Magprotesta para isakdal si Marcos! Magrebolusyon para wakasan ang sistema ng korapsyon!

Patuloy ang pagdaluyong ng mga protesta sa buong bansa laban sa sistema ng korapsyon ng estado. Ipinakikita nito ang nag-uumapaw na galit ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino laban sa dambuhalang burukrata-kapitalistang pandarambong na umaabot sa trilyun-trilyong piso, na pinayabong ng rehimeng Marcos.

Itinaon ang nakatakdang mga protestang masa sa Setyembre 21 sa paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, na sinundan ng 14 na taon ng pasistang panunupil at malawakang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. Magsisilbi itong pagkakataon para isakdal si Marcos Jr, sa pakikinabang niya sa kayamanang kinamal noong diktadura ng kanyang ama, at sa pagpapatuloy ng parehong mapaniil at mapagsamantalang sistema.

Sa desperasyong tabingan ang sarili sa galit ng bayan, naglunsad ang Malacañang ng kampanyang pampapogi para baligtarin ang matagal nang reputasyon ng mga Marcos na pasimuno ng katiwalian. Itinuon nito ang pansin ng publiko sa piling maaanomalyang proyektong flood control na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso, ngunit para lamang ipitin ang mga katunggaling pulitiko, mga kasabwat nila sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at tau-tauhan nilang kontratista. Ginagawa ito bilang pagparusa sa mga kumubra ng kikbak na hindi nagsesentro kay Marcos. Upang iligtas ang sarili sa kasiraan at pakalmahin ang mamamayan, inilaglag ni Marcos ang ilang kaalyado niyang pulitiko.

Para ipawalang-sala ang sarili, binuo ni Marcos ang isang “independyenteng komisyon” na diumano’y mag-iimbestiga sa maaanomalyang proyektong flood control. Batid ng sambayanang Pilipino na wala itong katuturan. Taktika rin ito ng kanyang ama nang bumuo ng “independyenteng” Agrava Commission upang imbestigahan ang pagpaslang kay Aquino noong 1983, para pagtakpan ang malinaw na katotohanan na mismong ang diktador ang utak sa pagpatay. Layunin lamang ng imbestigasyong ito na ipinag-utos ni Marcos Jr na lituhin ang mamamayan at ilayo sa kanya ang atensyon, na tunay na utak ng korapsyon.

Tunay na si Marcos ang utak ng korapsyon sa likod ng maaanomalyang proyekto sa flood control, na binuhusan niya ng mahigit ₱1 trilyon mula nang maupo sa poder noong 2022. Tulad ng lahat ng pulitiko, tumatanggap si Marcos ng “donasyon sa kampanya” mula sa malalaking burgesyang kumprador, pati na rin mula sa mga sindikato sa korapsyong imbwelto sa mga kontrata sa gubyerno. Gaya ng lahat ng kanyang sinundan, si Marcos ay kumakamal ng bilyun-bilyong piso mula sa kikbak sa multibilyong mga kontrata ng gobyerno, kabilang ang mga kalsada, tulay, riles, at iba pang malalaking proyekto sa konstruksyon, pati na rin sa ismagling, kontrata sa depensa, kontrata sa pagpapa-upa ng lupa, at sangkatutak na paraan ng pagkulimbat sa salapi ng bayan.

Nagpapakasarap-buhay, nagtatampisaw sa pribilehiyo at karangyaan, ang pinunong burukrata-kapitalistang si Marcos. Bantog siya sa pagdaraos ng eksklusibong mga konsyerto at marangyang salu-salo, tulad noong kaarawan niya kamakailan, kahit sa gitna ng malawakang pagbatikos ng bayan sa korapsyon. Matindi siyang binatikos sa paglipad papuntang Singapore para lang manood ng karera ng mga kotse. Ginamit niya at ng kanyang asawa ang pondo ng bayan para gawing personal na bakasyunan Malacañang, para sa kapritso ng kanilang pamilya.

Garapalang sinungaling si Marcos nang umastang nagsisimpatiya sa mamamayang sukang-suka na sa korapsyon, at nang sabihing kung hindi siya presidente ay sasali rin siya sa mga protesta. Akala niya’y nalimutan na ng mamamayan paano siyang nakatayo sa tabi ng kanyang ama nang utusan ng diktador ang militar na buwagin ang mga demonstrasyon sa EDSA noong 1986. Bilang presidente, tinitiyak ni Marcos Jr ang kanyang pribilehiyo at pinananatili ang sistema na mahigpit na tangan ang mapaniil na kapangyarihan ng pasistang estado para supilin ang lahat ng anyo ng paglaban ng mamamayan.

