataasin ang kamulatan ng malawak na masa para sa pambansa-demokratikong pagbabago sa pamamagitan ng paglulunsad ng masiglang kilusang pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Paramihin at palakasin ang kasapian ng Partido sa probinsya upang wastong mapamunuan ang pakikibaka ng mamamayan. Puspusang isulong ang digmang bayan sa kanayunan ng probinsya ng Palawan! Itayo ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan at isulong ang rebolusyon na tanging paraan upang maibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na tatlong salot sa lipunang Pilipino. Tanging sa pamamagitan nito lamang mahahawan ng mamamayang Pilipino ang landas tungong lipunang malaya, masagana at may tunay na demokrasya at maitatatag ang demokratikong gubyernong bayan na nagwasak sa ugat ng malawakan at sistematikong korapsyon, pandarambong at katiwalian.











