Sa kabila ng matinding panggigipit at pananakot ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, matagumpay na nailunsad ng grupong Peoples Rising for Climate Justice ang International Solidarity Mission (ISM) mula Oktubre 11 hangang 14, sa Rizal, Mindoro, Samar, Tacloban at Negros.
Sa temang “Grounding Solidarity:A Learning and Solidarity Mission to Communities Affected by Climate Injustice and Militarism,” nilayon ng ISM na imbestigahan at magbuo ng pakikiisa sa mga komunidad na apektado ng krisis sa klima, pandarambong sa kalikasan, korapsyon at militarisasyon.
Ang misyon ay bahagi ng serye ng mga aktibidad para sa Asia Pacific People’s Conference on Climate Imperialism and Militarism na gaganapin sa Maynila sa Oktubre 16 at 17. Kabilang sa kalahok nito ay mga mananaliksik, mamamahayag, akademiko, nagsusulong ng karapatang-tao at maka-kalikasan mga personalidad mula sa iba’t ibang bansa. Kalahok din sa aktibidad si Ka Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, France Castro, dating kinatawan ng ACT Teachers Partylist at Liza Maza ng Makabayan.
Sa unang araw pa lamang ng aktibidad noong Oktubre 11, hinaras na ng mga elemento ng PNP at AFP ang mga delegado sa Tacloban City habang naglulunsad ng kanilang regional educational tour. Ayon sa ulat, may mga ahente sa paniniktik ang umaligid sa tinutuluyan ng mga delegado at kinuhaan sila ng litrato nang walang pahintulot. Nang kumprontahin ang ahente sa paniniktik, inamin nito ang kanyang trabaho ngunit tumangging ipakita ang kanyang ID.
Sa Occidental Mindoro, sa parehong araw, ilang beses na pinaikot-ikot ang mga delegado sa inimbentong proseso ng lokal na ahensya sa tangkang pigilan sila sa kanilang mga planong aktibidad. Ganunpaman, nagpatuloy pa rin ang aktibidad sa kampuhan na tinayo ng mga katutubo ng Mangyan-iraya ng Sitio Malatabako sa Abra De Ilog. Naglunsad sila ng talakayan hinggil sa nararanasan ng mga katutubo tulad ng pang-aagaw ng lupa, korapsyon, militarisasyon at diskriminasyon.
Sa Tanay, Rizal, hinaras ng mga elemento ng 80th IB ang mga delegado noong Oktubre 12. Pinilit ng mga ito na kunin ang pangalan ng mga delegado. May namataang ding anim na sundalo ang umaaligid sa kanilang tinutuluyan kinagabihan. Ayon sa grupo, pinapakita lamang nito ang nararanasang panggigipit ng mga katutubong Dumagat-Remontado mula sa AFP dahil sa kanilang pagtutol sa Kaliwa Dam.
Sa Negros Occidental, nagkaroon ng talakayan hinggil sa kalagayan ng mga magtutubo sa prubinsya at epekto ng platasyong Oil Palm sa komunidad.
Mainit na tinanggap ng komunidad sa Marabut, Samar ang mga delegado noong Oktubre 12. Nagkaroon ng talakayan hinggil sa kinakaharap ng mga magsasaka tulad ng tumitinding kahirapan, kawalan ng suporta sa agrikultura ng estado, epekto ng krisis sa klima at kalamidad, at malawakang militarisasyon.
Bago dumating ang mga delegado sa komunidad, may 10 sundalo ang nagbabantay sa barangay hall. Ilang beses din na namataang may umaaligid na nakasibilyang sundalo na kumukuha ng litrato ng aktibidad. Nang palabas na sa komunidad ang mga deligado, nagset-up ng checkpoint ang mga sundalo. Sinundan sila ng mga nakasibilyan na sundalo na nakamotorsiklo hanggang sa kanilang pansamantalang tinutuluyan. Nang kumprontahin, pinakita nito ang kanyang AFP ID na may pangalang Edwin Nabong, agad naman itong umalis pagkatapos. May 2 pang mga lalake na nakamotorsiklo na walang plaka ang namataan sa erya.
Noong Oktubre 13, ilang beses namataan ang drone na naniniktik sa kampuhan sa Mindoro at sa komunidad ng Dumagat sa Tanay, Rizal. May namataan din na mga lalakeng nakamotorsiklo na kumukuha ng litrato at bidyu ng kampuhan at dose-dosenang mga pulis at militar ang umaaligid sa kampuhan.
Noong hapon, hinarang ng Land Transportation Office-MIMAROPA, kasama ang militar at pulis ang sasakyan ng mga katutubong Iraya at kanilang abugado na dadalo sa kanilang pagdinig sa Abra de Ilog Municipal Trial Court. Hiningi ang kanilang ID bago silang pinayagang dumaan. Kinasuhan ng malicious mischief, trespassing, usurpation/occupation of real rights and properties ang 32 katutubo ng Pieceland Corporation na nang-aagaw ng kanilang lupain.
Noong Oktubre 14, naulit ang pag-aaligid ng mga lalaking nakamotorsiklo na nagbibidyu sa kampuhan at pagpapalipad ng drone sa erya. Pagdating ng alas-3 ng hapon, dumating ang puu-puong sundalo at pulis na may bitbit na mahahabang baril at pumasok sa erya ng kampuhan na nagdulot ng takot sa komunidad, laluna sa mga bata. Bagamat planong tapusin ang aktibidad sa Oktubre 15, napilitan ang mga delegado na tapusin ito sa mismong araw dahil sa lantarang pananakot at panghaharas ng militar at pulis.
Sa parehong araw, bilang pagtatapos ng aktibidad sa Negros Occidental, naglunsad ng press conference ang mga delegado sa upang talakayin ang inisyal na datos na kanilang nalikom hinggil sa isyu na kinakaharap ng mga mamamayan.











