Ang Bayan Ngayon » Mas malalaking protesta kontra korapsyon ngayong Oktubre, ikakasa ng mga grupo

Pangungunahan ng mga grupo sa ilalim ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang nakatakdang malalaking kilos-protesta sa darating na Oktubre 17 at 21 laban sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang parehong mga grupo ang namuno sa demonstrasyon ng higit 100,000 katao sa Luneta Park sa Maynila noong Setyembre 21.

Ikakasa ang malaking pagkilos kasunod ng mga serye ng walkout, mga piket at iba pang porma ng pagkilos ng mga kabataan at estudyante, mga progresibong grupo at taong-simbahan sa nagdaang mga linggo. Layunin nilang masustine ang mga protesta at pampublikong presyur para mayroong mapanagot sa korapsyon sa mga proyektong flood control at iba pa.

Napagkasunduan ang mga araw ng pagkilos sa naging pulong ng KBKK noong Oktubre 11. Dumalo sa pulong ang higit 100 indibidwal na kumakatawan sa 60 mga organisasyon sa buong bansa.

Sa Oktubre 17, pangungunahan ng mga grupo ng kabataan at estudyante ang Pambansang Araw ng Pagkilos ng Kabataan kontra Korapsyon. Mula sa mga unibersidad at lokal na pagtitipon, magtitipon sila sa Mendiola para singilin ang lahat ng sangkot sa korapsyon.

“Hindi mananahimik ang kabataan habang bilyun-bilyong pondo ng bayan ang ninanakaw. Mananawagan kami mismo sa tarangkahan ng kapangyarihan,” pahayag ng mga organisador.

Pamumunuan ng Anakbayan, Alyansa ng Kabataan Kontra Korapsyon, UP Act Against Corruption Network (UP Action), One Taft, mga konseho ng mag-aaral, at iba pang grupo at alyansa ang pagkilos ng mga kabataan. “Sa makasaysayang mga kalsada ng Mendiola, sama-sama nating itakwil ang bulok na sistemang nagbubunga ng walang-katapusang korapsyon na pumapatay sa mamamayan at umaagaw sa kinabukasan ng kabataan,” ayon sa Anakbayan.

Ayon sa UP Action, lumilipas ang oras pero wala pa ring napapanagot mula nang kumilos ang mamamayan laban sa korapsyon. “Namamatay at nagugutom ang mamamayan, nagpapakasaya pa rin ang mga pulitko sa kanilang mga pwesto. [N]ananatiling bulag ang rehimeng Marcos Jr at paksyong Duterte sa galit ng mamamayan laban sa korapsyon!” anito.

Dagdag ng grupo, nagkakamali ang mga upisyal ng gubyerno kung inaakala nilang mananahimik ang kabataan habang patuloy na ninanakawan ng bilyun-bilyong piso ang taumbayan. “Dapat nang alisin sina Marcos na hari ng korapsyon, mga Duterte na mamamatay-tao at korap din, at lahat ng mga nasa Senado at Kamara na walang ibang ginawa kundi unahin ang sariling interes at ng mga crony nila,” pahayag ng Anakbayan.

Matatandaang libu-libong kabataan at estudyante na ang nakibahagi sa kilusang walkout na sumiklab sa buong bansa simula noong ikalawang linggo ng Setyembre. Naitala sa mga unibersidad ang makasaysayang pagkilos—mula sa higit 16,000 kumilos sa buong UP System, 15,000 sa Polytechnic University of the Philippines System, ilampung libo sa mga pribadong unibersidad hanggang sa paglulunsad ng kauna-unahang mga walkout sa ibang unibersidad.

Labas sa Metro Manila, nag-anunsyo na rin ng malawakang protesta at walkout ang mga lider-estudyante ng Central Luzon State University (CLSU) sa Oktubre 17. Pangungunahan ng Unity of Leaders and Students for the Advancement of Democratic Students’ Rights and Welfare (USAd-DSRW) ang pagkilos ng mga konseho, organisasyon at estudyante sa unibersidad. Nakuha ng alyansa ang suporta ng CLSU Office of the University President (OUP) para sa walkout.

Sa Oktubre 21, magpuprotesta ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila sa pangunguna ng mga grupo ng magsasaka. Patatampukin sa pagkilos ang karanasan ng mga magbubukid na apektado ng mga pagbaha at bulok na mga maanomalyang kalsada na farm-to-market.

Magmamartsa kasama ng mga magbubukid ang mga grupong multi-sektoral para batikusin ang lantarang cover-up ng rehimeng Marcos sa korapsyon sa gubyerno. Kabi-kabila ngayon ang mga maniobra sa Kongreso at binuo ni Marcos na Independent Commission for Infrastructure (ICI) para itago ang umaalingasaw na sangsang ng korapsyon ng gubyerno.

Ayon sa KBKK, magtuluy-tuloy ang mga pagkilos at aktibidad ng mga grupo sa darating pang mga linggo. Asahan din umano ng gubyerno na ihahanda pa mas malalaking mga demonstrasyon, katulad ng inianunsyo na para sa Nobyembre 30, sa patuloy nitong pagtakbo sa pananagutan.

Dagdag ng mga organisador, ang mga aksyong masang ito ay bahagi ng lumalagong kilusang bayan. “Ang taumbayan ay hindi titigil. Hindi ito isang protesta lang. Isang kilusan ito laban sa korapsyon at kawalang pananagutan,” ayon sa KBKK.

Source link