Buhay ang pamana ng 14-taong pasistang diktadura ng kanyang ama sa pamumuno ni Marcos Jr. Ang mga organisador at kasapi ng mga unyon ng manggagawa, mga samahan sa komunidad, mga organisasyon ng estudyante, pati na rin ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, ay minamanmanan, niligalig at target ng marahas na pag-atake ng mga ahente ng estado. Daang-daan pa ring bilanggong pulitikal ang nakakulong. Inatasan din niya ang mga pwersang militar na ipataw ang batas militar sa libu-libong barangay sa kanayunan upang supilin ang pagtatanggol ng mamamayan sa kanilang lupa at kabuhayan laban sa pagpasok o pagpapalawak ng mga plantasyon at operasyong mina. Laganap ang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Si Marcos, pinuno ng burukrata-kapitalistang estado, ang hari ng korapsyong nanunukat ng katapatan ng kanyang mga tagasunod. Siya ang pinunong pasistang may kamay na bakal at gumagamit ng kapangyarihan ng estado upang durugin ang lahat ng tumututol at lumalaban. Siya ang pinunong Tuta ng Kano at utusang nagsisilbi sa estratehikong mga interes ng imperyalistang US sa ekonomiya, pinansya, at militar.

Biktima ang mga Pilipino ng malawak at nasa sistemang korapsyon at pasismo. Nagdurusa sila sa nabubulok na serbisyong panlipunan, pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, mababang sahod, laganap na kawalan ng trabaho, kawalan ng kabuhayan, at pangkalahatang paglubha ng kalagayang sosyo-ekonomiko.

Bilang mga biktimang naghahangad ng katarungan, ang sambayanang Pilipino ay nagtitipon at nagbabangon sa mga protesta sa lansangan upang isakdal si Marcos at panagutin ang krimen ng mga tiwali. Kailangang patatagin ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa, itatag ang kanilang mga organisasyon, at palawakin at patindihin ang kanilang mga protesta sa darating na mga buwan. Para magawa ito, dapat nilang ilantad at itakwil ang mga pwersang pampulitikang kasabwat ng Malacañang sa pakanang ilihis ang galit ng bayan mula kay Marcos. Ang mga pagtatangka ni Marcos na pakalmahin ang mamamayan sa pamamagitan ng mga mapagpanggap ngunit hungkag na palabas na pagharap sa malawakang korapsyon ay lalo lamang gumagatong sa mga panawagan para sa kanyang pagbibitiw o pagpapatalsik at isang ganap na pagyanig sa bulok na burukrasya.

Habang ibayong pinalalawak, ang mga protesta laban kay Marcos at sa malawakang korapsyon sa ilalim ng kanyang paghahari, ay dapat itaas at iugnay ng sambayanang Pilipino sa pangkalahatang pakikibaka para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang sistemang ito ay nasa ilalim ng maka-uring pamumuno ng malalaking burgesyang kumprador, mga burukratang kapitalista, at malalaking panginoong maylupa.

Ang mga uring ito sa Pilipinas ay iniluwal ng imperyalismong US at kumukontrol sa neokolonyal na estado. Lahat sila’y nananagot, sunud-sunuran at nakikipagsabwatan sa imperyalismong US sa pagdambong sa yaman ng bansa at sa pasistang panunupil sa malawak na masa ng sambayanan. Sa partikular, gamit ng mga burukratang kapitalista ang kapangyarihan ng estado para nakawin ang pera ng bayan at magpayaman sa lahat ng anyo ng korapsyon.

Sa huling pagtutuos, ang pakikibaka laban sa korapsyon at lahat ng anyo ng pang-aapi sa sambayanang Pilipino ay higit pa sa pagtatanggal kay Marcos o kahit sa pagpapatalsik sa buong pamahalaan. Ang ugat ng sistema ng korapsyon ay maaari lamang mabunot sa pamamagitan ng paglulunsad ng pambansang demokratikong rebolusyon para ibagsak ang buong uring burukratang kapitalista, malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, at ang kanilang pasistang makinaryang suportado ng US, upang palitan ito ng isang gubyerno ng tunay na demokrasyang bayan.

Hinihimok ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mamamayang Pilipino na ibayong palakasin ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon, palawakin ang hanay ng National Democratic Front, at suportahan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Ang korap at mapaniil na sistemang ipinagtatanggol ng mga armas na sinusuplay ng US at armadong pwersang sunud-sunuran sa imperyalista, ay maaari at tiyak na magugupo ng bayang nagsasandata para sa pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan.

Source link