Noong nakaraang taon, ipinagmalaki ni Marcos na mahigit 5,500 proyektong flood control ang tinapos ng kanyang gubyerno bilang kalutasan sa malawakang pagbaha. Subalit sa kahihiyan matapos ilambeses na namang naulit ang malalalang pagbaha, naghugas-kamay si Marcos at nagsambit na “mahiya naman kayo” habang nakaturo sa mga kontraktor ng mga bilyun-bilyong pisong proyektong ito at kasabwat nilang pulitiko.
Nagmamalinis si Marcos, gayong siya mismo ang naghanda at nakapirma sa badyet na naglaan ng palaki nang palaking pondo para sa mga palabigasang proyektong flood control. Halos kalahating trilyong piso ang kanyang inilaan sa maaanomalyang proyektong ito sa nagdaang dalawang taon, 60.7% na mas malaki kaysa noong 2022-2023.Tulad ni Marcos, naghuhugas-kamay ang magkakasabwat at magkakaribal na pulitiko. Lahat sila’y nagtuturuan. Tuwiran man o hindi, dawit sa mga anomalya ang mga senador at kongresista, mga upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management, maging ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno at ang Malacañang mismo.
Sa mga nagdaang linggo, tumambad ang malalalang anomalya sa mga proyektong ito na marami ay hindi tapos, mababa ang kalidad o hindi man lamang sinimulan kahit nailabas na ang pondo. Nabunyag ang bilyun-bilyong pisong kinukulimbat ng magkakasabwat na burukrata-kapitalista at mga kontraktor.
Muling nalagay sa atensyon ng taumbayan kung papaano silang kumakamal ng bilyun-bilyong piso mula sa mga pampublikong proyekto, sa anyo ng suhol, lagay o komisyon. Usap-usapan na hanggang 60% ng halaga ng isang proyekto ay ibinubulsa ng upisyal ng reaksyunaryong gubyerno sa iba’t ibang antas. Kalakaran din na nagsimula noon pang panahon ng diktadurang Marcos, na hanggang 10% sa mga proyektong ito ay iniaakyat hanggang sa tuktok ng Malacañang, kapalit ng pabor at proteksyon ng gubyerno.
Ang paglista ni Marcos ng pinakamalaking kontraktor sa Pilipinas ay katulad ng drug list na ipinangangalandakan noon ni Duterte, hindi para tugisin ang mga drug lord sa likod ng bentahan ng iligal na droga, kundi para paluhurin sila sa kanyang kapangyarihan at bayaran ang kanyang proteksyon. Ang pagpuntirya ngayon ni Marcos sa ilang kontraktor, mga pulitiko at tiwaling upisyal ay pakitang-taong paglilinis ng gubyerno, na ang totoong layunin ay payukuin ang mga ito at mas mahigpit na kontrolin at monopolyohin ang kurakot sa estado.
Dapat natin unawain na marami sa mga proyektong flood control, na ang pinakamalalaki ay kinabibilangan ng pagtatayo ng sementadong pader sa pampang ng mga ilog (tinatawag na embanking), ay hindi solusyon, kundi sanhi pa nga ng mas malalalang pagbaha. Sa halip na lutasin ang mga dahilan ng pagbabaw ng mga ilog (pagbabanlik dahil sa pagtotroso, pagmimina, pagkukwari at iba pang operasyong mapangwasak sa mga bundok), inililipat lamang ng mga proyektong ito ang pagbaha sa mas mabababang lugar, at ginagawa pang mas malakas at mapangwasak ang pagragasa ng tubig.
Ang totoo, walang kinalaman sa paglutas sa mga pagbaha ang malalaking proyektong flood control na ito. Ito lamang ang pinakabagong “paborito” sa mga proyektong pang-imprastruktura na pinagkakakitaan ng mga burukrata-kapitalista at tau-tauhang kontraktor. Nagsimulang dumami ang mga ito sa panahon ni Duterte (halos 14,000). Bago ang mga proyektong flood control, “paborito” nilang proyekto ang mga haywey, flyover, tulay, paliparan, mga daungan at tawiran. Dito winawaldas ang pondo ng bayan sa halip na ipinupuhunan sa produktibong mga sektor ng agrikultura at manupaktura.
Ang papalaking pondong nilulustay sa hindi produktibong mga proyektong pang-imprastruktura ay bahagi ng itinutulak na prayoridad ng mga imperyalistang ahensya sa pinansya, katulad ng International Monetary Fund, World Bank, Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at iba pa. Sa ilalim ni Marcos, lalong lumobo ang pondo para sa imprastruktura, mula ₱2.5 trilyon noong 2022-2023 tungong ₱3.07 trilyon noong 2024-2025, na malaking bahagi ay para tumbasan ang dayuhang pautang. Si Marcos at ang mga burukrata-kapitalista ang nagsisilbing ahente ng mga dayuhang imperyalistang bangkong ito.
Hayok sa mga “proyektong pang-imprastruktura” ang mga burukratang kapitalista dahil sa bilis na makapagkamal ng malaking yaman mula sa mga ito. Sugapa rin sa mga ito ang mga pasistang upisyal ng militar at ng NTF-Elcac. Malaking bahagi ng pondo ng bayan ang nakalaan sa pagtatayo ng mga kampo militar at mga “pagpapaganda” sa mga ito, pati na ang bilyun-bilyong pisong maaanomalya at walang saysay na proyekto sa ilalim ng tinaguriang “Barangay Development Program.”
Ang korapsyon o pandarambong sa pondo ng bayan ay saligang aspeto ng burukratang kapitalismo. Nagkakamal ng dambuhalang yaman ang mga burukrata-kapitalista at kanilang mga kasabwat gamit ang kapangyarihan ng estado. Kasabwat nila ang malalaking burgesyang komprador at panginoong maylupa na mga dinastiya sa pulitika, at gamit ang mga armadong pwersa ng estado para supilin ang paglaban ng mamamayan.
Taumbayan ang pumapasan sa korapsyon ng mga burukrata-kapitalista, mga alipures at kasabwat sa mga anomalya sa gubyerno. Habang lumulutang sila sa yaman, nalulunod naman ang sambayanan sa baha ng hirap at gutom. Habang mahimbing sila sa kanilang mga mansyon at kumportable sa magagarang sasakyan, milyun-milyong maralita ang nabubuhay sa pangambang anurin ng rumaragasang baha tuwing umuulan.
Malalim, matindi at makatwiran ang galit ng taumbayan. Pinakamatindi ang kanilang pagkasuklam kay Marcos mismo na numero unong mandarambong sa pondo ng bayan. Ang mga pagtitipon, pagpapahayag at kilos-protesta sa nagdaang mga araw ay sumasalamin sa poot na umaapaw sa kanilang dibdib laban kay Marcos at burukratang kapitalismo.
Sigaw nilang papanagutin si Marcos at mga alipures at kasabwat sa pagpapayaman sa poder. Batid na walang mangyayari sa mga imbestigasyon ng kongreso man o Malacañang, tama lamang na paramihin at palawakin nila ang kanilang mga protesta sa lansangan upang maipamalas sa iba’t ibang paraan ang galit ng malawak na masa ng sambayanan.
Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang sambayanan para labanan at wakasan ang mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal, at ang maka-uring paghahari ng mga burukrata-kapitalista, malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Ang hangarin ng taumbayan para sa katarungang panlipunan, tunay na demokrasya, at kalayaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.











