Pinagbabayad ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) and Department of Public Works and Highways (DPWH) ng ₱50,000 dahil sa konstruksyon nito sa Cogon-Cota na Daco-Balud Del Norte Sur Coastal Road nang walang Environmental Compliance Certificate (ECC).
Ayon sa grupong Save Gubat Bay Movement (SGBM), ang tagumpay na ito ay dulot ng tuluy-tuloy na kampanya ng samahan ng mangingisda, residente at alyado.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang konstruksyon ng proyekto. Ang proyekto ay sisira sa kabuhayan at likas na yaman sa baybayin dagat ng hindi bababa sa 13 barangay sa bayan ng Gubat.
Katuwang ang mga progresibong partido sa ilalim ng blokeng Makabayan, nananawagan ang SGBM ng imbestigasyon mula sa mababang kapulungan hinggil sa nagpapatuloy na konstruksyon ng coastal road at sa epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang pagpapalawak ng DPWH ngkalsada sa Abuyog-Gubat-Ariman kahit wala itong maipakitang ECC at iba pang upisyal sa dokumento hinggil sa proyekto sa mga apektadong residente. Wala rin itong isinagawang tunay na konsultasyon sa mga mamamayan at walang permit sa pagputol sa mga lumang puno sa mga lugar na kinilala bilang ‘watershed’ o imbakan ng tubig sa mga mabababang komunidad tulad ng Gubat at Prieto Diaz.
Ang Sorsogon Coastal Road Project ay proyekto na pinapangasiwaan ng DPWH at bahagi ng Build Build Build program ng nakaraang administrasyong Duterte.











