PRWC » Kawalang katiyakan sa pagkain sa EV, pinalalala ng korapsyon at militarisasyon

Sa ikawalong dekada ng deklarasyon ng Pandaigdigang Araw ng Pagkain, bigo ang nagdaang mga rehimen hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr na tugunan ang batayang karapatan ng mamamayang Pilipino sa sagana, libre, masustansya at abot-kayang pagkain na tuntungan ng deklarasyon. Naging bulag at bingi ang reaksyunaryong estado sa pagresolba sa malawakang kawalan ng lupa, maling paggamit nito at atrasadong katangian ng produksyon na mga susing usapin sa pagkamit ng seguridad sa pagkain.

Nasa 82.4% ng mahigit 1.89 milyong magsasaka sa Eastern Visayas ang walang sariling lupa. Wala ding malinaw na programa ang reaksyunaryong estado para palawakin ang sakahan pangunahin para sa pagkain tulad ng palay na mahigit kalahati (59%) ang kinipot sa lawak at 21% sa bilang kumpara noong 1991. Gayundin ang lutasin ang pagdausdos ng produksyon ng limang nangungunang pagkain sa rehiyon sa pangunguna ng palay na nagtala ng 19.6% pinakamataas na pagbagsak mula 2008 kumpara noong 2024.

Inutil at nagsisilbing tagapaglako ng mga panginoong maylupa, malaking burgesya komprador at dayuhang monopolyo kapitalista ang Regional Development Council sa halip na pumanig sa nagugutom na mamamayan nito. Itinutulak nito ang pagpapalawak ng mga sakahan para sa cash crop tulad ng niyog at abaka at iba pang high-value commodity crop sa halip na paunlarin ang produksyon ng palay. Inaasahang sa unang hati pa lamang ng 2024 ay maitanim na sa libu-libong ektaryang sakahan ang mahigit 44,000 na hybrid na niyog sa Bobon, Northern Samar, sa Salcedo, Eastern Samar, sa Liloan at Bondoc, Southern Leyte, sa Santa Fe at Kanangga, Leyte, sa Calbayog City, Samar at sa Naval, Biliran.

Maliban sa atrasadong kalagayan ng agrikultura, pinalalala rin ng sistematikong korapsyon sa pondo para sa pagpapaunlad ng produksyon, agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka ang pagkamit ng seguridad sa pagkain. Nariyan ang milyun-milyong fertilizer fund scam na kinasangkutan ng mga halal na upisyal sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon; ₱62 milyong agricultural ghost project ng pork barrel sa Northern Samar; ₱173 milyong maanomaliyang pagbili ng hand tractors sa Eastern Samar na inutang mula sa Development Bank of the Philippines; ₱3.4 bilyong HCAAP Project na inutang mula sa JICA na hindi pa tapos hanggang sa kasalukuyan; maanomalyang ₱21.394 bilyong flood-control project; at, ang pinakabago ay ang ₱791 milyong farm-to-market road projects sa rehiyon noong 2023-2024. Hindi pa kasali rito ang kwestyunableng pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalaim ng Support to Barangay Development Program na mula 2021 ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱3 bilyong piso at pilit na pinagtatakpan ng National Task Force-Elcac.

Hindi pa nakontento ang reaksyunaryong estado, ipinatupad ng Regional Task Force-ELCAC at 8th Infantry Division ang militarisasyon sa humigit-kumulang 500 na mga barangay sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP) at walang puknat na focused military operations (FMO). Ipinapailalim ang mga barangay sa `di deklaradong batas militar at ipinapataw ang matinding restriksyon at paghahamlet o “lockdown,” na pumipigil sa mobilidad ng mga magsasaka para makapaghanapbuhay at magpaunlad ng produksyon para tugunan ang kanilang batayang pangangailangan sa pagkain. Tumatagal ito nang minimum isang linggo at maksimum ay lagpas buwan, at malawakang ipinapatupad sa mga klaster ng barangay. Higit itong naglalagay sa mamamayan sa kanayunan sa kagutuman at kadusta-dustang kalagayan.

Bago pa man ang RCSP at FMO, dati nang kapos sa pagkain ang kalakhan sa pamilya sa Eastern Visayas. Kahit sa mga lugar na malawak ang palayan, umaabot lamang sa tatlong buwan na konsumo ang naiipong palay na mula sa pakikiani at pagbili; kapos ito nang 65% para sa isang taong konsumo ng bigas. Nasa 67% ng mga pamilya ay hindi na kumakain nang tatlong beses sa isang araw. Hindi nakakapagtaka kung gayon na sa buong mundo nasa ika-66 ang Pilipinas sa Global Hunger Index.

Bigo ang mga programa at pawang paglulustay lamang ng pera ang naging direksyon ng nagdaang mga administrasyon kabilang na ang pinakahuling Special Area for Agriculture Development (SAAD) na sinimulan ng rehimeng Duterte at nakapaglaan ng mahigit ₱1.1 milyong pondo sa rehiyon para kamtin ang seguridad sa pagkain. Ang Walang Gutom Program ng rehimeng Marcos na tumanggap ng $400 milyong dolyar na pautang mula sa ADB ay tiyak na mabibigo rin sa paglutas ng kagutuman.

Makakamit lamang ng mamamayan sa rehiyonang katiyakan sa pagkain sa pamamagitan ng paglutas sa mga pundamental na usapin sa monopolyo sa lupa, syentipikong paggamit, paraan at planadong pagpapaunlad ng produksyon pangunahin para sa pagkain, pagbibigay-prayoridad at pangangalaga sa pondo ng bayan, at gayundin ang paghulagpos sa pagkatali sa dayuhang merkado at monopolyo kapital. Maipapatupad at makakamit lamang ito sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Source link