Mahigpit na nakiisa ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Altermidya-People’s Alternative Media Network sa kapwa nila mamamahayag sa Gaza na ngayon ay dumaranas ng walang kapantay na pang-aatake at pagdurusa. Muling nanindigan ang mga Pilipinong mamamahayag matapos binomba at pinatay ng mga pwersang Israeli ang limang natitirang korespondent ng Al Jazeera sa loob ng Gaza.
Napatay sa pambobomba ng US-Israel noong Agosto 10 si Anas al-Sharif, kasama ang isa pang korespondent ng Al Jazeera na si Mohammed Qreiqeh at ang kanilang mga camera operator na sina Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal at Moamen Aliwa. Walang kakurap-kurap na inako ng Israel ang pambobomba at binigyan-katwiran pa ito sa pag-akusa kay Anas bilang isang “lider ng isang tim ng Hamas.”
“Hindi lamang dahil mapanganib na trabaho ang pamamahayag laluna sa mga lugar ng tunggalian ay maari nang isantabi ang galit at pagkamuhi ng komunidad ng pamamahayag sa pagpatas sa aming mga katrabaho,” pahayag ng NUJP. Inihalintulad ng grupo ang mga taktika ng militar ng Israel sa taktika ng AFP para takutin, tanggalan ng kredibilidad at gipitin ang mga mamamahayag na Pilipino.
Kinudena pareho ng NUJP, Altermidya at iba pang mga internasyunal na grupo ang pamamaslang sa limang mamamahayag. Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, protektadong mga indibidwal ang mga mamamahayag sa gitna ng isang armadong sigalot. Ayon naman sa Committee to Protect Journalists, lahat ng mamamahayag, anuman ang grupong kinabibilangan, ay laging ituturing na protektado at sibilyan, liban na lamang kung direkta silang sangkot sa armadong sagupaan. Sa gayon, ang sadyang pagpatay sa mga protektadong indibidwal tulad ni Anas, ay maituturing na isang krimen sa digma.
“Malinaw na ang tunay na krimen (ni Anas) sa mata ng mananakop ay ang kanyang dedikasyon sa pagsadokumento ng katotohan, ang pagsaksi sa karumal-dumal na sitwasyong kinakaharap ng ordinaryong mga Palestino sa ilalim ng pananakop,” ayon sa grupo. Isa sa huling mga ulat nina Anas ay ang malawakang paggutom (starvation) sa Gaza at pagkakait sa mamamayan ng kinakailangang ayuda.
Mula 2023, lampas 200 mamamahayag na ang sadyang pinatay ng US-Israel sa Gaza, sa pamamagitan ng pagbomba sa kaninlang mga bahay, upisina, sasakyan at iba pa, kahit malinaw ang kanilang pagkakakilanlan bilang midya. “Kasabay ng pamamaslang na ito ang walang tigil na kampanya ng paninira, kung saan tinatatakang mga terorista ang mga mamamahayag na Palestino dahil lamang sa kanilang papel bilang mga mata at tainga ng mundo sa loob ng Gaza,” ayon sa Altermidya.
“Bilang mga mamamahayag na Pilipino, nakikita namin ang nakababahalang pagkakapareho sa pagitan ng panggigipit na ito sa sarili naming sitwasyon,” ayon sa grupo. “Habang higit na mas matindi ang karahasan sa Gaza, pareho ang pailalim na taktika: ang pagpapatahimik sa mga nagsisiwalat ng katotohanan, pagkriminalisa sa pamamahayag, at ang pagtatakda ng naratibo para iligtas sa pananagutan ang mga salarin at mga nasa kapangyarihan,” dagdag nito.











