Nakiisa ang mga Pilipinong migrante sa iba’t ibang bansa sa pagkilos ng libu-libong magsasaka sa Pilipinas para gunitain ang Buwan ng magsasaka. Bitbit nila ang mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pagpapanagot sa rehimeng Marcos at sa lahat ng sangkot sa korapsyon at katiwalian. Nanawagan din sila ng hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas. Kinundena rin nila ang ginawang panggigipit at pananakot ng rehimeng Marcos sa mga delegado, sa inilunsad na International Solidarity Mission sa Samar, Negros, Mindoro at Rizal.
Noong Oktubre 20, naglunsad ng protesta sa harap ng embahada ng Pilipinas sa Australia ang mga myembro ng International Coalition for Human Rights (ICHRP), Philippine Australian Union Link, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Migrante. Nagbigay din sila ng sulat na may laman ng kanilang mga panawagan sa konsulado ng Pilipinas.
Sa US, naglunsad ng pagkilos ang Bayan, Migrante, Gabriela, Anakbayan, ICHRP at Tanggol Migrante Movement kasabay sa protesta sa Pilipinas. Dinayo nila ang embahada ng Pilipinas sa Washington DC, San Francisco at Los Angeles. Naglunsad din sila ng workshop sa Chicago, Film at Art night sa Seattle, Washington at Educational Discussion sa Portland, Oregon.
Nagprotesta rin noong Oktubre 21 ang Filipino Migrant Workers Union at Gabriela Chater Road Chapter, at Migrante Hong Kong sa Chater Road, Hong Kong. Naglabas din ng pahayag ng pagkundena laban sa malawakang pagmimina ng FCF Yamang Mineral Corporation sa prubinsya ng Abra ang Abra Tingguian Ilocano Society-Hong Kong. Bago nito, naglunsad din sila ng noise barrage sa Central, Hong Kong noong Oktubre 19.
Sa araw din na iyon, nagprotesta ang Anakbayan United Kingdom sa upisina ng Metals Exploration PLC sa London, kumpanyang may-ari sa Woggle Corporation at Yamang Mineral Corporation upang kundenahin ang pandarambong sa kalikasan ng kanilang kumpanya at ipahayag ang kanilang pakikiisa sa mga magsasaka ng Dupax Del Norte, Nueva Viscaya.
Nakibahagi naman sa ‘gobal kalampagan’ o noise barrage laban sa korapsyon at nagpahayag ng pakikiisa ang Anakbayan Toronto, Migrante Korea, at Migrante Japan.











