Ang Bayan Ngayon » Magsasaka, isang menor-de-edad, pinaulanan ng bala ng 79th IB

Nangunguha ng pulot ang magsasakang si Kato Rizal at kanyang menor-de-edad na pamangkin nang paulanan ng bala ng mga sundalo ng 79th IB sa Sitio Nabaisan, Barangay Minapasok, Calatrava, Negros Occidental noong umaga ng Oktubre 17. Ang naturang yunit ng militar ay nagsasagawa ng operasyong kombat nang biglaang pinaputukan ang dalawa.

Kinudena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang insidente ng pamamaril. Ayon sa grupo, nagtammo ng maraming sugat sa katawan si Rizal at nawalan ng malay dahil dito. Isang araw makalipas, hindi pa natutunton ang kinaroroonan ng menor-de-edad na ikinababahala ng kanyang pamilya.

Kaugnay ng insidente, kaagad na naglabas ng pabatid ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command). Ayon sa yunit ng hukbo, dapat maging mapagbantay ang mga residente dahil hindi imposibleng palabasin ng 79th IB na isang engkwentro sa BHB ang naganap. Karaniwan na itong modus ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para takasan ang kanilang pananagutan at krimen.

Source link