Nakalaya noong Agosto 14 mula sa ilang taon nang detensyon ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Renante Gamara at mga manggagawa sa konstruksyon sina Diony Borre at Raul Razo. Kasunod ito ng pagwawalang-sala sa kanila, kasama ang dalawang iba pa na sina Tirso Alcantara, konsultant ng NDFP, at organisador ng magsasaka na si Dionisio Almonte, sa mga kasong kidnapping na may kaugnay na pagpaslang, at bigong pagpaslang. Habang nakalaya ang tatlo, si Almonte ay nananatiling nakakulong sa New Bilibid Prisons samantalang hindi nakakulong si Alcantara.
Pinararatangan ang lima na may kaugnayan sa pag-kidnap at pagpaslang at bigong pagpaslang sa isang sundalo at isang “dating rebelde” sa Mauban, Quezon na naganap noong Mayo 2007. Idinadawit at pinangalanan sa mandamyento de aresto kaugnay ng kaso ang kabuuang 37 pangalan at mga alyas.
Si Gamara ay inaresto noong Marso 2012 ngunit nakalaya noong 2016 sa bisa ng pyansa para makalahok bilang konsultant sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Nang gumuho ang negosasyon dahil sa pagmamatigas at kalupitan ng rehimeng Duterte, muli siyang inaresto noong Marso 2019. Pinalabas ng mga pwersa ng estado na nakuha sa kanya ang mga armas at pampasabog nang dakpin.
Si Borre ay naaresto noong 2014. Sinasabing tinarget siya ng estado dahil sa ulat na
bayaw siya ng dating tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Gregorio Rosal (Ka Roger). Samantala, naaresto si Almonte noong Enero 2014 habang nagpapagamot sa kanyang herniated (slipped) disc at spinal condition nang inaresto.
Lahat ng mga biktima ay matagal nang naninindigan na hindi pa sila nakapunta o nakatuntong man lamang sa bayan ng Mauban, Quezon kung saan sinasabing naganap ang mga insidente na ipinaparatang sa kanila.
Itinuring ng mga grupo sa karapatang-tao ang ilang taong detensyon sa mga bilanggong pulitikal bilang isang malaking inhustisya. Binatikos ng Karapatan ang taktika ng mga pwersa ng estado at ahensya ng gubyerno na basta-bastang nagdadagdag ng mga pangalan ng mga personahe na kanilang tinatarget sa mandamyento de aresto para matagalang ikulong.
Pinalalabas ng mga ito na ang mga alyas na kasama sa mandamyento de aresto ay ang mga taong kanilang ginigipit. Liban pa, sinabi ng grupo na ang kaso ay ibinatay sa kasinungalingang ipinahayag ng “rebel returnee” na nagngangalang Erwin Rosales na dati nang ginamit ng mga pwersa ng estado sa ibang mga gawa-gawang kaso.
“Nagagalak kami na nakita ng hukuman ang mga kasinungalingan at mga hindi pagkakatugma sa mga testimonya ng mga saksi ng prosekyutor,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Nagpasalamat siya sa mga abugado ng depensa sa pagsisiwalat ng katotohanan at matagumpay na pagpapalaya sa mga bilanggo. “Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!” panawagan ni Palabay.











