Internasyunal na tribuna para sa Palestine, idadaos sa Nobyembre

Inanunsyo noong Setyembre 28 ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) at International Association of Democratic Lawyers (IADL) ang pagdaraos ng International People’s Tribunal (IPT) for Palestine, na pormal na pinamagatang Right to Resist: The Palestinian People vs. The Zionist Occupation and the US Government. Ilulunsad ang tribuna sa Nobyembre 22-23. Layunin nitong isadokumento at hatulan ang mga krimen sa digma, henosidyo, ecocide at malawakang paggutom ng Israel at ng US laban sa mga Palestino.

Kakatawanin ng IPT ang tugon ng mga mamamayan sa tumitinding henosidyo at ekosidyo sa Gaza at sa mga okupadong teritoryo ng Palestine, kung saan 74,000 na, kabilang ang 21,000 mga bata ang pinatay ng mga Zionistang estado.

“Ang pang-aatakeng henosidyo sa mamamayang Palestino ay nangangailangan ng pandaigdigang galit at walang kondisyong pakikipagkaisa ng lahat ng mga tao at bansa sa mundo,” pahayag ng mga organisador ng tribuna.

“Ang nakkita natin sa Gaza ay ang paglulunsad ng “Israel” ng lahatang-panig na ecocide, na inilalarawan bilang: “mga labag sa batas o labis na mapaminsalang mga akto na isinagawa nang may kaalaman na may malaking posibilidad na magdulot ang mga ito ng malulubha at alinman sa malawak o pangmatagalang pinsala sa kapaligiran.”

Layunin ng tribuna na papanagutin ang gubyernong Zionistang at US sa walang pakundangang pagwasak nito sa lupa, kapaligiran at buhay ng mga Palestino at para sa mga krimen nito sa sangkatauhan, alinsunod sa nakasaad sa Algiers Declaration of the Rights of Peoples at iba pang tuntuning internasyunal.

Tutulong ito sa mga kaso at kawsa ng matataas na ahensya tulad ng United Nations General Assembly, Human Rights Council, International Court of Justice, International Criminal Court, at sa mga bansang naghahangad ng pagpapanagot at aksyon para sa mga krimen sa digma ng henosidyo at mga batas na gumagabay sa armadong sigalot.

“Magsisilbing moral, pulitikal at diplomatikong larangan ang tribuna para sa mga biktima, nakaligtas, tagapagtanggol, mga kilusang panlipunan at mapagpalaya para singilin ang mga Zionistang kriminal sa digma at kanilang mga imperyalistang amo,” ayon sa mga organisador.

Panawagan ng mga grupo na “igiit ang mga karapatan ng mamamayang dumaranas ng matinding kahirapan at pagpuksa, ang mga mamamayan ng Gaza at ng iba pang inookupahang teritoryo ng Palestine, ang mga karapatan ng isang bayan na lumaban para sa kanilang pambansa at panlipunang kalayaan laban sa settler-colonialismong Zionista at imperyalismong US.”

Source link