Pelikula tungkol sa mga desaparesidos sa Pilipinas, umani ng parangal

Dalawang parangal ang tinanggap ng pelikula-dokumentaryong “Alipato at Muog” sa isinagawang ika-73 pagpaparangal ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) na kinikilala bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong gawad sa industriya ng pelikula sa Pilipinas noong Agosto 22 sa Maynila. Ang pelikula ay tungkol sa paghahanap ng kasagutan sa sapilitang pagkawala ni Jonas Burgos, kapatid ng aktibista at direktor ng dokumentaryo na si Jose Luis o JL Burgos.

Itinanghal ang dokumentaryo bilang Best Picture, at ginawaran ng Best Director si Burgos. Kahanay ni Burgos at ng pelikula sa mga nakatanggap ng iba’t ibang parangal ang mga kilalang personahe at artista tulad nina Marian Rivera, Vice Ganda, Nadine Lustre at iba pa.

“Ang pagkilala sa Alipato at Muog ay hindi lamang pagkilala sa creative process ng paglikha ng pelikula. Kaya nais naming magpasalamat sa FAMAS, dahil ang pagkilala ng FAMAS sa Alipato at Muog ay pagkilala sa kwento ng katotohanan at katarungan,” pahayag ng direktor.

Kasama ni Burgos sa pagtanggap ng parangal ang ina niyang si Editha Burgos at ang larawan ng dinesaparesido na si Jonas. Higit 18 taon na mula nang dinukot at dinesaparesido ng mga pwersa ng estado si Jonas.

Sapilitang iniwala ang organisador at aktibistang si Jonas sa Quezon City noong Abril 28, 2007. Ang pagdukot kay Burgos ay isa sa mga tampok na kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng pasistang rehimeng Arroyo. Halos dalawang dekada na ang nakalipas, ngunit walang kasagutan at napapanagot sa pagkawala ni Jonas.

Ibinahagi ni JL ang parangal na natanggap ng pelikula sa mga kapwa niya aktibista at nakikibaka para sa karapatang-tao. “Sa lahat ng kasama namin sa kalsada na lumalaban para sa tunay na kalayaan at katarungan, para sa inyo ito,” aniya.

Pinuri ng grupong Desaparecidos at Karapatan ang mga parangal na nakuha ni Burgos at kanyang pelikula. “Maraming salamat sa pagbibigay-boses sa mga biktima at kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, sa pagpapakita sa mas marami ng ating walang kapagurang paghahanap sa mga desaparecidos at sa nawawalang katarungan,” anang dalawang grupo.

Bago natanggap ang mga parangal, dumanas ng panggigipit si Burgos at ang kanyang pelikula mula sa mga pwersa at ahensya ng estado. Noong nakaraang taon, nakatanggap ng “X Rating” ang dokumentaryo mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na nagbawal na maipalabas ito sa publiko at komersyal na mga sinehan.

Liban dito, tahasang siniraan ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council (NSC), ang pelikula. Imbwelto sa pagdukot kay Jonas ang kasalukuyang pinuno ng NSC na si Eduardo Año.

Binati rin ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) ang natanggap na mga parangal ng “Alipato at Muog.” Ayon kay Bibeth Orteza, tagapangulo ng CAP, ang mga parangal mula sa FAMAS ay nagpapatunay ng kahusayan ng dokumentaryo at pagtindig nito para sa malayang pagpapahayag, paggawa ng mga pelikulang dokumentaryo, at para sa mga pamilyang pinipiling huwag makalimot.

“Sa paghahanap sa isang kapatid na desaparesido, napagtanto mong hindi ka nag-iisa. Kaya nga, Alipato at Muog. Alipato, isang pag-aalab na nagkanlong sa Muog ng pakikipag-isa sa marami pang mga basta na lamang nawalan ng mga mahal sa buhay, na dinukot nang walang kalaban-laban. Pagkilala at pagbubunyi para sa iyo, JL Burgos,” pahayag ni Orteza.

Ang pelikula ay nagsisimbolo ngayon ng patuloy na pakikibaka at paglaban ng mga kaanak, kaibigan at kasama ng mga desaparesido. Sa tala ng Karapatan, mayroong hindi bababa sa 15 desaparesido sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Samantala, naitala ng Ang Bayan ang 250 biktima ng taktika ng pagdukot ng militar at pulis sa panahon ni Marcos kung saan ang ibang inililitaw ay mga bangkay na pinalabas na napatay sa mga armadong engkwentro, o nakakulong sa patung-patong na mga kasong kriminal.

Source link