Mga manggagawang Pilipino, nakiisa sa mga protesta sa Indonesia

Nakiisa ang mga manggagawa sa Kilusang Mayo Uno sa protesta ng mamamayang Indonesian laban sa korapsyon sa parlamento, kasakiman ng mga korporasyon at karahasan ng estado. Sumiklab ang mga protesta sa bansa nitong Agosto matapos mabunyag na tumatanggap ang mga myembro sa parlamento ng bansa ng alawans na 20 na beses na mas malaki sa abereyds sahod ng manggagawang Indonesian. Liban pa ito sa nagtataasan na nilang mga sweldo.

Lalong umigting ang galit ng mamamayan nang sagasaan ng pulis noong Agosto 28 ang isang manggagawa na noo’y bumibyahe malapit sa lugar ng mga protesta. Agad na namatay si Affan Kurniawan, 21, isang delivery rider ng Gojek, nang araruhin siya ng sasakyan ng pulis malapit sa compound ng parlamento ng Indonesia. Bilang tugon, sinilaban ng mga raliyista ang 5-palapag na gusali malapit sa hedkwarters ng pulis sa Jakarta, kabisera ng bansa.

Ayon sa KMU, ang dinaranas ng mga manggagawa sa Indonesia ay pareho sa kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino. “Gaya sa Indonesia, nagtatampisaw din ang ating mga upisyal sa nakaw na yaman mula sa ating arawang pagpapagod. Ginagamit din nila ang pwersa ng kapulisan at kasundaluhan laban sa mamamayang naggigiit ng karapatan,” anito.

IIsa ang kalaban ng mamamayang Indonesian at Pilipino, anito. “Sa Maynila man o Jakarta, iisa ang kalaban: ang mga mapagsamantalang kapitalistang pumipiga ng dambuhalang tubo mula sa mga manggagawa, at ang mga pasistang tagapagtanggol nila.” Panawagan din nila ang hustisya para sa nasawing si Kurniaw.an.

Source link