Mariing kinukundena ng NDFP-Palawan ang panibago na namang aktibidad militar sa West Philippine Sea (WPS) na Exercise Amphibious and Land Operations (Alon) 2025 sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Australian Defense Forces (ADF) na inilunsad sa headquarters ng Western Command sa Puerto Princesa City nitong Agosto 15. Bilang pinakamalaking magkatambal na ehersisyong militar na isinasagawa ng dalawang bansa, naglalayon itong patindihin ang tensyon sa WPS sa pamamagitan ng pagpaparada ng pwersa at lakas ng magkakaalyadong bansang Australia, Pilipinas, US at Canada laban sa China sa rehiyong Indo-Pasipiko.
Kalahok sa Exercise Alon 25 ang mahigit 3,600 personel, kabilang ang 1,600 mula sa ADF, 1,525 mula sa AFP, 180 mula sa Royal Canadian Navy, at 350 mula sa US Marine Corps; habang tatayong observer ang mga pwersa mula sa United States Armed Forces, Canadian Armed Forces, Japan Self-Defense Force, Republic of Korea Armed Forces, at Indonesian National Armed Forces. Gagamitin sa ehersisyo ang iba’t ibang sasakyang pandigma at kagamitang militar mula sa mga kalahok na bansa.
Idineploy naman ng AFP ang mga yunit sa ilalim ng 7th Infantry Division, Armored Division, brigada at mga batalyon ng Marines, at iba pa. Susuperbisahan ang pagsasanay ng Joint Task Force 661 ng Australia sa Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, pinagsanib na sentrong binubuo ng Western Command at headquarters ng Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa nilulutong gera ng US sa Indo-Pasipiko, hinahatak nito ang mga “alyadong” bansa sa rehiyon para maglunsad at lumahok sa mga tambalang pagsasanay militar at magpakitang-gilas. Ang Australia ay bahagi ng AUKUS, isang trilateral na kasunduan ng pakikipagpartner sa depensa at seguridad militar kasama ang imperyalismong US at UK na binuo noong 2021 at bahagi ng Indo-Pacific Strategy ng US laban sa China. Binigyang-daan din ng umiiral na Enhanced Defense Cooperation Program (EDCP) na binuo noong 2019 sa pagitan ng Pilipinas at Australia ang paglulunsad ng Exercise Alon.
Walang ibang hatid kundi perwisyo at pinaigting na militarisasyon sa probinsya at sa mamamayang Palaweño ang dalawang linggong Exercise Alon 25 na tatagal hanggang Agosto 29. Muli na namang liligaligin ng mga amphibious landing operations, maniobrang pandagat, isang mass airlift ng Australian Army battle group, at live-fire exercises ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Presensyang militar pa lang nila, nakasisindak na para sa mga residente, lalong higit ang nakatutulig na mga putok ng baril at ng iba pang armas pandigma na gagamitin sa pagsasanay. Asahan na rin ang abala sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na napakabigat na dagok sa panahong taghirap sa kabuhayan ang kalakhang mamamayan tuwing buwan ng Agosto. Ilulunsad sa San Vicente, Palawan ang combined and joint forcible entry operations at isang maritime strike activity; habang sa Fort Magsaysay sa Palayan, Nueva Ecija naman isasagawa ang combined arms live fire exercise.
Dapat mariing tutulan ng mamamayang Palaweño ang pagkasangkapan ng rehimeng Marcos II sa imperyalistang pakana ng US at mga kaalyado nito tulad ng Australia. Ipanawagan ang pagpapatigil ng mga ehersisyong militar kasama ang mga dayuhang imperyalistang bansa, at pagwawakas sa mga di-pantay na kasunduan militar at patakarang panlabas na nagpapahintulot sa paninikluhod ng rehimen sa kanila. Ang madalas na pagiging lunsaran ng Pilipinas ng mga pagsasanay militar kasama ang mga dayuhang bansa ay malinaw na pagkaladkad ng US at mga alyadong bansa nito tulad ng Australia sa Pilipinas sa teatro ng digma laban sa China. Kasabay nito, dapat nilang malakas na tuligsain ang paulit-ulit na pahayag at malilinaw na mga komitment ni Marcos Jr. sa pagiging kasangkapan ng US sa gera sakaling sumiklab ito. Magdudulot ito ng malubhang panganib sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Palaweño at Pilipino bilang pambala sa kanyon sa nilulutong imperyalistang gera sa rehiyong Indo-Pacific.
Dapat ipanawagan ng mamamayang Palaweño ang pagwawakas sa imperyalistang pang-uupat ng gera. Sa kasalukuyan, ibayong tumitindi at umiinit ang sitwasyong heopulitikal at militar sa rehiyong Indo-Pasipiko, partikular sa WPS dahil sa malaon nang panggagatong ng US at pag-ikli ng pisi ng China sa mga pang-uudyok na ito ng US kasabwat ang papet na gubyerno ng Pilipinas at iba pang bansa sa first island chain sa Asia-Pacific. Salaminan ng eskalasyon ng tensyon na nagiging antagonistiko na ang mga komprontasyon sa WPS sa pagitan ng mga pwersang militar at nabal ng China at ng Pilipinas sa sulsol ng US, tulad ng pinakahuling naganap na habulan sa Bajo de Masinloc ilang araw ang nakalipas.
Kasabay ng pagtitimon at paghahakot ng US ng mga imperyalistang bansa at “makakaalyadong” pwersang magagamit para palakasin ang hegemonya nito sa Indo-Pasipiko at buong mundo laban sa imperyalistang karibal na China, dapat ding makipag-ugnayan at magbuo ang sambayanang Pilipino ng pakikipagkaisang anti-imperyalista sa mamamayan ng Asia at buong mundo. Walang ibang ganap na makagagapi sa imperyalismo kundi ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon na pinamumunuan ng uring proletaryado at pagtatagumpay ng mga digma para sa pambansang pagpapalaya ng mga kolonya at malakolonyang bansa.
Magsisilbing ambag dito ng mamamayang Palaweño ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa probinsya at pagkakamit ng tagumpay ng digmang bayan sa buong bansa. Sa pamamagitan nito lamang makakamit ang tunay na kalayaan at pambansang soberanya, malalabanan ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos II, mawawakasan ang kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas at mapahihina ang dominasyon nito sa rehiyong Indo-Pasipiko at buong mundo.











