Nagpahayag ng suporta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa hakbang ng mga upisyal ng Government Service Insurance System (GSIS) na patalsikin sa pwesto ang presidente at pangkalahatang manedyer ng ahensya na si Wick Veloso. Itinutulak ito ng mga upisyal ng ahensya kasunod ng isiniwalat na pagkalugi ng GSIS nang hanggang ₱8.8 bilyon at pamumuhunan sa iligal na mga pasugalan.
Kaagad namang ibinasura ni Veloso ang mga panukalang pagtatanggal sa kanya sa pwesto. Matatandaan na kababalik lamang niya sa pusisyon, kasama ang ibang mga upisyal, noong Setyembre matapos tanggalin ng Office of the Ombudsman ang pansamantalang suspensyon sa kanila dahil sa paglabag sa mga alituntunin ng ahensya sa pagpasok sa pamumuhunan.
Ayon sa ACT Philippines, wasto lamang na tanggalin si Veloso sa ahensya. “Ang pananatili niya sa pwesto ay tahasang insulto sa lahat ng mga kawani ng gubyerno, kabilang na ang mga pampublikong guro, kung saan nakasalalay ang seguro sa pagreretiro sa maayos na pangangasiwa ng pondo ng GSIS,” pahayag ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.
Ang mga guro sa pampublikong mga eskwelahan sa bansa ang pinakamaraming myembro ng GSIS. Ayon kay Bernardo, halos isang milyong mga guro ang regular na nagbabayad sa GSIS mula sa kanilang kakarampot nang sweldo at umaasahang titiyakin nito ang kanilang hinaharap matapos ang deka-dekadang serbisyo sa pagkaguro.
“Pero sa ilalim ng pamumuno ni Veloso, nalustay ang bilyun-bilyong piso namin. Hindi lang ito simpleng pagkalugi kundi pagnanakaw sa aming pag-asa, aming sakripisyo, at aming pinaghirapang benepisyo sa pagreretiro,” ayon pa kay Bernardo. Pagdidiin pa ng lider-guro, lubha itong hindi katanggap-tanggap lalo na at matagal na rin silang pinahihirapan at ibinabaon ng GSIS sa utang dahil sa sobra-sobra at ‘di makatwirang paniningil ng interes.
Nanawagan ang ACT sa GSIS Board of Trustees na tiyakin ang transparency at pananagutan sa imbestigasyon sa nangyaring pagkalugi. Itinutulak rin ng grupo na dapat gumawa kaagad ng plano ang GSIS para mabawi ang naluging pondo.
“Hindi ito dapat palampasin. Panagutin si Veloso, bawiin ang nawalang pondo, at itigil ang paggamit sa kontribusyon ng mga guro at kawani ng bayan sa maanomalyang paraan,” pahayag ni Bernardo.
Kaugnay nito, itinulak ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang isang agarang imbestigasyon sa House of Representatives kaugnay ng anomalya sa GSIS. Pinuna niya sa partikular ang posibleng mga paglabag sa sariling alituntunin ng GSIS sa pamumuhunan at ang mismong nilalagakan ng pondo ng ahensya, kabilang na ang mga kwesyunableng “pagreskyu” sa mga negosyong konektado sa mga pulitiko.
Kabilang sa mga partikular transaksyon na nais paimbestigahan ng upisina ni Tinio ang ₱3.67 bilyong nalugi sa dual-tranche na pamumuhunan sa Monde Nissin, Nickel Asia, Bloomberry Resorts, at DigiPlus Interactive; ang ₱1.45 bilyong pamumuhunan sa Alternergy na rason ng suspensyon ni Veloso; ang ₱1.2 bilyong pamumuhunan sa DigiPlus, isang online gambling opereytor; ang panukalang ₱456 milyong pamumuhunan sa Figaro Culinary Group; at ang pamumuhunan sa mga “high-risk private equity fund” at sinasabing pag-“reskyu” sa proyektong Clark Global City ni Dennis Uy sa pamamagitan ng kumpanya nitong Udenna Land.
“Ginagamit ba ni Veloso ang pondo ng GSIS bilang de facto na Maharlika Fund para suportahan ang negosyo ng mga kroni? Sinong mga kroni?” pagtatanong ni Rep. Tinio. Kabilang ang GSIS sa listahan ng mga ahensya ng gubyerno na maaaring pagkunan ng pera para sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Malawakang binatikos ang MIF na pinaniniwalaang pagkukunan ng malalaking kurakot ng mga burukratang kapitalista at malalaking negosyo. Pinakamalaki ang sinasabing makokopong kikbak dito ni Marcos at kanyang mga kroni dahil konsentrado ang pondo sa mga kamay ng pangulo.











