Manggagawa sa konstruksyon, namatay sa pamamaril ng pulis sa Maynila

Nanawagan ng hustisya at pananagutan ang mga grupo sa paggawa at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa pagkamatay ni Eric Saber, isang manggagawa sa konstruksyon, noong Setyembre 21 sa Maynila. Natamaan si Saber ng bala ng baril ng mga pwersa ng estado nang walang patumanggang magpaputok laban sa nagpuprotestang mamamayan sa Mendiola at Recto.

Ayon sa mga natanggap na ulat ng Karapatan, si Saber ay galing sa kanyang trabaho mula sa Pasay City, bumaba sa Recto Station at habang papatawid para sumakay ng dyip ay tinamaan ng bala mula sa likod. Naiulat na nadala siya sa Jose Reyes Memorial Hospital matapos nito ngunit namatay rin noong Setyembre 24.

Kabilang sa mga nanawagan ng hustisya ang militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga unyon sa ilalim nito, at ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR). Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang KMU sa mga kaanak at kaibigan ni Saber. “Kasama ninyo kami sa pagtitiyak na maihahatid ang hustisya sa kanya,” anang grupo.

“Isa lamang siya sa mga manggagawang biktima ng karahasan noong Setyembre 21. Ipinapakita nito ang hayagang pag-atake ng estado sa mga manggagawa, maralita, at mamamayan. Hindi sasapat ang pagluluksa, panagutin natin ang may sala!” ayon sa CTUHR.

Nakiisa rin sa panawagang hustisya para kay Saber ang Kabataan Party-list (KPL) Bicol. Si Saber ay mula sa Paracale, Camarines Norte na lumuwas ng Maynila para maghanapbuhay.

Binatikos ng KPL Bicol ang mga pahayag ng mga lokal at pambansang upisyal ng gubyerno na walang namatay at walang brutalidad na nangyari sa Mendiola noong Setyembre 21. “Isang insulto hindi lamang sa alaala nina Eric at iba pang biktima, kundi sa mismong sambayanan na nakakita ng katotohanan gamit ang kanilang sariling mga mata at kamera,” ayon sa grupo.

Nanawagan din ang grupo midya at mga lokal na gubyerno ng Bicol na tulungan ang pamilya ni Saber na makamtan ang hustisya.

Source link