Walang puknat ang pagdaluyong ng kilusang protesta laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo ng rehimeng US-Marcos. Sa iba’t ibang panig ng bansa, tuluy-tuloy ang mga walkout, rali at martsa sa mga eskwelahan, komunidad, pagawaan at upisina. Mariing ipinapahayag ng mamamayang sadlak sa hirap at pagdurusa ang kanilang abot-langit na poot sa dambuhalang pagnanakaw ng mga tiwali sa reaksyunaryong gubyerno sa bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan.
Sa paggunita sa ika-53 anibersaryo ng batas militar ng diktadurang Marcos noong Setyembre 21, daanlibo ang bumaha sa mga lansangan ng Kamaynilaan at iba pang lungsod. Para batikusin si Marcos bilang utak sa likod ng korapsyon at maaanomalyang flood control projects, puo-puong libo ang nagmartsa patungo sa Mendiola. Umalingawngaw ang kanilang mga sigaw hanggang Malacañang. Sumambulat ang di na mapigilang galit ng bayan, laluna ng mga kabataan. Sinalubong sila ng brutal na panunupil ng mga bantay na pulis.
Sa direktang utos ni Marcos na supilin ang mga kabataan at mamamayang naglabas ng hinaing at nagpamalas ng galit, nanggagaaiting lumusob ang de-batuta at armadong mga pulis. Umalingawngaw ang mga putok ng baril at pagsabog ng tirgas. Binomba ng tubig at dinampot kaliwa’t kanan ang mga raliyista at sinumang matyempuhan. Isang manggagawa ang tumimbuwang sa kalsada sa pamamaril ng pulis. Hindi bababa sa 277, kabilang ang ilampung menor de edad, ang ibinimbin sa iba’t ibang istasyon ng pulis, at iligal na ikinulong, inabuso, tinortyur at sinampahan ng kung anu-anong kaso.
Ipinakita ni Marcos ang kanyang pasistang pangil sa tangkang sindakin ang taumbayan at pigilan ang paglaki pa ng kanilang mga kilos-protesta sa lansangan. Pinalabas ng Malacañang na ang “kaguluhan” sa Mendiola ay gawa ng “iilang pasimuno” sa tangkang pagwatak-watakin ang hanay ng mamamayan. Taliwas sa layunin ni Marcos, lalong nagkaisa ang mamamayan. Ang sigaw para sa pagpapalaya sa Mendiola 277 ay lalong nagbuklod sa iba’t ibang sektor—mga estudyante, maralitang-lunsod, manggagawa, mga abugado, taong-simbahan, manggagawang pangkultura at iba pa.
Sa halip na masindak, lalong sumidhi ang nag-aalab na damdamin ng mamamayan laban sa korapsyon at mga katiwalian ng rehimeng Marcos. Sa sumunod na mga araw at linggo, dumami pang lalo ang mga estudyanteng lumabas sa kanilang mga klase at lumahok sa mga rali sa loob at labas ng kanilang mga kampus—mula sa hilaga ng Luzon hanggang sa Mindanao. Halos walang araw ang lumipas sa nagdaang mga linggo na walang kilos-protesta para ipahatid ang sigaw ng taumbayang humihingi ng katarungan at nananawagan para baguhin ang bulok na sistema.
Sa harap ng nagpapatuloy na pagdaluyong ng kilos-protesta, doble-sikap ngayon ang rehimeng Marcos na pahupain ang galit ang taumbayan sa pamamagitan ng mga hungkag na palabas ng imbestigasyon. Subalit dahil hindi isinasapubliko ang pagsisiyasat ng tinaguriang “independyenteng komisyon,” lalo lamang lumalakas ang paniniwala ng taumbayan na isa lamang itong paraan para pagtakpan ang tunay na lawak at totoong utak ng korapsyon—si Marcos mismo at pinakamalalapit niyang upisyal. Amoy na amoy ng taumbayan ang sangsang ng aregluhan ng kapwa mga kurakot para makaiwas at makatakas sa hinihinging parusa ng bayan.
