Mga estudyante ng UP Baguio, itinakwil ang ROTC

Sa nakalipas na mga taon, naging kapansin-pansin ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga estudyante sa University of the Philippines (UP)-Baguio na nagpapalista sa programang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Sa akademikong taon ng 2024-2025, naiulat na wala o zero na ang nagpakita ng interes sa programang ito.

Ayon sa Anakbayan UP Baguio, ang tuluyang pagtakwil ng mga estudyante sa ROTC ay bunga ng taunang kampanya ng kilusang kabataang estudyante laban sa pasistang programa. Ang ROTC ay isa sa tatlong kurso na maaaring kunin sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP) sa mga unibersidad sa bansa.

Paliwanag ng grupo, mariin ang kanilang pagtutol sa ROTC dahil sa malagim nitong kasaysayan na balot ng karahasan at paglabag sa karapatang-tao ng mga mag-aaral. Dagdag nito, ginagamit din ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang ROTC para magbuo ng Student Intelligence Network sa mga unibersidad na magmamanman sa mga progresibo at aktibista.

Dagdag dito, ginagamit ng militar at pulis ang ROTC para malayang makapaglabas-masok sa mga unibersidad ang mga armadong pwersa ng estado na labag sa akademikong kalayaan. Kinakasangkapan din ng mga ito ang programa para isagawa ang mapaniil na kampanyang Red-tagging laban sa mga aktibista at mga estudyante.

“Hinahamon namin ang kasalukuyang adminstrasyon ng UP Baguio, na sa halip na ilaan ang pondo ng pamantasan sa mga kasuklam-suklam na instrumento ng pamamasista ng estado kagaya ng ROTC, ay ilaan ang badyet para sa tunay na mapapakinabangan ng kalakhan ng komunidad ng pamantasan tulad ng pagtatag ng isang human rights education program,” panawagan ng grupo sa administrasyon ng UP Baguio.

Hinimok nito ang mga kapwa estudyante na huwag nang tangkilikin pa ang programa sa darating na mga semestre at taon. Muli ring nanawagan ang Anakbayan UP Baguio na tuluyan nang buwagin ang programang ROTC sa kolehiyo.

Source link