Bitbit ang malaking bandila ng Palestine, nagmartsa noong Agosto 28 ang mga estudyante, kasama ang iba-ibang grupong progresibo, sa loob ng University of the Philippines-Diliman sa Quezon City bilang pakikiisa sa mamamayang Palestino at para kundenahin ang pinakahuling mga atake sa brutal na henosidyo ng Israel sa Gaza.
Bago ang martsa, nagsagawa ng porum ang mga grupo sa awditoryum ng College of Media and Communication ng UP kung saan tinalakay ng mga mamamahayag, estudyante, Moro, manggagawang pangkalusugan at iba pang akademiko ang agresyon at okupasyon ng Zionistang Israel sa Palestine. Nanawagan sila sa gubyerno ng Pilipinas na itigil ang pakikipagsabwatan (complicity) nito sa henosidyo.
“Deka-dekada nang iniinda ng mamamayang Palestino ang sistemikong pang-aapi, brutal na okupasyon at walang awat na paglabag sa internasyunal na makataong batas-laluna sa ilalim ng pamumuno ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu. Sa kabla nito, nagpapatuloy at umiigting ang palabang diwa ng mga Palestino,” pahayag ni Amirah Lidasan, pangkalahatang kalihim ng Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA).
Aniya, malawak ang suporta para sa mamamayang Palestino sa Pilipinas, laluna sa Mindanao kung saan inilunsad kamakailan ang serye ng mga pangkilos sa Marawi City. Nakatakda ring lumahok ang mga aktibistang Moro sas Sumud Nusantara, bahagi ng Global Sumud Flotilla, isang paglalayag ng ilampung katamtamang-laki at maliliit na barko para maghatid ng makataong ayuda sa Gaza at lumikha ng humanitarian sea corridor.
Pinansin ni Lidasan ang kamakailang pahayag ng gubyerno ng Pilipinas na kunway nakikipagkaisa sa Palestine. “Kung totoong nakikiisa ito sa Palestine, dapat managot ito sa pinasok nitong mga kasunduang militar sa Israel, at itigil ang paggamit dito sa mga komunidad ng mamamayang Moro at katutubo ng Pilipinas,” aniya.
Kabilang sa binili ng Pilipinas sa Israel ay mga drone at barko na gawa ng Elbit Systems, isang kumpanyang kumamkam ng dambuhalang tubo sa henosidyo sa Gaza at sarbeylans sa West Bank. Liban dito, itinutulak din ng rehimen ni Marcos ang pagkakaroon ng isang kasunduan sa kalakaran sa pagitan ng Pilipinas at Israel pagsapit ng 2028.
“Paano nakapagsasalita si Marcos sa United Nations ng pakikiisa habang malugod na sinasalubong ang mga arkitekto mismo ng henosidyo sa Quezon City mismo?,” tanong ni Dr. Delen de la Paz, presidente ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA).
Ayon sa PPFA, makikita rin ang complicity na ito sa ibang paraan. Kamakailan, nabunyag ang pagdami ng mga turistang Israeli sa Siargao, karamihan myembro ng Israel Defense Forces, na abusado sa mag lokal na residente.
Samantala, kinundena ni Jonathan de Santos ng National Union of Journalists of the Philippines ang pagbabalita ng Kanluraning midya sa henosidyo, kung saan paborableng inilalarawan ang Israel sa kabila ng isinasagawa nitong agresyon.
Pinakahuli sa karumal-dumal na krimen ng Israel ang magkakasunod na airstrike sa Nasser Hospital sa Khan Younis noong Agosto 25. Nasawi sa pambobomba ang hindi bababa sa 22 katao, kabilang ang limang mamamahayag, mga manggagawang pangkalusugan, at iba pang sibilyan. Inihulog ang unang bomba sa itaas na palapag ng ospital nang alas-10 ng umaga. Ilang minuto ang lumipas ay muling binomba ang ospital para patamaan ang sumaklolong mga rescuer at dagdag na mga mamamahayag. Tinawag ang mga pambobomba bilang “double-tap” strike. Dalawa pang bomba ang inihulog pagkatapos nito.











