Nagpahayag ng mariing pagkundena ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Bicol Union at Kabataan Partylist (KPL) Bicol sa mga ulat ng panghihimasok ng pulis at militar, sa pangunguna ng 9th ID at 2nd IB, sa mga pampublikong paaralan sa Masbate sa tabing ng mga “campus tour” at “awareness seminar.”
Anila, labag ito sa Department of Education Order No. 44 s 2005 na nagdeklara sa mga paaralan bilang mga “sona ng kapayapaan.” Alinsunod sa kautusan, bawal ang presensya ng militar at pulis sa loob ng mga paaralan, maliban kung may malinaw na banta sa seguridad.
“Ang mga aktibidad ng militar sa mga eskwelahan ay hindi inosente o simpleng pang-edukasyon lamang. Sa likod ng mga ito ay ang mapanganib na pagsasagawa ng Red-tagging, pananakot at intimidasyon na nagdudulot ng takot, pangamba, at paglabag sa karapatang-tao ng mga guro, estudyante at mga kawani ng paaralan,” paliwanag ng ACT Bicol Union.
“Mariin naming ipinapaalala sa lahat na ang paaralan ay dapat manatiling ligtas na espasyo ang para sa malayang pag-iisip, talakayan at pagkatuto at hindi dapat maging espasyo ng militarisasyon o pagpapatahimik at pananakot,” dagdag ng grupo.
Pinaalalahanan rin ng ACT Bicol Union ang lokal at pambansang pamahalaan, gayundin ang mga administrasyon ng paaralan na igalang ang prinsipyo ng akademikong kalayaan at ipagtanggol ang kanilang mga mag-aaral at guro laban sa ganitong klaseng aktibidad. Dapat ding imbestigahan ng Department of Education-Region V ang mga ulat ng militarisasyon sa mga paaralan, ayon sa grupo.
Ayon sa KPL-Bicol, ang militarisasyon ng mga eskwelahan sa Masbate, maging ang panggigipit na naranasan ng mga estudyante sa Bicol University at patuloy na sarbeylans sa mga kabataan sa rehiyon ay nagpapakita ng sistematikong pagtarget ng estado sa mag estudyante, mga gurpo at paaralan.
“Nakakagalit na nagpapatuloy ang ganitong pang-aatake habang ang mga Bicolano ay problemado dahil sa epekto ng bagyong Opong. Sa halip na unahin ang pagtugon sa epekto ng bagyo, rehabilitasyon at tunay na solusyon sa kahirapan, binubuhusan ng gubyerno, gamit ang pondo ng mamamayan, ang mga programa para sa sarbeylans, red-tagging at militarisasyon ng ating mga komunidad at paaralan,” pahayag ng KPL Bicol.
“Nananawagan kami sa aming kapwa estudyante, guro at sa mamamayan na tumindig laban sa lantarang paglabag sa ating mag karapatan. Ang pondo ng mamamayan ay dapat napupunta edukasyon, serbisyo at pagtugon sa sakuna, hindi sa panggigipit at pananakot sa mga estudyante,” panawagan ng grupo.











