Aktibong nagdepensa ang yunit ng Domingo Erlano Command laban sa atake ng 91st IB, Agosto 21, ganap na 2:25 ng hapon sa Sityo Aguses, Barangay Matawe, Dingalan, Aurora. Isa ang tiyak na sugatan sa panig ng 91st IB habang bigo ang 91st IB na pinsalaan at durugin ang DEC-NPA-Aurora.
Sa tatlong buwan nang operasyon ng 91st IB, nagbuhos ito ng limpak-limpak na pera at daan-daang tropa na desperadong hagilapin ang yunit ng DEC sa Dingalan. Nais ng mersenaryong tropa na patotohanan ang pinakakalat ng rehimeng US-Marcos na kasinungalingang “wala nang mga yunit gerilya”, subalit ngayong nagkalabanan na ay lalong pinatunayang huwad na deklarasyon lamang ito ni Marcos.
Mula Mayo, samu’t saring mga paglabag sa karapatang-tao at Geneva Conventions ang isinagawa ng 91st IB sa mamamayan ng Dingalan tulad ng pagnanakaw sa gamit at konsumo ng masa, pagbase sa bahayan at eskwelahan, pagpapauwi sa mga mangingisda nang hubo’t hubad. Pagpapatuloy ito ng inihasik nitong takot at kabulukan habang naglulunsad ng Balikatan Exercises noong Abril tulad ng prostitusyon sa kababaihang Dingaleño at panglalason sa mga sapa na ikinapahamak ng dalawang batang paslit.
Lahat ng ito ay bahagi ng huwad na National Action Plan for Unity, Peace and Development ng rehimeng US-Marcos II na pasismong nagbibihis bilang programang pangkapayapaan. Todo-todo ang agresyon ng 91st IB at buong AFP upang tangkaing patunayan ang huwad na deklarasyon ni Marcos Jr at magmukhang matagumpay ang kanilang kontra-insurhensya, para sa mas pangmatagalang layunin ng papet na rehimen sa Dingalan: ang itayo ang Pacific Coast City na siyang lalong magbubuyangyang sa kalupaan at karagatan ng Pilipinas para sa imperyalismong US at mga kaalyado nito, kaalinsabay ng pagbubukas sa Dingalan bilang isa sa mga lugar na paglulunsaran ng mga ehersisyong militar kasama ang imperyalistang tropa.
Ang naganap na labanan ay patunay na bigo ang AFP at ang rehimeng US-Marcos II. Bigo ito matapos ang ilang bugso na nilang operasyon at bigo ang deklarasyon nitong “wala nang mga yunit gerilya”. Kasama ang mamamayang Dingaleño, patuloy na magpupunyagi ang DEC sa pagsusulong ng digmang bayan para ipaglaban ang interes ng masa sa lupa, kabuhayan, panirahan at mga karapatang-tao, at hanggang sa ganap na pagpapabagsak sa mga pasistang naghaharing uring nang-aapi sa sambayanan.