Niyayanig ng dumadagundong na sigaw ng taumbayan ang buong naghaharing sistema. Umaalingasaw ang baho ng korapsyon sa buong bansa. Parami nang parami ang nalalantad na anomalya—mula sa mga flood control project hanggang mga tulay at farm-to-market road, klasrum, pati na mga gusali at pagpapaganda ng mga kampong militar, bilyun-bilyong pondong pang-intelidyens, sa programang “balik-baril” at iba pa. Lalo pa ngayong nagtuturuan ang mga pulitikong magkakaribal at magkakaalyado. Lalo ding sumisidhi ang banggaan ng pangkating Marcos at Duterte. Lublob sa lusak ng korapsyon ang Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso. May putik sa mukha maging ang mga nagmamalinis.
Puspusang nalalantad ang burukratang kapitalismo at ang pinag-uugatan nitong bulok na sistemang pinamamahalaanan ngayon ni Marcos—hari ng korap at numero unong pasistang terorista. Lumalakas at lumalawak ang panawagan ng karaniwang mamamayan para patalsikin at parusahan ang lahat ng korap na nagnakaw sa pondo ng bayan, sa pangunguna ni Marcos at kapwa tiwali na si Vice President Sara Duterte, at wakasan ang buong bulok na sistemang mabigat na pasanin sa taumbayan.
Habang patuloy na lumalakas ang kanilang sigaw at paglaban, dapat ibayong patatagin ng sambayanan ang kanilang hanay para salagin, labanan at biguin ang atake ng pasistang estado. Ang marahas na pagsupil ng pulis sa Mendiola ay salamin lamang ng mas malawak at sistematikong pag-abuso ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado sa mga karapatan ng taumbayan, sa kalunsuran at sa kanayunan. Upang panatilihin ang naghaharing sistema, ginagamit ni Marcos ngayon ang buong lakas ng pasistang estado. Sa ilandaang barangay sa kanayunan na nasa ilalim ng kontrol ng militar, kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pamamaslang, iligal na pagdakip, tortyur, at iba pang malulubhang paglabag sa mga karapatang-tao.
Tiyak na mabibigo ang rehimeng Marcos na pigilan ang nagpapatuloy na pagdaluyong ng kilusang protesta laban sa korapsyon. Lumalawak at lumalaki ang panlipunang pagbabangon ng mga estudyante at kabataan. Dala nila’y sigla at determinasyon sa kilusang protesta ng bayan. Sila naman ay lalong sisigla at magiging determinado kapag sila ay huhugos hindi lamang sa lansangan, kundi pati sa mga eskinita ng mga komunidad, sa mga daan patungo sa mga pagawaan, hanggang sa kasuluk-sulukang mga bahagi ng bansa.
Hamon sa mga kabataan na isanib ang kanilang hanay sa milyun-milyong manggagawa at malawak na hanay ng masang mala-proletaryado o walang hanapbuhay sa kalunsuran, at sa masang magsasaka sa kanayunan. Sa mga darating na linggo at buwan, ang naghaharing sistema ay tiyak na lalo pang yayanigin ng kilusang protesta kontra sa korapsyon at burukratang kapitalismo sa paglawak nito sa buong bansa at pagsanib ng mas malawak pang bilang ng mamamayan sa kalunsuran at kanayunan.
Dapat manatiling nasa gulugod at unahan ng demokratikong kilusang protesta ang mga organisadong pwersang pambansademokratiko upang tiyaking matatag, militante at tuluy-tuloy itong sumusulong. Dapat walang sawa nilang imulat ang taumbayan na ang pakikibaka laban sa korapsyon ay nakaugnay sa rebolusyonaryong pakikibaka para ibagsak ang tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Maisusulong ito sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at armadong pakikibaka para wakasan ang sistemang malakolonyal at malapyudal, at itatag ang tunay na demokratikong gubyerno at malaya at progresibong lipunan.











