Tuloy-tuloy at lumalawak ang mga pagkilos laban sa korapsyon sa bansa. Nanindigan mga manggagawa, magsasaka, kabataan, taong simbahan at iba pa na magpapatuloy ang mga protesta hangga’t walang napapanagot na mga korap sa kanilang krimen sa taumbayan.
Sa Baguio City, umabot sa 17,000 ang dumalo at nakiisa mula sa Don Bosco School of Ministry, San Jose School of La Triniada, Inc.-Elementary Department, Saint Martin School, Saint Louis High School Antamok, Saint Louis University-School of Medicine, Catholic Educational Association of the Philippines-CAR, Vicariate of San Isidro Labrador, Vicariate of San Lorenzo Ruiz, Sto Nino Parish, Conference of Major Superiors in the Philippines-Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission, Immaculate Conception Parish, Vicariate of Our Lady of Atonement, at Diosesis ng Baguio at Benguet para sa ‘Diocesan Prayer March and Holy Mass Against Corruption’ noong Oktubre 7. Nagsimula ang martsa mula sa Baguio Convention Center patungo sa Our Lady of the Atonement Cathedral, kung saan naglunsad sila ng misa.
Noong Oktubre 10, naglunsad ng mga protestang Black Friday at iba pa ang iba’t ibang grupo, sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naglunsad ng candle-lighting at noise barrage ang Trillion Peso March Movement sa EDSA Shrine sa Quezon City. Ang kilusan ay pinamumunuan ng Church Leaders Council for National Transformation, na may 80 organisasyon na nakapaloob dito. Anila, ito ang una sa magiging serye ng kanilang pagkilos tuwing byernes hanggang Nobyembre 30.
Sa pangunguna ng United People’s Against Corruption-Caloocan kasama ang iba’t ibang organisasyon, naglunsad ng black friday protest sa Palengke ng Camarin Kiko sa barangay 178, North Caloocan. Ayon sa grupo, dapat imbestigahan at managot ang lahat ng kurakot, kabilang sina Mitchell “Mitch” Cajayon-Uy, dating kinatawan ng ikalawang distrito at si Dean Asistio, kasalukuyang kinatawan ng ikatlong distrito ng Caloocan na pinangalanan sa Senado na imbwelto sa sistematikong korapsyon.
Nagtanghal at nagprotesta sa labas ng National Housing Authority sa Quezon City ang Hiphop United Against Corruption at Concerned Artist of the Philippines para sa #Koraptober black friday protest. Kasama sa programa ang pagtatanghal ng mga hiphop artist.
Mahigit 3,000 ang dumalo sa ‘Grand Holy Rosary Rally Against Corruption’ noong Oktubre 11, sa Bacolod City. Pinangunahan ang aktibidad ng Diosesis ng Bacolod.
Sa parehong araw, libu-libong estudyante, taong simbahan at mga nananampalataya ang lumahok sa “Lakad Para sa Katarungan Laban sa Korapsyon”. Mula Mendiola, nagmartsa ang mga kalahok hanggang sa National Shrine and Parish of Our Lady of Loreto sa Sampaloc, Manila kung saan naglunsad sila ng misa bilang pagtatapos sa aktibidad.
Sa prubinsya ng Albay, naglunsad din ng protesta na ‘Peace Ride and Rally for Change’ na may temang, ‘Sarabay na Paglakbay sa Pagtabang sa Kasaradayan, Pag-ataman sa Kapaligiran asin sa Paglaban sa Katiwalian’ sa pangunguna ng Diosesis ng Legazpi, Diocesan Commission on Social Concerns at Social Action Center-Legazpi bilang bahagi ng Trillion Peso March Movement. Daan-daan ang lumahok sa pagkilos, kabilang ang Albay Movement Against Corruption, NNARA Youth-Bicol, Organisasyon ng Magsasaka sa Albay (OMA), BAYAN-Bikol at Kilusang Magbubukid ng Bicol. Nagkaraban ang mga kalahok mula sa Our Lady of the Gate Parish sa Daraga, Albay at dumaan sa Tabaco City, Ligao City at nagtapos sa St. Gregory the Great Cathedral Parish sa Legazpi City, Albay kung saan naglunsad ng programa at misa si Bishop Joel Baylon.
Noong Oktubre 12, naglunsad ng ‘Walk Against Corruption’ sa Santiago City, Isabela, sa pangunguna ng Dariuk Running Club. Mahigit 500 ang lumahok sa aktbidad na nagmula sa sektor ng mga negosyante, manggagawa sa kalusugan, taong simbahan at kabataan. Lumahok din sa aktbidad ang Kabataan Partylist.
Sa parehong araw, sa pangunguna ng Tindig Meycauayan, daan-daang mga residente ng Meycauayan, Bulakan ang lumahok sa indignation rally laban sa korapsyon. Mula St. Francis of Asisi Parish Church, nagmartsa sila hanggang sa Meycauayan Sports Complex kung saan naglunsad sila ng programa.











